Kataka-taka man ay hindi na namin binigyan ng pansin ang kalesa na nasa sa harap ng aming palasyo. Pinaiwan na namin si Pristen at Zaid sa mga kawal. Sila na ang bahala sa aming mga alagang kabayo ni Acariya.
Nasa palasyo na kami ngunit hindi ko pa rin makalimutan ang ginawa ni Clea kanina. Ngunit...bakit siya natakot? Isang Leon lang naman ang nakita namin. Hindi katakot-takot iyon.
"Mga anak." Biglang sambit ni Ama kaya napatingin kami nina Acariya. "Clea." Nginitian niya si Clea. "Ito nga pala si Arturo, siya ang Hari sa palasyo ng Xelvania." Napatingin ako sa aking kapatid. Naninigas siya at hindi siya gumagalaw. "Siya ang ama ng mapapangasawa mo, Acariya."
"H-Hindi!" Tatakas sana siya kaso nakabunggo siya ng binata. "Estino..."
"Mahal na prinsesa." Kinuha niya ang kamay ng aking kapatid at hinalikan. "Masaya ako at nakilala na kita."
"A-Anson." Bumaling sa akin si Estino. "Bumalik na lang tayo sa Quirell." Huminga ako ng malalim at umiling. Hindi ko nais na mahirapan si Acariya ngunit ito ang dapat.
Tumikhim si Ama kaya napabaling kaming lahat sa kaniya. "Ehra, ayusan mo na ang prinsesa." Nakangiti si Estino habang umaalis si Acariya. Kakaibang kislap ang napansin ko. "Anson, Clea. Mag-ayos na rin kayo."
Nauna si Clea dahil sa mga kawal at dama na tumulong sa kaniya. Pinigilan ako ni Ama at tinitigan sa mata.
"Huwag na ulit kayong aalis sa piling ng mga kawal." May pagbabanta sa boses niya. "Malalagot ka sa akin, anak."
Tumango na lang ako at umalis. Bago ako makapasok sa aking silid ay narinig ko ang hagulgol ni Acariya, ang pag-pupumiglas niya at ang pagiging pasaway niya. Hindi niya ito ninanais.
Nalulungkot man ako ay wala akong magagawa. Ito ang kapalaran niya, ang maikasal sa Prinsipe na ngayon ay malapit nang maging hari. Pumasok ako sa silid at kinuha ang alaga ko. Pinuntahan ko si Acariya at pinakiusapan na maiwan nila kami saglit.
Lumuluha siya ngunit naka-ayos na ang kaniyang suot. Ang buhok na lang ang kailangang ayusin at ang kolorete sa mukha niya. Nilapag ko si Escvierra sa bisig niya.
"Esvierra!" Niyakap niya kaagad ang kuneho. "Ina..." Bulong niya sa hangin.
"Kumalma ka na, Acariya." Sambit ko. "Magiging maayos ang lahat."
Humalik ako sa sentido niya at pumunta na sa silid ko. Inayos ko ang sarili ko at lumabas ng silid. Natagpuan ko sina Clea at Acariya na nag-uusap saglit. Napatitig ako kay Nilalang. Kulay Lila na naman ang suot niya. Kumikislap ang mga marka na hugis buwan sa pisngi niya. Tila ito'y may sariling isip.
Nilapitan ko sila at kinausap sandali si Clea. Natagpuan kami ni Ehra at sinamahan na kami sa kung nasaan sina Ama.
"Maupo na kayo." Naupo kaming tatlo sa hapag. "Acariya, sila ang magiging pangalawa mong pamilya mula ngayon. Matuto kang tanggapin sila dahil sa oras na dumating ang hindi inaasahan ay handa na si Estinong mag-bigay ng tagapag-mana ng trono."
Hindi na umimik si Acariya. Masama lang ang tingin niya kay Ama ngunit hindi niya ito binibigyan ng pansin. Tingin ng tingin si Estino kay Acariya at madalas itong napapangiti kapag nag-tatama ang mga mata nila ng kapatid ko. Agad namang umiiwas si Acariya.
Bumaling ako kay Clea na kaharap ang ama nina Estino. Tinitignan niya si Clea na parang nabibighani sa diwata.
"Tama na iyan, Haring Arturo." Sambit ko.
Bumaling siya kay Ama. "Sino ito? Ang alam ko ay isa lang ang prinsesa ng Valdena."
"Isa siyang diwata, Arturo." Pag-amin ni Ama. "Siya si Clea."

BINABASA MO ANG
Under the Night's Moonlight
FantasySa ilalim ng liwanag ng buwan...naging malaya sila. Naging magkaibigan sila, paano kung sa ilalim ng liwanag ng buwan ay masaktan sila? "Inaamin mo na?" "Hindi ka mahirap mahalin, Anson. Pasaway ka pero may bait ka na. Kaya mo na ang sarili mo." Jan...