17. Sa Kaingin ng mga Sitaw

606 38 11
                                    


Muling sinipat ni DJ ang oras sa suot niyang wristwatch. Pasado ala sais na nguni't hindi pa rin dumarating ang dalagang si Serena. May usapan silang magkikita sa resort sa takdang ala sais subali't kalahating oras na itong huli sa usapan. Maaga pa naman siyang ginising ni Marietta.

Bahagya niyang nasipa ang basket na nasa paanan lamang niya habang naghihintay sa balkonahe dahil sa pagkainis. Laman niyon ang pananghaliang inihanda ni Mamang para sa kanya nang ipagpaalam niyang sasamahang muli niya ang dalaga upang tulungan itong mang-ani ng mga gulay sa taniman ng kakilala nito. Naging tampulan pa siya ng tukso habang kumakain sila ng hapunan kahapon nang gabi.

Napabaling si Papang sa kanyang dako nang mapansin nitong nasipa niya ang basket. Kasalukuyan itong nagbabasa nang lumang diyaryo habang nakaupo ito sa rocking chair na yari sa ratan. "Noong kapanahunan ko, kaming mga binata ang sumusundo sa nililigawan namin," kumento nito nang damputin ang tasa nang mainit na kape na nakapatong sa ibabaw nang maliit na lamesitang katabi nito. "Pero ngayon, kabaliktaran na ang nangyayari, kayo na ang nililigawan ng mga dalaga."

Napabusangot siya nang tumingin sa matanda. "Pang, hindi ako nililigawan ni Serena. Sasamahan ko lang siya, katulad kahapon. 'Di ba sinabi ko na iyan kagabi?"

Napatawa ang matanda sa tinuran niya. "Hindi pa ako ulyanin. Hindi ka na mabiro. Masyado ka kasing mainipin riyan."

"Ang tagal kasi nang babaeng iyon," maktol niya. "Kahapon, bigla-bigla na lang darating nang walang pasabi, pagkatapos ngayon pa-late-late na. Akala mo importante."

Muling natawa si Papang. "Maaga pa naman a," anang matanda, na tila aliw na aliw sa pagmamaktol niya. "Baka may ginawa lang sandali sa kanila. Alam mo naman rito, maaga pa lang ay nagsisimula nang magtrabaho ang mga tao para hindi na sila tanghaliin sa ibang gawain."

Hindi siya nakaimik.

"Magandang umaga!" Mula sa gate ng resort ay kumakaway na lumapit si Serena sa kanilang dalawa. Nagmano ito kay Papang, bago nito inabot sa matanda ang dala nitong bayong. "Pinabibigay po ni Nana, mga prutas, pasasalamat raw dahil sa tulong ni DJ kahapon." Matamis itong ngumiti sa kanya.

"Aba, maraming salamat iha," sinilip ng matanda ang laman ng bayong. "Saba pala ang mga ito. Tiyak magugustuhan ito ni Lisa, masarap iyon magluto ng banana que" sabi nito, na ang tinutukoy ay si Mamang. "Sandali lang ha, ipapasok ko na ang mga ito sa loob."

"Pang, aalis na ho kami," habol niya sa matanda, na biglang nahinto sa pintuan.

"Hindi na ba kayo mag-aalmusal? Makahihintay pa naman siguro ang lakad n'yo kahit saglit."

Makahulugan niyang tinitigan ang dalaga, na para bang sinasabihan itong tumanggi. "Ikaw, gusto mo ba?"

Napatigil saglit si Serena sa mga tingin niya, hindi sigurado kung ano ang sasabihin sa matandang naghihintay ng sagot, nang bigla niya itong pinamulagatan. "Um, huwag na po, Pang. Salamat na lang po. Nakapag-almusal na ho ako bago umalis ng bahay kanina," pagsisinungaling ng dalaga.

"Ganoon ba? O siya sige, mag-iingat kayo ha. Huwag magpapagutom," habilin pa nito.

Nakangiting tumango ang dalaga sa matanda. "Ako na ho ang bahala dito sa apo n'yo. Hindi ko po ito gugutumin."

--------

"Panginoon!"

Napalingon si Laom sa tinig ni Tibal-og. Sa hitsura pa lamang nito ay batid na niyang hindi maganda ang balitang dala nito sa kanya. Nasa Puting Hardin siya, kung saan tumutubo ang engkantadong mga punong may maputlang katawan at mga sanga, nababalot nang mapuputing mga dahon at hitik sa itim na mga bunga, upang nagmuni-muni nang mag-isa.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon