9
Pakatapos labhan lahat ng kanyang damit, umalis na si Melissa sa laundry room. Naiwan doon si Cecil na namumutla at panay ang tingin sa bulsa niya kung saan nakalagay ang kanyang cellphone.
Mabuti nalang talaga at bumili siya ng cellphone kahit wala naman siyang mapaggagamitan no'n na importante. Ngayon meron na. Hindi lang panonood ng tv ang pwede niyang gawin doon. Pwede niyang gamitin iyo bilang pananakot kay Cecil.
Nakahinga siya ng maluwag, walang nakakaalam sa sekreto niya. Siya lang at ang Senyorito- kung naalala nito ang mainit na gabing iyon. At hindi na rin siguro siya pag-iinitan ni Cecil. Siguro kapag nakuha nito ang cellphone niya at sirain. Pero hindi niya ihihiwalay ang cellphone niya sa bulsa simula sa araw na ito.
Hindi niya hahayaang burahin ni Cecil ang larawang nakuha niya o sirain ang cellphone niya. Iyon ang maging panakot niya dito para tigilan na s'ya nito.
Balak sana ni Melissa na magpahinga kagaya ng utos ng Donya pero ayaw naman niyang may masabi ang kasamahan niya. Pag-iinitan siya lalo ng mga ito. Kaya imbes na pumuntang maid's quarter ay pinuntahan nalang niya ang kanyang hardin.
Nakita niya ang mga bulaklak ng mga tanim. 'Yong iba nagsisimula na ding mamunga at ang iba ay pwede nang pitasin.
Pumasok siya sa kusina para kumuha ng basket na paglalagyan niya sa mapipitas na gulay. Positibo siyang matutuwa ang Donya kapag nakita nito ang mga gulay na pananim niya. Sana nga lang.
Maliit lang ang basket na dala ni Melissa para sa mga napitas niya. Apat na naglalakihang ampalaya. May isang kalabasa pa siyang nakuha at mga sibuyas. May mga lettuce din na s'yang paborito ng Donya.
Hinugasan muna niya ang mga iyon galing sa gripong malapit. Pagkatapos ay dinala niya iyon sa kusina. Nakita pa ni Melissa ang pasimpleng sulyap ni Aling Nelia sa dala niya. Pati ang pag-irap ng mga mata nito.
Palihim siyang napailing.
Simula noong gabi na nasampal siya ng Donya ay halos hindi na siya kinikibo ni Aling Nelia. Maraming beses na din niya itong nahuling umiirap sa kanya kahit wala naman siyang ginawa.
Ayaw niyang isipin na naiinggit ito sa kanya dahil wala naman itong dapat ika inggit. Pero habang padagdag ng padagdag ang mga araw na nahuhuli niya itong mariin na nakatingin sa kanya ay mas lalo siyang nagdududa na naiinggit nga ito.
Binalewala nalang niya iyon. Dahil kung hindi niya iyon gagawin siya lang naman din ang mahihirapang mag-isip, kung ano ang nagawa niyang mali.
"Melissa!"
Isa din sa napansin ni Melissa na lagi nalang siyang tinatawag ng Donya. Kung may ipag-uutos ito ay siya lagi na ang tinatawag.
"Po?"
Agad siyang nag-iwas ng tingin kay Aling Nelia nang makita niyang umismid ito. Sa tagal niya doon na nagtatrabaho ay wala ni isa sa mga kasamahan niya ay wala siyang naging kaibigan.
"Bukas pumunta ka ng palengke. Bilhin mo ito," ang Donya sabay abot sa isang puting papel. Tingin niya ay listahan sa gusto nitong ipabili. "Lumapit ka bukas sa akin kapag pupunta kana para mabigyan kita ng pera," dagdag nito.
Marahan siyang tumango habang binabasa ang listahan nito. Hindi naman iyon marami. Nang binilang niya ay sampung lista lang iyon. Iyong iba pa nga ay marami pa sa stock room.
BINABASA MO ANG
This Can't be Fate [COMPLETED]
RomansaAng akala niya ay kapag nagmahal ka dapat magmahal ka ng labis. Pero ang salitang iyon ay hindi pala para sa kanya. Para pala iyon sa taong nagmamahalan. Sa sitwasyon niya, siya lang ang nagmahal. Siya lang ang nagmahal ng labis at siya lang ang nas...