1

548 13 6
                                    

1

Tadhana...

Karamihan sa atin tadhana lagi ang sinisisi kung bakit tayo malungkot. Tadhana lagi ang dahilan kung bakit tayo masaya, kung bakit ganito ang buhay at kung bakit wala ni isang pagkakataon ang pabor sa atin.

Pero ang hindi nila naisip ay bawat desisyon na ginawa ay siyang resulta sa magiging tadhana. Maliit o malaking desisyon man iyon...

Hindi tadhana ang dahilan kung bakit mahigpit ang hawak ni Melissa sa dalang itim na bag. Hindi tadhana ang dahilan kung bakit nanginginig siya sa takot at pangamba. Pangamba kung ano na ang magiging buhay niya simula sa araw na iyon. Nakayuko ang ulo. Hindi niya magawang iangat iyon.

Hawak siya ni Aling Nelia sa braso habang mahigpit niyang yakap ang lumang bag. May butas iyon sa gilid kaya yaka-yakap niya para hindi mahulog ang laman.

Nasa isang malaking bahay sila ngayon at hinihintay daw ang Donya. Hindi niya kilala kung sino ang Donya na tinutukoy nito. Nagpatianod lang siya nang sinabi nito na sumama siya rito.

Hindi niya alam kung legal ba o illegal ang pinagdadalhan ni Aling Nelia sa kanya. Ang tanging nasa isip niya ay hindi sana ito mangyayari kung hindi siya iniwan ng ina. Wala siyang ideya kung nasaan ang mama niya. Nagising nalang siya isang araw na wala ito sa kanilang bahay. Wala na ang mga damit nito sa tukador. Walang sulat kung saan ito nagpunta.

Naghintay siya ng isang araw. Nagbabakasakaling uuwi din ito. Pero ang isang araw at naging isang linggo at naging isang buwan. Iyak siya ng iyak.

Nagtatanong ng paulit-ulit sa sarili kung bakit siya iniwan ng ina. Ang akala niya mahal siya nito. Akala niya siya lang ang meron nito. Ngunit bakit? Bakit mag-isa na siya ngayon?

"Andito na si Donya Evelyn, Melissa. Bumati ka." Si Aling Nelia sabay tapik ng kanyang likod.

Dahan-dahan niyang inangat ang mukha. Binati kaagad ang mga mata niya ng malaking hagdan. Nandoon ang isang magandang babae na pababa. Puno ng gintong alahas ang katawan nito.

"Nelia, iyan na ba iyong tinutukoy mo?"

Halos manginig si Melissa sa takot nang magsalita ang magandang babae. Ang boses nito ay tila bakal sa lamig. Ma-awtoridad ang boses.

"Opo, Donya Evelyn."

Pagkababa ng Donya sa hagdan ay huminto ito. Pinagkrus ang kamay sa dibdib. Dahil doon tumunog ang mamahalin nitong alahas sa kamay.

"Ilang taon na 'yan?"

"Desi otso po, Donya. Mabait po ang batang ito. Masipag-"

"May boyfriend na ba 'yan? Ayokong biglaang umalis dahil makikipagtanan sa nobyo," putol ng donya kay Aling Nelia

"Wala po, Donya."

Tumaas ang kilay ng Donya at tumango kay Aling Nelia.

"Sige. Sa kusina na s'ya. Ikaw na ang magturo. At kung may palpak sa trabaho ikaw ang managot, Nelia. Maliwanag?"


"Sisiguraduhin ko pong turuan ng ma-"

Hindi ulit natapos ni Aling Nelia ang sasabihin dahil tumalikod na ang Donya.  Lihim na napaismid si Melissa. Dahil ba sa mayaman sila kaya wala na silang respeto sa mas matanda?

"Halika, Melissa. Dapat nating bilisan para makarami tayo ng trabaho." Muli siyang tinapik sa likod ni Aling Nelia.


Sumunod kaagad si Melissa nang mabilis na naglakad si Aling Nelia. Mahigpit pa rin ang yakap niya sa sirang bag.

This Can't be Fate [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon