Itinapon ni DJ ang nakapang bato sa kanyang tagiliran at tumilapon ito sa malayo. Naglikha ito nang matilamsik na tunog nang bumagsak ito sa tubig. Kasalukuyan siyang nakaupo sa buhangin sa may dalampasigan at nagmumuni-muni nang mag-isa.
Sumapit na ang dilim, subali’t hindi pa rin pinapauwi ni Mamang ang magkapatid, na biglaang napadalaw nang walang imbitasyon. Ilang beses mang nagpaalam si Serena sa matanda ay hindi talaga sila nito pinakawalan. Ipinagpilitan nito ang kanilang pananatili upang hintaying makarating ang kanyang Ate Eda at sayang naman raw ang pagkakataon kung hindi pa magkita ang mga ito.
Maghapong inaliw ng matanda ang magkapatid, matapos nilang makapananghalian, sa mga kuwento nitong tila walang humpay, na magiliw namang pinakinggan ng magkapatid. Paminsan-minsan ay sisingit rin ng kuwento si Serena, na tatanguan ng kanyang kuya. Hindi kalaunan ay napakuwento na rin ang kuya nito tungkol sa mga karanasan nito sa karagatan habang nangingisda. At dahil dating mangingisda si Papang, ay lalo lamang humaba ang kuwentuhan ng tatlo.
Dahil out of place, tumambay na lamang siya sa kusina, kung saan abalang-abala si Marietta. Tahimik lamang ito habang nagtatrabaho at panaka-naka ay tatapon nang sulyap sa kanyang kinauupuan sa harap ng dining table.
Nang lumipat ito sa likod-bahay para ituloy ang naudlot na paglalaba ay sumunod siya rito. Laking pagtataka naman ng kasambahay. Sa huli ay tinulungan na lamang niya ito sa pagsasampay upang mapabilis ang trabaho nito, kahit na hindi sila nag-iimikan.
Alas quatro na ng hapon nang makabalik ang mga naghatid sa airport. Kaya pala inabot na sila nang hapon ay dahil sa dumaan pa ang mga ito sa mall upang mamili. Lubos namang ikinahinayang ni DJ ang nalaman. Sana talaga ay nakasama siya para nakagala at nakapagpalamig na rin siya sa loob ng mall.
Nang malaman ng ate nito na may mga panauhin, bigla itong nagpahanda ng hapunan sa labas. Ang tulingang bigay ni Aga ay inihaw. Nagpabili naman ng tuba si Papang kay Mang Lito. At gaya noong nakaraang gabi ay salu-salo silang naghapunan sa isang cottage. Namayani na naman ang kuwentuhan at halakhakan ng mga matatanda habang kumakain ng hapunan at tumatagay ng tuba.
Ang ikinagulat ng lahat ay nang ipagbigay alam ng kanyang ate na matagal na pala silang magkakilala nitong si Aga, nguni’t wala siyang kaedi-ediya na ito pala ang nagpapadala ng isda para sa kanya. Dahil roon ay nakampante naman ang binata at tila nabawasan ang pagkahiya. Naging makuwento na rin ito at palasagot sa mga tanong. Hindi siguro nito inakalang gaanong kaluwag ang pagtanggap sa kanyang ng mga matatanda.
Muli siyang nagtapon ng bato sa tubig. Pakiramdam niya ay isa siyang estranghero sa lugar na ito.
“Tiyak kong gutom ka na. Nagdala ako nang makakain.”
Napalingon siya sa tinig ni Serena; may hawak itong dalawang plato. Hindi niya ito namalayang lumapit dahil sa nakapaa lamang ito. Tahimik itong naupo sa kanyang tabi at inalok siya ng pagkain.
Napatingin siya sa laman ng mga pinggan; ang isa ay inihaw na isda at ang isa ay salad. Tinanggap niya ang plato ng inihaw.
“Hindi ka ba nababagot nang mag-isa rito?” tahimik na dumampot ng hiniwang pipino si Serena sa hawak na plato. “Bakit hindi ka makihalubilo roon?”
Kumurot siya ng piraso sa inihaw at isinubo ito, nagtataka kung bakit biglang ang bait-bait nang pakikitungo ng dalaga sa kanya at nakuha pa nitong umupo sa kanyang tabi. Kahapon lamang ay napakataray nito at napakasungit. “Ini-enjoy ko lang ang kagandahan ng gabi,” tugon niya. Tulad nang nagdaang mga gabi ay napakaganda rin nito.
“Siya nga. Sana ay nakatira lang ako sa malapit para gabi-gabi ko ring natatanaw ito,” sabi ng dalaga habang nakatanaw sa madilim na kalangitan at sa talang maningning.
BINABASA MO ANG
BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])
AdventureMatapos ang sampong taon ay nagbabalik si DJ sa probinsiya ng kanyang nakatatandang kapatid, hindi upang magbakasyon, kundi upang turuan siya ng aral dulot ng katigasan ng kanyang ulo. Subalit isang gabi, lihim siyang iniligtas ng isang natatanging...