4
Abala ulit lahat ng mga tao sa mansyon. Dalawang araw nalang kasi bago gaganapin ang malaking pagtitipon sa mga Sandiego. Nagdagdagan din ang mga tauhan na pinapunta ng Donya sa bahay.
Sa araw na iyon nasa hardin lang sa likod ng bahay si Melissa, abala sa pagdidilig ng mga halaman. Kakatapos lang niyang tumulong kay Aling Nelia sa kusina. Hindi na rin siya tumulong doon sa malaking hardin dahil mabibigat na ang mga gawain doon. Mga lalaki lang ang kayang magtrabaho. Kaya naman andito siya sa maliit na hardin. Inabala ang sarili habang naghihintay kung kailan sila pwedeng kumain.
Nang matapos magdilig ay binunot naman ni Melissa ang mga damong tumubo sa halamanan. Masaya siyang nakatingin sa mga pananim. Nagsimula na kasing mamulaklak ang iba at di magtatagal ay mamumunga na iyon.
Plano ni Melissa kapag nakapag-ipon na siya ng maraming pera at pwede na siyang mag-aral, ay Agriculture ang kukunin niya. Mahilig siya sa mga halaman katulad ng ina. Ito ang nagturo sa kanya pero habang tumatagal ay nawawala ang interes nito sa pagtatanim. Pera halos ang bukambibig na nito.
At hanggang ngayon wala pa ding balita si Melissa kung nasaan ang ina. Para bang kinalimutan na siya nito at hindi na kailanman babalikan.
Hindi niya alam kung anong mali ang nagawa niya para iwan siya ng ina na walang sinabi. Hindi naman niya ipipilit ang sarili dito kung ayaw na nito sa kanya. Sana lang ay sinabi nito kung bakit.
"Hindi ko kayo iiwan," bulong ni Melissa sa mga halaman. "Hangga't nandito ako, mabubuhay kayo at uulamin ko." napatawa siya sa sinabi. Umiling at pinagpatuloy ang ginawa.
"Hi miss!" Hindi na sana papansinin ni Melissa ang nagsasalita dahil baka lang hindi siya ang tinawag nito. Pero no'ng naramdaman ni Melissa na may tao sa kanyang likod ay lumingon siya.
Nakita niya ang isa sa mga lalaking nakuha ng Donya para ayusin ang hardin. Nagtaka si Melissa kung bakit nandoon ang lalaki sa halip ay dapat nandoon ito sa hardin.
"Ano po ang kailangan nila?" Magalang niyang tanong dito.
"Roger pala," inilahad nito ang kamay.
"Melissa po," yumuko siya bilang pagbati at hindi hinawakan ang kamay nito. Marumi kasi ang kamay niya dahil sa lupang dumikit doon.
"Ang ganda mo."
Kumunot ang noo ni Melissa. "Ano po ang kailangan n'yo?"
"Kita tayo mamaya?" Mas lalong kumunot ang noo ni Melissa. Hindi na siya sigurado kung maganda pa ba ang hangarin ng lalaki sa harap. Hindi naman sa hinuhusgahan niya ang panlabas nitong anyo pero hindi niya mapigilan ang sarili. Halos hubad kasi ang pang itaas nitong damit. Sa isang braso lang nito nakasuot ang damit. Lantad ang may kalakihang tiyan at parang nandididri si Melissa sa paraan ng paninitig nito.
"Sabi kasi noong isang katulong gusto mo daw ako. Nakikita din kitang sumuslyap sa akin. Kaya kita tayo mamaya?"
Sobrang gulat si Melissa dahil sa narinig. Ni minsan ay hindi niya naalalang nakatingin siya sa lalaking ito. Hindi niya ito gusto at sa mga kilos at pananalita nito ay hindi niya ito magugustuhan kahit kailan.
"Bawal ho kayo dito, Kuya. Umalis na po kayo," matigas niyang sabi.
Bawal talaga ang lalaking ito sa likod ng bahay ng mga Sandiego at lalong bawal ang pananamit nito. Ayaw na ayaw ng Donya ang mga ganong porma. Kaya nga may uniporme silang mga katulong na halos tabunan lahat ng balat nila.
BINABASA MO ANG
This Can't be Fate [COMPLETED]
RomanceAng akala niya ay kapag nagmahal ka dapat magmahal ka ng labis. Pero ang salitang iyon ay hindi pala para sa kanya. Para pala iyon sa taong nagmamahalan. Sa sitwasyon niya, siya lang ang nagmahal. Siya lang ang nagmahal ng labis at siya lang ang nas...