31. Ang Aghoy at Lewenri

73 2 0
                                    

Mula sa kanyang bintana ay naaamoy niya ang bango ng inihaw na tuna; waring pinapaigting nito ang gutom na kanyang nararamdaman na kanina pa niya pinipigilan. Sa madilim na kalangitan, tila sumasayaw na puting belo ang usok na marahang iniihip ng hangin paibabaw mula sa ihawang punung-puno: may inihaw na bangus, na sa init ng mga baga ay tumutulo na ang katas mula sa foil na bumalalot rito; tingkad na tingkad rin ang kulay dilaw mula sa mais na inihaw; nariyan ang naglalakihang sugpo na mula sa kanyang kinatatayuan ay tila amoy na amoy niya. Siyempre, hindi nawawala ang hotdog at pork barbue que.

Ginalaw niya ang kanyang paa upang malipat ang bigat mula sa kanyang pagkakatayo sa durungawan. Huling gabi ng kanilang mga bisita sa resort, at nagpaunlak si Mamang ng munting kainan para sa mga espesyal na bisita. Madalang silang makatanggap ng panauhin kung kaya hangga't maaari ay ginagawa nila itong makabuluhan at espesyal upang magkaroon ng hindi malilimutang saya at alaala ang mga bisita.

Sa kabila ng masayang kwentuhan at maingay na salu-salo sa ibaba ay pinili ni DJ na natawin na lamang ito mula sa kanyang bintana. Wala siyang ganang makipagsaya at halubilo kasama sila dulo't na rin ng mga pangyayaring hindi niya lubos na mapaniwalaan.

Naglalaro pa rin sa kanyang isipan ang natuklasan nila sa silid ng nakatatandang kapatid. Hindi - pagwawasto niya sa sarili; nagpapanggap na nakakatandang kapatid niya. Hindi na siya dumalaw sa silid nito nang makabalik sa resort upang tingnan kung ano na ang kalagayan nito, tulad ng madalas niyang ginawa mula nang ito ay magkasakit. Para saan pa? Hindi naman ito ang kanyang totoong Ate Eda. Ni hindi nga niya alam kung sino ang dumukot rito at kung papaano ito nangyari. Who knows, marahil ay hindi na niya makikitang muli ang kanyang ate.

Umiling siya ng ulo. Hindi dapat siya nag-iisip ng mga ganoong bagay.

"I will save you, ate," bulong niya sa sarili. "No matter what the cost. I will save you. And I will make sure whoever abducted you will pay a high price," pangako pa niya sa kawalan.

Napukaw siya sa pag-iisip nang mahagip ng kanyang paningin ang lumipad nang mabilis sa kanyang harapan. Hindi niya ito nakita nang malinaw o kung saan ito nagpunta subali't nahinto ang kanyang tingin sa puting monoblock chair kung saan nakaupo ang bisitang si Arabella.

Nakaharap ito kay Mang Lito at nakangiti sa kinukuwento ng driver. Kalaunan ay humalakhak ito sa binitawang joke ng driver at walang anu-ano ay biglang napatingin sa kanyang dako. Ngumiti ito at nagtaas ng inihaw na mais na nakatuhog sa barbeque que stick, na para bang iniimbitahan siyang bumaba at makipagsaya kasama sila.

Nginitian rin niya ito nguni't batid niyang hindi ito umabot sa kanyang mga mata dahil kumunot ang noo ng dalaga nang makita ang kanyang pagngiti.

Tanaw niyang kumuha ng inihaw na hotdog ang dalaga mula sa platong puno ng pagkain at iniangat ito sa kanyang dako, waring ipinagdiriinan ang anyaya nitong makisalo sa kanila subali't dito ay umiling na siya at sa halip at tinanaw ang kanilang kasambahay na si Marietta na abala sa pagbabaliktad ng mga inihaw.

Nakatagilid man ito at nakukubli ng anino ng dilim ang mukha ay mababanaag pa rin nang bahagya ang pagngiti nito, na sa pakiwari ni DJ ay dulot ng kanyang pagtanggi sa anyaya ng bisitang dalaga.

Muli siyang napailing at dagling binaling ang tingin sa dalagang nakatitig pa rin sa kanya, umaasang pumayag itong makipagsalu-salo sa kanila. Itinabing niya ang manipis na kurtina subali't wala siyang balak na bumaba upang makipagsaya sa kanila.

Alam niyang dapat ay naroon siya at nakikipagsaya bilang pakitang-tao nguni't naisip niyang masisira lamang ang masayang kaganapan gayung nasa ibang bagay ang kanyang isip.

Sa halip ay pabagsak siyang humiga sa kama. Bagama't may liwanag na sumilip sa manipis na kurtina mula sa mga pailaw sa labas, litaw pa rin ang glow-in-the dark na mga tala sa itim na kulay ng kisame. Tila hinihigop niyon ang kanyang kamalayan, at hinahayaan nitong maglakbay ang kanyang isipan sa kalawakan.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon