22. Ang Tibsukan

429 32 7
                                    

Tinumbok ng munting linya ng liwanag ang mga nauling na putol ng sanga at abo sa lapag, na napaliligiran ng mga bato, nagkalat naman sa paligid nito ang mga butong pinagpira-piraso; mga labing iniwan ng pinagsigaan nang nagdaang gabi.

Sa isang sulok, tahimik na nagsusuklay ng mahaba at unat na unat na buhok ang pulang tahamaling gamit ang piraso ng pangang may mala-karayom na mga ngiping pinurol bilang suklay. Sa kabilang sulok, ang dambuhalang talahiang ay binabanatan ang malamig at tirang inihaw na naiwan kagabi. Nginatngat nito ang lahat ng laman, kasama pati buto at nagkadurug-durog ito habang nginunguya ng higanteng engkanto. Matapos iyon ay dumighay ito nang pagkalakas-lakas, dahilan upang magsiliparan ang mga ibong namamahinga sa ibabaw ng mga puno.

"Sarap!" turan nito matapos dilaan ang bawat daliri. "Kay sarap ng inihaw." Dumighay pa ulit ito.

Napailing si Liway Putli na kasalukuyang nagtitirintas na ng buhok. "Wala kang kasawaan sa inihaw. Buong buhay mo'y iyan na lamang ang kinain mo."

Ngumisi nang nakaloloko ang talahiang. "Hindi, hindi nakasasawa ang inihaw."

"Katakawan," usal ng tahamaling, na nginisihan lamang ng talahiang.

"Kailangan na nating umalis." Mula sa pagkakasandal sa puno ay humarap si Tibal-og sa kanila. "Kailangang matagpuan na natin siya sa lalong madaling panahon."

Tumayo mula sa kanyang kinauupuan ang tahamaling. "Sino ba itong kailangan nating tugisin at anong kalapastangan ang hinasik nito?" nagpagpag ito ng puwet.

Tumango si Enaptawi. "Oo nga, oo nga. Sino ito at kinailangan pa ang aming husay upang hulihin ito? Sapat na ang hukbong-lakas ng kaharian sa mga ganitong suliranin, batid namin."

Muling tumalikod ang oguima at napailing. "Ilang ulit na namin itong nahuli subali't ilang ulit rin kami nitong tinakasan. Isang mapaglinlang at madulas na dayo, na siyang dahilan nitong lahat. Kung nakinig lamang ang Dayang sa aking panginoon, marahil ay kapiling pa rin natin ito. Hindi natin mapagkatitiwalaan ang mga dayo buhat sa ibang kaharian. May sari-sarili silang maiitim na pakay," saad pa nito.

"Nguni't tahimik nang namumuhay ang mga engkanto salamat sa Kasunduan ng Apat na Lahi," bigkas ng tahamaling. "Sinasabi mo bang may nagsusulong na buwagin ito?"

Malayo ang tingin ni Tibal-og. Nakatitig siya sa madilim na bahagi ng kagubatan nguni't wala roon ang kanyang tinatanaw. Naalala niya ang minsang binanggit ng kanyang panginoon tungkol sa pagkakabuo ng Kasunduan ng Apat na Lahi. "Iyon ang hinala ng aking panginoon."

Nagkatitigan ang talahiang at tahamaling.

"Naiisip, naiisip mo ba ang maaaring idulot nito, kaibigan?" si Enaptawi ang nagsatinig ng tanong. Pansamantala itong nabitin sa hangin. Animo'y walang sino man sa kanila ang nais na sagutin ito.

"Digmaan," tahimik na bulong ng oguima. "Walang saysay na digmaan."

"Hindi ito maaari. Kailangang mahadlangan natin ito bago pa ito maisakatuparan," bakas ang takot sa himig ni Liway Putli.

Tikom na tumango ang talahiang. Maging ito ay kababakasan rin ng takot.

"Kung gayu'y papaano natin matatagpuan ang dayong ito?" tanong ng tahamaling.

Muling humarap sa kanila ang oguima, nabuhayan ng pag-asa ang mga mata. "Kaya nga't kayo ang aking unang dinulugan, batid kong tanging kayo lamang ang makakatulong sa akin sa pagtugis sa tulisang dayo."

Namaywang ang tahamaling. "Hindi ka nagkamali nang dinulugan, Tibal-og," pangiti nitong wika. "Enap, sa tingin ko'y panahon na upang gamitin natin ito."

Tumango si Enaptawi, nangislap ang matatalas nitong mga ngipin nang ito'y ngumisi.

--------

Nang magbalik si DJ sa kusina, naroon pa rin si Marietta, kaharap pa rin ang kalan at nagluluto. Naggigisa na ito ng mga gulay na hinatid ng pinsan ni Serena. Naiisip niyang hindi masarap ang ihahain nito sapagka't nakasimangot ito habang nagluluto.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon