Pasado alas otso ng gabi, habang naghuhugas ng mga pinagkainan si DJ, dahil siya ang naatasan, dumating ang pinakahihintay na doktor. Sa kalagitnaan ng kanyang pagbabanlaw ay tumunog ang doorbell.
"Ako na ang titingin," maagap na sabi ng kasambahay na siyang nagpupunas ng mga plato upang matuyo ang mga ito. Itinabi nito ang pinggang kasalukuyang pinupunasan at dagling tinungo ang labas.
Nang matapos banlawan ang pinakahuling baso ay kaagad rin niyang iniwan ang ginagawa. Laman ng kanyang isipan ang pagbawing ipinangako niya kay Serena. Tinitimbang niya kung alin ang mas maiging gawin. Naisip niyang magluto ng espesyal para sa dalaga, subali't hindi naman siya kagalingang magluto. Naisip rin niyang mag-picnic na lamang, nguni't wala siyang ibang alam na lugar kung saan puwedeng pumunta. Ayaw naman niyang sa tapat na dalampasigan iyon gawin sapagka't ayaw niyang may ibang isipin ang mga kasama niya sa bahay. Mas mainam na nasa labas sila kung saan walang gambala at malayo sa isyu.
Dumako siya sa sala kung saan tutok na tutok sa panonood ng balita si Papang mula sa malaking flat screen TV, samantalang nasa kabilang sofa naman si Mamang at abalang-abala sa binubordang puting panyo.
"Tapos ka nang maghugas, iho?" Nilingat siya ni Papang. Dinampot nito ang malamig na kape mula sa lamesitang nasa gitna at humigop.
"Oho," tugon niya. Nagdadalawang-isip siya kung siya ba ay uupo o hindi. Nanatili siyang nakatayo.
"Aba'y maigi iyan. Natututo ka na ng mga gawaing-bahay. Tiyak na matutuwa sa iyo ang mga magulang mo pag umuwi na sila rito," anang matanda.
"Sana nga ho." Nguni't salungat ang sinasabi ng kanyang isipan. Wala naman kasi silang paki sa kanya. Iyon ay tiyak niya.
"Tama ang Papang mo, Jacobo. Magugulat na lang ang mama't papa mo pag dating nila. Ibang-ibang binata ka na," sang-ayon ni Mamang, na sumilip mula sa kanyang pagboborda. "Basta't ipagpatuloy mo lamang iyan."
Gusto niyang sabihing wala pa namang nagbago sa kanya at parte lamang iyon ng kasunduan sa pagitan niya at ng kanyang ate nguni't hindi na niya ipinagbigay-alam sa dalawang matanda. Tinanguan na lamang niya si Mamang.
"At mukhang dito ka na magkaka-girlfriend," kumento ni Papang. Malamang ay nakita siya nitong kausap si Serena kanina.
Bago pa man siya makasagot ay muling pumasok ang kasambahay. May kung ano sa mga titig nito sa kanya nang magkasalubong ang kanilang mga tingin.
"Narito na 'yong doktor," pahayag nito.
"Magandang gabi ho," sabi ng manggagamot nang pumasok ito.
Hindi malagong, hindi rin matining. Ganoon niya isalalarawan ang tinig ng doktor na bagong dating. Tila tinig iyon ng isang mahusay na mang-aawit. Malumanay subali't agaw-pansin sa pandinig. Inaasahan niyang ang doktor na sinasabi nila ay may edad na at napapanot na ang buhok. Nguni't laking gulat niyang mali siya ng iniisip tungkol rito.
Ang doktor ay may katangkaran. Maputi ang balat, na halos namumutla na sa gabi. Matangos ang ilong, na bumagay naman sa malalalim nitong mga mata. Ang buhok nitong bagsak at katamtaman ang haba ay tila mga hiblang tanso. At ang mga balintatao nitong kulay asul ay mistulang hinugot mula sa langit. Hindi niya sigurado kung contact lenses lamang ba ang mga iyon o natural. Subali't litaw na litaw ang pagkamestiso nito sa suot na simpleng puting T-shirt habang bitbit ang itim nitong bag.
"Pasok ho kayo Dr. Agustin," biglang napatayo si Mamang mula sa pagkakaupo. Mabilis niyang inilapag ang binubordang panyo at nakipagkamay. "Upo muna kayo. Mabuti ho't dumating na kayo."
Ngumiti ang doktor at naupo sa bakanteng sofa na pinakamalapit sa kanya. Pansin niyang dalawa sa mga ngipin nito ay ginintuan.
"Magandang gabi dok." Tumayo na rin si Papang. "Kayo po ba ay kumain na?"
BINABASA MO ANG
BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])
PrzygodoweMatapos ang sampong taon ay nagbabalik si DJ sa probinsiya ng kanyang nakatatandang kapatid, hindi upang magbakasyon, kundi upang turuan siya ng aral dulot ng katigasan ng kanyang ulo. Subalit isang gabi, lihim siyang iniligtas ng isang natatanging...