12. Ang Puno at ang Singsing

852 46 11
                                    

Takip-silim. Sa lahat talaga nang oras, ganito pa talaga naisipan ng kanyang panginoon na lumakad. Noon pa man ay hindi niya maarok ang takbo ng isip nito at ang tangi at lagi niyang ginagawa ay ang sumunod rito. Nagtataka lamang siya, kung bakit, sa lahat nang mga nangyari sa kaharian, ay nanatili itong tila panatag. Nawawala ang dayang, at hindi nila alam kung saan ito nagpunta. At kahit pa nagbigay ito nang mahigpit na utos na hanapin at ibalik ang dayang ay tila hindi naman ito taos sa kanyang puso.

Hindi lingid sa kanyang kaalaman na matindi ang pag-aasam nito sa trono, pero hindi niya ito kinakitaan nang kahina-hinalang hakbang upang mapasakamay ang naturang trono. Kaya lamang, nag-iiba ang panahon. At dahil sa nangyari, naisip niya, panahon na kaya upang magpalit ng pamunuan? Tiyak niyang angkop na angkop ang kanyang panginoon na maging isang hari. Kahit pa marami sa mga nasasakupan ang ayaw sa kanya.

Binilisan niya ang paglalakad. Malapit na silang lumabas sa kakahuyan. Nguni't napahinto siya saglit nang mapansing may kakaibang awra sa paligid. Madilim at nakakapangilabot.

Napatingin siya sa likod ng kanyang panginoon. Tiyak at mahahaba ang mga hakbang nito at tila hindi nito alintana ang kakaibang awra na sumusungaw. Batid niyang mas malakas kumpara sa kanya ang pakiramdam nito at sa kanilang dalawa, ito ang unang makapapansin kung may mali. Pero diri-diretso lamang ito sa paglalakad.

Nagmamadali siyang sumunod rito. Hangga't kasama niya ito, alam niyang ligtas siya. Hindi naman sa hindi niya kayang ipagtanggol ang sarili, pero mas mainam na ang maingat.

Habang papalapit sila sa labasan, mas lalong sumidhi ang madilim na awra sa paligid. May pag-aalinlangan ang mga sumunod niyang hakbang na wari ba'y sumusuong sila sa tiyak na panganib. Nararamdaman niyang sumisipsip rin ito sa mismong lupa at naaapektuhan higit lalo ang mga puno at halaman sa paligid.

"Panginoon?" kinakabahan niyang tawag rito. Masama ang kanyang kutob. Ang lugar na ito ay itinuturing na kabanal-banalan, kung saan ang sinumang magagawi rito ay makararamdam nang kapayapaan at paghilom. Subali't taliwas yata ito sa mga nakikita  at nararamdaman niya.

Hindi tumugon ang kanyang panginoon. Huminto ito sa tabi ng isang punong unti-unting nalalagasan ng mga dahon dulot nang madilim na awra at nagpalinga-linga sa paligid, na para bang tinitiyak  na walang sinuman ang nagmamatyag sa kanila, bago muling naglakad.

Naglaho itong bigla sa makakapal na hamog, na animo'y lumitaw sa kawalan.

"Panginoon!" hiyaw niya at napatakbo kung saan ito naglaho. Nakarating na pala sila sa labas ng kakahuyan, malayo sa nagtatayugang mga punong kahoy na dantaon nang nabubuhay. Subali't hindi niya inaasahang ganito ang kanilang matatagpuan.

Nababalot nang makapal na hamog ang burol na kanilang pakay. Tila ba sinakluban ito nang madilim na ulap mula sa kalangitan at mahigpit na hinahagkan ang lupa sa nakamamatay na yakap. Kung saang dako ang naaabot nang nakalalasong hamog ay unti-unti itong nangamamatay. Mistulang hinihigop nito ang buhay ng ano mang bagay na madadampian nito. Pansin niyang nalanta't nangitim ang mga damo't halaman sa paligid ng burol, at sa pakiwari niya ay dinaanan ito ng apoy at nasunog.

Napatingala siya sa buwan, na noong mga sandaling iyon ay nagsisimula pa lamang umakyat sa papadilim na kalangitan. Nasa ibabaw lamang ito nang kaisa-isang puno ng baleteng tumutubo sa ibabaw ng burol, na dumagdag pa lalo sa kakaibang awra ng paligid.

Ang balete ay isang lagusan. Nahahati paarko sa gitna ang mga ugat nito upang magsilbing daanan. At ang noo'y mayamungmong na taluktok nito ay pinagkaitan na ng mga dahon; naiwan ang mga sanga nitong hubad at wari bang nagsusumamo sa alapaap sa sinapit nito. Kapansin-pansin na umaagos mula sa mga ugat nito ang madilim na hamog.

May masamang nangyari sa Puno! Iyon kaagad ang pumasok sa kanyang isip. Kaya ba naisipang dumalaw rito ng aking panginoon?

Nabaling ang kanyang paningin sa hugis ng kanyang panginoon na matikas na nakatayo at nakatingala sa patay na balete. Nakukubli ng anino ng puno ang hitsura nito, subali't naaanig niya sa kadiliman na tinitimbang na nito ang mga pangyayari.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon