25. Dalawang Dayo

406 26 4
                                    

Matagumpay silang nakatawid sa isa pang may-kalalimang ilog. Panatag ang tubig nito subali't sa sandaling lulublob ka ay magugulat ka sa na taglay nitong daloy, tahimik subali't maaari kang tangayin sa kung saan sa isang maling hakbang.

Mapanlinlang ang kapatanagan nitong angkin, naisip niya nang makaakyat sa madulas at maputik na pampang. Tinanaw niya ang kasamang tila walang kapaguran at sarap na sarap sa kalayaang tinatamasa; mabilis nitong narating ang lilim na mga punong-kahoy sa hindi kalayuan, na sa bahaging iyon ng kagubatan ay tila naghihingalo nang mabuhay. Kalbo na ang karamihan sa mga ito, at yaong mapalad na may mga dahon pa ay mabilis ring nangaglaglagan sa mahinang gapyo ng hangin. Kapansin-pansin rin ang kawalan ng mga damong-ligaw, na sa kalapitang iyon sa ilog ay nararapat na nag-uumapaw sa yabong.

Nilingon niya ang pinanggalingang ilog at ang kagubatan sa tawid nito, na noon lamang niya napansin, ay kakikitaan na rin ng unti-unting pagkamatay. Nagalak siyang nakaalis na siya sa maduming tubig ng ilog. Hindi ito sanhi ng pagbaha na dulot ng nagdaang ulan, kundi may kakaibang nangyari rito. Nabatid kaagad niya iyon nang lumusong sila kanina. Hindi niya nalasahan ay pamilyar na kagyat ng tubig-tabang. Sa halip ay natikman niya ang pinaghalong lasa ng pait at alat at nang isa pang lasa na sa hinuha niya ay may bahid ng salamangka. Natitiyak niyang bunga iyon ng pagkawala ng dayang at wala ng iba pang paliwanag.

Nanatili siyang nakalingon at nakatitig sa anino ng mga puno roon; para bang inaasahan niyang lilitaw anumang oras ang mga engkantong tinatakasan nila. May kung ano sa madidilim na sulok ng paligid na hindi niya maipagpalagay.

"Akala ko ba ay nagmamadali tayo?" Pinukaw ng kasama ang kanyang pansin na hindi niya namalayang bumalik sa kanyang kinatatayuan. "Sino ang tinatanaw mo riyan?"

"Wala. Wala ka bang napapansin?" tugon niya sa kasama.

"Wala naman. Bukod sa unti-unting namamatay ang mga puno sa bahaging ito ng kagubatan, na sa pagkakaalala ko ay hindi naman dapat." Nagpalinga-linga ang kasama. "O baka naman..." nahimigan ng takot ang tinig nito nang muling bumaling sa kanya. "Nasundan na ba nila tayo?"

Umiling siya, ang kaunting paggalaw ng ulo ay nagdulot ng bahagyang hilo sa kanya. "Sa palagay ko'y hindi naman. Kaya lamang, mayroong mali sa paligid. Natitiyak mo bang ito ang tamang landas patungo sa lagusang alam mo?"

"Oo naman, hindi pa ako makalilimutin," sagot ng kasama ng buong kasiguraduhan. "Kahit ilang taon pa akong nagdusa sa piitang iyon." Muli nito inikot ang paningin upang pag-aralan ang paligid at tumango. Wari bang hindi nabahiran ng pagdududa ang katiyakan nito at kinukumpirma ng tangong iyon na hindi siya nagkakamali. "Nag-aalinlangan ka ba sa akin?"

"Hindi. Hindi sa gayun." Sa wakas ay napatingin na rin siya sa kasama. "Tinitiyak ko lamang na nasa wastong landas talaga tayo at hindi naliligaw."

Tumalikod ang kanyang kasama at nang mga sandaling iyon ay bigla siyang nakaramdam nang pananakit ng ulo. Nagsimula ito sa kanyang noo at kumalat sa kanyang buong katawan. Napaluhod siya sa sakit na dulot niyon, napatukod sa putikan ang mga nanghihinang kamay. Tila lumalabo ang kanyang paningin at sumasayaw ang mga imahe na kanyang nakikita.

"Alam mo kung anong mali? Iyang pag-aalinlangan mo. Sa lupaing ito, tanging ako na lamang ang naniniwala at tumutulong sa iyo, pero ganyan ka pa mag-isip. Sa tingin ko'y dapat mo nang bilisan riyan at nasasayang ang―" Ang anumang kasunod ng mahabang litanya ng kasama ay natunaw sa mga bibig nito nang muli itong humarap sa kanya. "Napano ka?" Maagap itong lumuhod sa kanyang harapan, napalitan ng pag-aalala ang nagtatampong himig nito.

"Nawawala..." simula niya nguni't hindi na naipagpatuloy ang anumang sasabihin. Hinihingal siya at nahihirapang humugot ng hininga. Sa nanlalabong paningin ay nasulyapan niyang nagsisimulang magkabitak-bitak at unti-unting naglilitawan ang mga kaliskis sa kanyang braso.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon