Ang tunog nang malakas na pag-ungol ng tiyan ang pumukaw sa kanyang mahimbing na pagkakatulog. Napatakip siya ng mukha nang tumama ang sinag ng araw sa kanyang mukha. Bahagya pa rin niyang nararamdaman ang kirot sa kanyang kaliwang balikat pero mas matindi talaga ang pagkalam ng kanyang sikmura.
Paupo siyang bumangon at napahimas sa kanyang tiyan. Gutom na talaga siya. Pero tinatamad pa siyang lumabas. Pabagsak siyang nahigang muli sa kama, kalong ng mga bisig ang ulo at napansing may tatlong poster ng online games na magkakatabing nakapaskil sa uluhan ng kanyang kama. Iyon ang tatlo sa pinakababorito niyang online games. Sino kaya ang naglagay ng mga iyon roon?
Bumaling siya sa kanan, sinusuri ang lumang silid na gamit rin niya noong unang bakasyon niya rito. Ang tagal na pala nang lumipas pero ang lumang aparador na lagayan niya ng mga damit ay naroon pa rin. Ang whole body mirror sa kaliwang pinto nito ay tila lumiit na. Naaalala niya noon na tatalon-talon pa siya upang maabot lamang ang pinakamataas na parte nito. Sa kaliwa, katapat ng aparador ay naroon ang wooden shelf na dati-rati ay naglalaman ng mga display gaya ng pinatuyong corals at naglalakihang conch shells, mga coconut handicraft, at iba't ibang uri ng isdang-dagat na inukit mula sa kahoy; napalitan na ang mga ito ng comic books at nagtataasang koleksiyon ng CD's at DVD's niya. Napapagitnaan nila ang isang maliit na stereo, sa ibaba niyon ay isang DVD player, at sa ibaba pa niyon ay isang twelve inch flat screen TV.
Not bad, naisip niya. Kung sino man ang nag-ayos nito, I'm impressed.
Napatitig siya sa kisame. Salungat sa bughaw na pintura ng buong kuwarto, ito ay mistulang bintana patungo sa kalawakan. Ang larawan ng glow-in-the-dark na mga bituin, mga planeta at iba't ibang hugis ng galaxy ay nangingibabaw sa maitim nitong kulay.
Nag-angat siya ng isang kamay upang tila abutin ang dalawang bughaw na mga bituin na pinakamalapit sa kanya nang bigla itong kumisap, kasabay nang paghulog ng isang hayop mula roon.
"Holy crap!" hiyaw niya sa gulat nang bumagsak ito sa kanyang dibdib. Napatalon siya mula sa kama at nagsumiksik sa isang sulok, hawak sa harap ang unan na wari bang ito ay isang sandata. "A-aswang?" Dinuro niya ang hayop na naiwang nakaupo sa gitna ng kanyang kama.
Ngumiyaw ito nang isang beses kaya't naihagis niya rito ang unan ngunit hindi man lamang ito tinamaan. Gumulong ito sa kumbre-kama at nag-inat-inat.
Natawa siya sa sarili. Bakit ba niya ito tinawag na aswang samantalang umaga naman. Tanging sa gabi lamang lumalabas ang mga aswang, iyon ang naaalala niya sa mga kuwentong matatanda. Gumuhit sa kanyang isipan ang nangyari nang nakalipas na gabi.
"Ikaw!" Umikot siya sa kama upang damputin ang unang kanyang itinapon mula sa sahig. "Ikaw ba ang tumulong upang saklolohan ako?"
Kumawag ang payat pero mahaba nitong buntot bilang tugon.
Naupo siya sa gilid ng kama, pinag-aaralan ang hitsura nito. Para sa isang maliit na hayop, isang malaking bagay ang naitulong nito sa kanya. May isang bagay lang siyang hindi maintindihan, anong klaseng hayop ito? Mas malaki lamang ito nang kaunti sa isang kuting. May mga katangian ng pusa ang mukha at mga mata, pero may malalapad na tainga at ilong ng isang aso. At ang makapal na balahibo nito ay napakapino.
Hahaplusin sana niya ito nang biglang bumukas ang pinto.
"Good morning, Sir Jacobo!" masiglang bati ng kasambahay nilang si Marietta sa kanya. May dala itong tray na puno ng mga pagkain: isang plato ng piniritong mga isda, isang malaking mangkok ng ginisang gulay, isang plateto ng sinangag na kanin, isang slice ng hinog na papaya at matangkad na baso ng gatas. "Breakfast in bed."
"Correction, it's DJ," sabi niya sa kasambahay. "Di ba sabi ko sa iyo, huwag mo na akong tatawagin sa pangalang 'yon? Binata na ako."
Pagkalapad-lapad nang ngiti ni Marietta sa kanya. "Hay naku sir, kahit ano pang sabihin mo, ikaw pa rin ay mananatiling Little Jacobo ko." Lumapit siya sa bedside table at inilapag ang dala-dalang tray. "Ngayon, oras na para mag-almusal ka. Nagluto ako nang marami dahil inuwi kayo rito kagabi na walang malay. Dadalhin ka pa sana namin sa ospital, pero naisip ko na malamang ay hindi ka na naman kumain. Kaya dapat ubusin mo ang mga ito."
Natahimik siya. Kilalang-kilala na talaga siya ng kanilang kasambahay dahil simula't sapol ay ito na ang nag-alaga sa kanya. "Teka, ano bang ginagawa mo rito? Hindi ba't nagpaiwan ka sa Maynila kasama nina mama at papa?"
Pilya itong kumindat sa kanya habang nililipat sa lamesita ang mga pagkain. "Sabihin na lang nating nagpaalam ako sa kanila para lang ayusin itong magiging kuwarto mo. Nagustuhan mo ba?" kumpas niya sa buong silid.
Napangiti siya. May pagkapasaway talaga itong kasambahay nila. Paniguradong gumawa na naman ito nang kung anu-anong mga kuwento upang takutin ang kanyang mga magulang mapapayag lamang sila.
"Iyan ang gusto ko sa iyo e," pagpapa-cute niyang sabi.
"You're welcome, Sir... DJ." Pinisil nito ang kanyang ilong. "Kaya kumain ka na diyan. Ayaw kong malilipasan ka na naman ng gutom. Malalagot ka talaga sa akin." Lumabas na ito ng pinto.
Tumayo siya mula sa kama at lumapit sa pinto upang ikandado ito. Kamuntikan na siyang mahuling kumakausap ng hayop. Pinagbawalan pa naman siyang lumapit sa mababalahibong hayop dahil sa kanyang allergy. Nakapagtataka lang na hindi siya inaatake kahit kasama niya ito sa loob ng kuwarto.
"Nasaan ka na? Wala na ang makulit naming kasambahay," tawag niya rito. "Lumabas ka na."
Sumilip siya sa ilalim ng kama pero wala ito roon. Napakamot siya ng ulo nang tumayo ulit. Saan naman kaya ito nagpunta?
Pasalampak siyang naupo sa gilid ng kama, iniisip kung bunga lamang ba ng kanyang imahinasiyon ang nakitang hayop dahil sa wala pang kalaman-laman ang kanyang sikmura o totoong nangyari ito. Napailing siya sa sarili. Over active imagination, iyon ang tanging paliwanag na naisip niya.
Umusog siya sa bedside table upang kumain na lamang, subalit nang akmang dadamputin na niya ang kutsara ay biglang naman itong dumulas at nahulog sa sahig. Nanlaki ang kanyang mga mata. Hindi imahinasiyon ang kanyang nakikita kundi ang naturang hayop na unti-unti lumilitaw sa kanyang harapan at gutom na gutom na nilalantakan ang isang piraso ng piniritong isda na kanyang almusal.
Tulad ng isang chameleon, may camouflage ability ang bago niyang alaga.
BINABASA MO ANG
BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])
AdventureMatapos ang sampong taon ay nagbabalik si DJ sa probinsiya ng kanyang nakatatandang kapatid, hindi upang magbakasyon, kundi upang turuan siya ng aral dulot ng katigasan ng kanyang ulo. Subalit isang gabi, lihim siyang iniligtas ng isang natatanging...