"It's not her! It's not her!" paulit-ulit na usal ni DJ habang nakasalampak sa sahig ng silid ng nakatatandang kapatid. Umusog siya sa pinakadulong sulok ng silid, nakatago ang mukha sa mga braso at mistulang inuugoy ang sarili. Natatakot siyang makita ang katawang nakaratay sa kama ng kanyang ate subali't wala siyang lakas ng loob na lumabas ng silid.
Isang kamay ang lumapat sa kanyang braso at nanginig siya sa dampi nito. "DJ, uminom ka muna ng tubig. Pakiusap," malumanay ang tinig ni Serena. Mainit ang palad nito at parang napapaso siya sa pagkakahawak nito sa kanya.
Nag-angat siya ng mukha rito nguni't tila hindi niya ito nakikita. Waring nandilim ang buong silid at tanging anino lamang ang nakatayo sa kanyang harapan.
"DJ?" Dumampi ang palad ng dalaga sa kanyang pisngi. Ang init na taglay nito ay kumalat sa kanyang mukha, waring balabal na nagpapainit sa kanyang nilalamig na katawan at noon lamang niya nakita ang dalaga. Ang maamo nitong mukha ay kababakasan ng masidhing pag-aalala, lalo na ang mga mata nitong tila sinisisid ang kanyang kaluluwa. "Pakiusap, uminom ka muna."
Pinagbiyan niya ang hiling nito. Isang lagok ng maligamgam na tubig lamang at pakiramdam niya ay tuluyang naglaho ang panlalamig na kanyang nararamdaman. Nagulat pa siya nang bigla siyang yakapin ng dalaga. Ang mainit-init nitong hininga ay sumasagi sa dulo ng kanyang tainga, wari bang nangingiliti.
"Magiging maayos rin ang lahat," sabi nito nang kumalas mula sa pagkakayakap sa kanya. Muli nitong ikinulong sa mga palad ang kanyang mukha. "Babawiin natin ang ate mo. Pangako iyan."
Hindi siya nakapagsalita kaagad sa mga inusal nito. Posible bang magawa nila iyon gayung hindi nga nila alam kung sino ang kumuha sa kanyang ate. O kung saan dinala ang kanyang nakatatandang kapatid. "How are we going to do that? We don't even know her abductors."
"Maghahanap ako ng paraan," tugon nito.
Hindi siya nakapagsalita. Nais lamang niyang matunaw sa mga palad ng dalaga. Nais niyang yakapin siyang muli nito at sa bisig nito ay namnamin niya ang kalungkutan.
"Naniniwala ka ba sa akin?" Ito ang naging tugon ng dalaga at napatango siya rito. Inakay siya nito patayo. "Salamat." Hawak ang kanyang kamay ay hinila siya nito palabas.
"Saan tayo pupunta?" naguguluhang tanong niya nang nasa pintuan na sila. Hindi sinasadyang napalingon siya sa kama kahit na alam niyang hindi naman niya ate ang nakahiga roon.
"Basta. May ipapakita ako sa iyo."
--------
Nagpakawala siya ng isang buntong-hininga nang tumapat sa pultahang bakal. Ang likidong bighani na kanyang iniinom ay nakatutulong upang labanan ang lasong taglay nito sa tulad niyang engkanto, subali't maingat pa rin siyang huwag sumagi rito.
Sa kanyang pagpasok ay napatingala siya sa mga titik na nakasulat sa ibabaw ng maliit na bughaw at puting gusali. Naglalaman ang gusali ng mahahalagang kaalaman tungkol sa daigdig ng mga mortal at marami pang iba; mga aklat ng kaalamang nakatulong rin sa kanyang maintindihan ang mundong kanyang kinasadlakan. Saglit niyang pinagmasdan ang mga titik na nagsasabing L.A. DIOSO MEMORIAL PUBLIC LIBRARY, at muling nagtaka, sa hindi mabilang na pagkakataon, kung bakit ipinangalan sa isang mortal ang isang silid-aklatan. Sa ibabaw ng mga titik, nakapaloob sa isang bilong, makikita ang larawan ng isang hayop, isang leon, napag-alaman niya matapos ang ilang taon ng pamamalagi sa loob ng aklatan, na tila nagbabasa.
Mabilis niyang tinungo ang dako ng mallit na entablado, sa gilid ng gusali, kung saan ginaganap ang ilang mahahalagang pagdiriwang ng naturang aklatan, doon ay may malaking puno ng talisay. Bago niya tinumbok ang likuran ng entablado ay nilingon pa niya ang paligid kung may nagmamasid ba sa kanyang ginagawa. Nang matiyak niyang walang sinumang nagbibigay pansin sa kanya ay saka lamang siya nagpatuloy.
BINABASA MO ANG
BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])
AdventureMatapos ang sampong taon ay nagbabalik si DJ sa probinsiya ng kanyang nakatatandang kapatid, hindi upang magbakasyon, kundi upang turuan siya ng aral dulot ng katigasan ng kanyang ulo. Subalit isang gabi, lihim siyang iniligtas ng isang natatanging...