26. Ang Supot ng Ginintuang Pulbos at ang Balahibo

378 25 2
                                    

Nakaupo siya sa madilim na sulok nang walang kagalaw-galaw. Walang kisap siyang nakatitig sa malapad na batong nasa gitna ng silid, kung saan tumatama ang tanging liwanag na nagmumula sa bilugang butas sa pinakagitna ng kisame. Hindi man lamang nito naiilawan ang mga dingding na gawa sa matatabang ugat ng punong-kahoy, na nagdudulot ng maalimuom na samyo sa buong paligid.

Malawak ang silid nguni't walang kahit na anong kasangkapang tinataglay bukod sa malapad na mesang bato. Ang sahig nito ay maputing luwad, na sa tinagal ng panahon at sa dinarami-rami ng mga paang umapak, ay nanigas na. Wala ring matatagpuang kahit na isang durungawan sa buong paligid.

Nakapaikot sa batong mesa ang pitong antas ng baitan, na siyang inukit mula sa parehong maputing luwad, ang bawat isa ay mas mataas kumpara sa nauna pa rito. Ang silid ay pinagdarausan ng mga mahahalagang pulong ng mga engkantong-lupa, at maging tanggapan ng ilang mga piling panauhin, subali't kalaunan ay dumalang na ang dalas ng pagdaraos ng mga pulong na ito at nitong mga huli ay idinaraos na lamang sa ibang bahagi ng kaharian.

Pinili niyang maupo sa pinakamataas na baitan, sapagka't dito ay natatanaw niya ang lahat.

Humugot siya ng mahabang hininga, at nang kanya itong ibuga, tila hamog itong umikut-ikot paibabaw hanggang sa unti-unti itong naglaho. Gustong-gusto niya ang halimuyak ng alimuom na naghahari sa buong silid, at nilanghap niya itong muli. Mas ibig na niya ang samyo nito kaysa sa amoy-alikabok na taglay ng karamihan sa silid ng kastilyo nakukubli sa ilalim ng lupa.

Umayos siya ng pagkakaupo, para bang sa pagkilos na iyon ay malilinawan ang kanyang isip. Binalik niya ang tingin sa mapalad na mesang bato at sa nag-iisang bagay na nakapatong sa gitna nito kung saan pinaliliguan ito nang nakasisilaw ng liwanag.

Hindi niya lubos maarok kung bakit ibinalik ito sa kanya ng mga pantas nang walang kahit na anong paliwanag, matapos niyang hilingin sa mga itong isailalim ito sa masinsinang pagsusuri. Inaasahan niyang mabibigyan siya ng marapat na kaalaman hingil sa tinataglay nitong salamangka, subali't ayon sa kanila, ang mismong pinagmulan nito ay isang hiwaga. Hindi ito gawa sa mga sangkap na buhat sa kanilang kaharian, at tuwirang mapanganib kung kanilang ipipilit ang ibang ipinagbabawal na paraan ng pagsusuri. Sa kasalukuyan, tanging kapinsalaan ang dinulot nito sa mga silid-surian ng bawat pantas na sumubok tuklasin ang misteryong tinataglay nito, at mariing ipinaalala ng bawat isa sa kanya.

Kaya't ito siya, balik sa unang hakbang, nag-iisip kung saan o kung kanino pa maaaring lumapit upang isangguni ang kinahaharap na suliranin, na maaaring magturo sa kanila sa kinahantungan ng Dayang. Nilapitan na niya ang mga itinuturing na bihasa sa buong kaharian nguni't binigo siya ng mga ito.

Isa pang hininga ang kanyang hinugot at binuga bago naisipang tumayo. Lumapit siya sa batong-mesa, ninamnam at bawat hakbang palapit rito at ilang saglit ring nakatayo sa harap nito na tila patay na punong kahoy; ang kanyang mga sungay ay waring mga sangang sinalanta ng taglagas.

Tinitigan niyang maigi ang nakapatong sa batong-mesa. Napakaliit nito at sa kanyang palagay ay marupok. Kaunting hila lamang rito ay mapupunit na ito. Subali't hindi siya hunghang upang maliitin ang kapangyarihang nakatago sa taglay nitong laki.

Maingat at halos may pangamba ay dinakot niya ang munting supot. Inilapit niya ito sa kanyang mukha at pinasadahan nang mabilis na pagsusuri, pagkatapos ang sininghut-singhot niya ito upang usisain ang amoy. Naduwal pa siya dahil sa ginawa nang malulon niya ang kinukubling kasula-sulasok at hindi inaasahang baho nito. Muntik na niya itong mabitawan dahil sa gulat.

Sa malayo ay hindi niya maipagpalagay ang amoy nito, kahit pa na sensitibo ang kanyang pang-amoy. Inilayo niya sa mukha ang supot at sa liwanag na tumatagos mula sa kisame ay sinipat-sipat ang laman nito.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon