6. Ate at Bunso

1.1K 66 0
                                    

Hindi mapigilan ni DJ ang magkuyakoy ng mga paa. Madalas niya itong ginagawa sa tuwing kinakabahan siya sa kung ano mang mangyayari. Lalong-lalo na sa mga pagkakataong ito na nakagawa siya ng isang pagkakamaling hindi naman talaga sinadya.

Kung iisipin ay wala naman talaga siyang kasalanan. Kung hindi ba naman tatanga-tanga ang dalagang maggugulay ay hindi naman ito natatalisod sa kanyang paa. Bakit ba kasi ang daming tanga sa mundo? Nayayamot siya sa tuwing naiisip niya ang nangyari.

Lalong bumilis ang pag-indayog ng kanyang mga binti nang matanaw niya sa glass door ng opisina ang papalapit niyang nakatatandang kapatid. Tapos na siguro silang mag-usap ni Marietta dahil naghiwalay na ang mga ito. Minsan, gusto rin niyang kutusan ang kasambahay dahil sa kadaldalan nito.

Nagkunyari siyang nakatingin sa sahig nang bumukas ang pinto at tahimik na pumasok ang kanyang ate. Umikot ito at naupo sa simpleng upuan sa kabilang dulo ng desk table. Kusang tumigil sa pagkuyakoy ang kanyang mga paa at nabaling ang kanyang atensiyon sa katahimikang biglang bumalot sa silid.

Gusto niyang mabingi nang mga sandaling iyon. O kaya maglaho na lang bigla para tuluyan nang matigil ang kamalasang dulot niya. Handang-handa na siya sa mahabang sermon ng kanyang ate, subalit nakapagtatakang nanatili itong tahimik. Sa halip ay nagsimula itong permahan ang patong-patong na mga papel sa ibabaw ng mesa.

Lumipas ang mga minuto na tanging kaluskos lamang ng bolpen sa papel ang ingay na bumabalot sa munting silid. Iyon pa lang ay para na siyang pinarurusahan. Napapunas siya ng pawis na biglang namuo sa kanyang noo sa kabila ng kalamigang taglay ng opisina. Hindi talaga niya gusto ang awkwardness na nararamdaman niya kasama ang kanyang ate.

Kung tutuusin ay biological sister naman niya ito. Pero habang lumalaki siya ay hindi pa rin niya magawang itatak sa sarili ang katotohanang iyon. Lumaki kasi siya sa isiping unico hijo siya at lahat nang kanyang layaw ang napagbibigyan ng kanyang mga magulang. Iyon ay nagbagong lahat magmula nang ito ay maging parte ng kanilang pamilya.

Hindi naman sa ayaw niya rito. Marahil ay nasa adjustment stage pa rin siya at hindi makausad-usad.

Nag-ayos siya ng pagkakaupo nang hindi na niya matiis ang katahimikan. Kung anu-anong kalokohan na ang namumuo sa kanyang utak para lang makaalis na siya roon subalit hirap siyang isatinig ito. Bigla na lang kasi nauumid ang kanyang dila.

Marahil ay napansin na rin ng kanyang ate ang kanyang pagkabalisa kaya bigla itong tumikhim at ibinaba ang hawak na bolpen.

"May gusto ka bang sabihin, Bunsoy?" Kalmadong-kalmado ang boses nito. Para bang hindi man lang ito naapektuhan sa narinig na balita mula kay Marietta.

"Um." Kaagad na naglaho ang mga isiping balak sana niyang gawing excuses. Ni hindi na siya makapag-isip ng idadahilan. Nabablangko siya na hindi naman dapat nangyayari. Lagi siyang may baong katwiran sa lahat ng bagay ngunit kinakalawang na yata ang kanyang utak. "Pwede bang umalis na?" Hindi na rin niya napigilan ang sarili.

Ipinatong nito ang huling papel sa ibabaw ng iba pa at isinalansan ito, pagkatapos ay isinuksok ang bolpen sa pen holder na yari sa isang malaki at itim na buskay. Katabi niyon ang isang porselanang mangkok na tinamnan ng isang kakaibang halaman. Hindi niya sigurado kung anong uri ito ng halaman. Mukha itong succulent plant, ang nauusong halamang binibenta sa mall. Silvery green ang kulay nito at may ginintuang batik-batik sa gilid ng mga dahong lilimang piraso lamang. Sa halip na lupa ay mumunting butil ng puting bato ang tinutubuan nito. "Pwede naman. Iyon ay pagkatapos nating mag-usap."

Ramdam niya ang mga titig ng kanyang ate na bumabaon sa kanya. Kung nababasa siguro nito ang laman ng kanyang utak ay kanina pa siya nakalabas.

"Wala ka pang isang araw pero may ginawa ka na kaagad na hindi dapat," panimula nito. "Alam mo ba kung ano ang sinabi sa akin ni Mama bago ka niya pinaluwas rito?"

Hindi siya umimik. Hindi rin siya umiling.

"Sabi niya, habang lumalaki ka raw ay lalo ka nilang hindi nauunawaan. Binibigay naman raw nila ang lahat nang kailangan mo, pati na rin mga luho. Pero bakit ka raw nagkakaganyan? Noong ipinatawag sila sa principal's office dahil sa insidenteng kinasangkutan mo, walang paglagyan ang disappointment nila. Alam mo bang iyak nang iyak si Mama nang tumawag sa akin? Sinisi niya ang kanyang sarili kung bakit ka nagkakaganyan."

Nanatili siyang tahimik. Alam niyang babanggitin nito ang dahilan kung bakit siya na-expelled sa dating school. Wala naman talaga siyang kasalanan sa nangyari. Na-setup lamang siya. Pero kahit anong gawin niyang paliwanag sa mga ito ay sarado ang kanilang pag-iisip. Oo nga't may mangilan-ngilang pagkakataong sumasama siya sa pangpa-power trip ng kanyang mga tropa sa ibang mga estudyante, pero hindi iyon sapat na basehan para siya ang madiin sa insidenteng iyon. Biktima lang rin siya. Napakuyom siya ng mga kamao dahil roon.

"Masipag si Papa at ganoon rin si Mama. Sana naman binibigyan mo iyon ng halaga. Nang malaman kong na-expelled ka, sobra akong nalungkot. Naisip ko, siguro kaya ka nagkakaganyan ay dahil limitado ang mga oras nila para sa iyo. Alam ko, dahil subsob silang pareho sa trabaho. Pero iyon ay para naman sa ikagaganda ng iyong kinabukasan.

"Hanga ako kay Marietta. Kahit na hindi ka niya kaanu-ano ay inaalagaan ka niya nang mabuti. Pero spoiled ka sa kanya." Huminto ito saglit. Tila ba nakikiramdam kung nakikinig ba siya bago nagpatuloy. "Hindi mo dapat iyon inaabuso."

Tumayo ito upang damputin ang munting bahay-kubo mula sa open hanging shelf na nasa likuran lamang niya. Gawa ito sa puting buhangin na may pares ring munting puno at nakatayo sa malapad at bilugang bato. Pinaikut-ikot niya ito, waring sinusuri ang hawak na display, saka ibinalik sa dating pwesto kasama ang ibang display.

"Nabanggit rin ni Mama sa akin na balak kang ipadala ni Papa sa isang disciplinary school abroad. Galit na galit siya dahil hindi mo na raw siya binigyan ng kahihiyan. Ni ayaw ka niyang kausapin matapos nilang makipag-usap sa school principal." Lumingon ito sa kanya, at muli siyang nag-iwas ng tingin. "Mas lalo akong nalungkot nang marinig iyon. Naisip ko, baka lalo ka lang magrebelde kung gagawin nila iyon. Naiintindihan ko naman na dala rin iyan ng pubescent years mo. Lahat ng tao ay pinagdadaanan iyan. Kaya tinutulan ko ang desisyon ni Papa. Ilang beses akong nakiusap sa kanya na dito ka na lang ipadala. Nagmatigas pa siya, pero sa huli ay pumayag rin."

Muli itong naupo, ipinatong ang mga braso sa ibabaw ng mesa. Hindi siya makapaniwalang iniligtas siya ng kanyang ate sa balak ng kanyang ama.

"Alam mo kung bakit ko iyon ginawa?"

Dito ay napailing na rin siya.

"Dahil kagaya mo ay lumaki rin ako sa isiping unica hija ako. Pero taliwas sa kalagayan mo, hindi ako lumaki sa layaw. Sa halip, ay lumaki akong nag-uumapaw sa gabay. At iyon, ang sa tingin ko, ang kulang sa iyo. Madalas kasi, ang trabaho, sa halip na iangat ang katayuan natin sa buhay, ay siya pang nagiging dahilan upang harangan ng pader ang ating relasyon bilang pamilya. Naniniwala akong hindi mo kayang gawin ang mga niririnig ko mula sa kanila. At gusto kong tulungan mo akong patunayan iyon."

Namagitan ang mahabang katahimikan sa magkapatid. May kung ano sa loob ni DJ na bigla na lang nanlambot. Parang yelong unti-unting nalulusaw upang maging tubig muli. Wari bang bigla na lang napigtas ang gapos sa kanyang dibdib at sa kauna-unahang pagkakataon ay nakahihinga siya.

"Ibig sabihin ba niyan ay hindi mo ako isusumbong kay Mama at Papa?" tanong niya habang pinipigilang humikbi ang sarili. Marahas siyang nagpahid ng mata nang mapansing nanlalabo ito.

Ngumiti sa kanya ang kanyang ate at sa pagkakataong iyon ay parang nag-iba ang pagtingin niya rito. Tila ba isang pinto ang nagbukas at ang unang mukhang sumalubong sa kanya ay ang mukha ng kanyang ate. "Hindi, pero hindi rin ibig sabihin nito ay wala kang parusang matatanggap."

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon