18. Weird Guests

549 35 4
                                    

Walang nagawa si DJ kundi tanawin ang malakas na ulan na bumubuhos mula na maitim na kalangitan. Kapag kuwa'y iglap na guguhit ang kidlat sa alapaap, na susundan nang dumadagundong na kulog. Habang nakadungaw siya sa bintana at nanonood ay sinasabayan naman nang malakas na tugtugin mula sa kanyang stereo ang lakas ng ingay nang nagngangalit na panahon sa labas.

Napangalumbaba siya habang nakatanaw sa paligid. Nakaaantok ang panahon. Ramdam pa rin niya ang bigat ng antok sa likod lamang ng talukap ng kanyang mga mata, na animo'y naghihintay lamang na siya ay bumalik sa kama at pumikit.

Hindi siya nakatulog nang maayos kagabi. Iniisip niya ang mga sinabi niya kay Serena sa kainingin na biglang sumira sa mood nito. Marahil ay nainsulto ito nang sabihin niyang laking probinsiya lamang ito at siya ay laking-lungsod. Nagi-guilty tuloy siya dahil sa nangyari. Buong gabi siyang nag-isip kung ano ba ang kanyang gagawin upang makabawi rito. Hindi na nga niya namalayang nakatulog na siya sa sobrang pag-iisip.

Iniwan niyang bukas ang bintana, at pinatay ang stereo. Nababagot na naman siya dahil sa kawalan nang gagawin. Kung nasa Maynila siya, tiyak na nagtungo na siya sa mall upang magpalamig, magliwaliw at maghanap nang nakaaaliw na mga taong nakikitambay rin sa mall.

Bumalik siya sa kama at patihayang nahiga. Nahinuha niyang dahil sa simpleng pamumuhay sa probinsiya, kapag wala kang ginagawa ay lalamunin ka ng kabagutan.

Muli siyang bumangon at bumaba sa kusina. Sa hagdan pa lamang ay amoy na niya ang bango nang masarap na niluluto.

"Ang bango naman niyang niluluto mo Mang," kumento niya nang makapasok at maupo sa harap nang malapad na dinner table.

"Talaga ba?" napangiti ang matanda sa kanya. "Ito 'yong sitaw na inuwi mo kahapon, ginawa kong adobong sitaw, para naman makakain ka ng gulay. Pansin ko kasing iniiwasan mong kumain ng gulay."

Hindi siya umimik. Nitong mga nakaraang araw ay iniiwasan talaga niyang dumampot nang kahit na anong gulay sa tuwing sila ay kakain. Ewan ba niya. Sa halip, ay sabik na siya sa lasa ng burger, pizza, at iba pang pagkaing sa Maynila lamang niya natitikman.

"Oo nga pala, wala ba kayong lakad ni Serena ngayon?" tanong ni Mamang habang bihasang hinahalo ang mga sahog sa malaking kawali.

Lihim siyang napatirik ng mga mata. "Umuulan po, kaya malamang hindi 'yon siya pupunta," sabi niya, na mabilis na nag-isip nang idudugtong sakaling magtanong pa ulit ito.

"Kung sa bagay," iyon lamang ang itinugon ng matanda. "Gusto ko lang sanang magpasalamat sa kanya. Dati-rati, bumibili pa tayo ng gulay sa kanya, ngayon ay binibigay niya na lang ito nang libre."

"Asan po pala 'yong mga tao?" pag-iiba niya sa usapan. Baka kung anu-anong pang-uungkat pa ang mangyari at madiskubre nitong nagkatampuhan ulit sila.

Tinikman muna ni Mamang ang kanyang niluluto bago nagsalita. "Si Marietta ay nasa kuwarto niya at nagtutupi ng mga sinampay. Mabuti 'kamo at hindi nabasa ang mga nilabhan niya kahapon. Ang Ate Eda mo naman at si Papang ay nagtungo sa airport, kasama si Lito. May susunduin raw na guests."

Another guest? tanong niya sa isipan. What makes this place so special?

Bigla siyang tumayo upang lumabas nang naisip niyang mang-isturbo na lamang sa kanilang kasambahay. Napalingon si Mamang sa kanya.

"O, saan ka pupunta?" usisa ng matanda.

"Sisilipin ko lang po si Etang," tugon niyang mabilis na lumabas sa pintuan.

Napatitig na lamang ang matanda sa kanyang paglabas.

Sa pasilyo ay nadatnan niya ang alagang palakad-lakad at tila may hinahanap. Basa ang mga paa nito, pati mga balahibo; halatang naulanan. Nag-iwan nang mumunting mga bakas ang mga paa nito sa tuyong sahig.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon