19. Pagtakas

586 38 3
                                    


Ang dating sapa na salat sa tubig ay nag-uumapaw. Ang bilis ng daloy nito ay rumaragasang umaagos sa naglalakihang mga batong-ilog. Sa bilis ng daloy nito, anumang bagay na matangay sa pag-agos ay tiyak na masasawak at kung sakaling nabubuhay man ay tiyak na magkakalasug-lasog at bali-baling darating sa kung saan.

Subali't sa sapang iyon, sa kubli ng dilim at nagngingitngit na buhos ng ulan, dalawang nilalang ang lihim na naglalakbay.

Biglang nagliwanag ang madilim na kalangitan, nang gumuhit ang mahabang kidlat. Sa iglap na liwanag, matatanaw ang pagsanga ng malaking bahagi ng tubig mula sa umaapaw na pampang. Dahan-dahan itong gumapang patungo sa isang matayog na punong-kahoy, na walang awang hinahambalos ng masamang panahon. Doon ay unti-unti itong humubog sa magkahiwalay na anyo. Ilang saglit pa ay niluwa nito ang dalawang babaeng kapwa humahangos.

Lumingon ang isa sa binabahang sapa. "Ngayon ko lang ulit naranasan ang ganoong pakiramdam. Tila gusto kong bumalik sa nakalipas," usal nitong may pananabik sa himig.

"Pakiusap, huwag na nating ulitin," saad ng isa. Pabagsak itong naupo sa putikang lupa sa pagitan nang basang mga ugat ng puno, malaki ang pasasalamat sa ulang walang humpay na bumubuhos. "Hindi ko yata matitiis ang pakiramdam."

"Nagbibiro ka. Hindi ba't kapana-panabik ang ginawa natin?" hindi maalis-alis ang tuwa na pakiramdam ng nauna.

Napatingin ang ikalawa sa langit. Iniisip kung dulot ba ng kanilang pagtakas o ng buhos ng ulan ang biglaang pagbabago sa timpla ng kanyang kasama. "Tingin ko ay mas maiging lumayo na tayo sa pook na ito."

"Kaagad?" sabi ng nauna, buong pag-aasam na nilingon sa binabahang sapa.

Tumango sa kadiliman ang ikalawa. "Hindi magtatagal ay matutuklasan rin nila ang ating pagtakas, kaya't sa lalong madaling panahon, kailangang makalayo na tayo rito."

"Pagtakas mo," paalala ng nauna. "Hindi nga nila batid ang aking pag-iiral sa piitang iyon."

Tumayo ang ikalawa at napahawak sa dibdib. Sandaling kumunot ang noo nito na tila nakararamdam ng sakit. "Kailangan na nating kumilos."

"Babalik ka na sa inyong kaharian?" tanong ng nauna.

"Hindi. Tatawid tayo sa daigidig ng mga mortal," ang tugon ng ikalawa. "Kailangan nating matagpuan ang mortal na tagapamagitan."

--------

Napahigpit ang hawak ni DJ sa kalakihang mug ng mainit na choco nang umihip ang malamig na hangin. Malalim na ang gabi subali't hindi pa rin siya dalawin ng antok. Nasa veranda siya at pinagmamasdan ang pagpatak ng ulan na walang humpay pa ring bumubuhos. Hindi niya matukoy kung may bagyo ba o sadya lamang na masama ang panahon.

Sa kadiliman, matatanaw ang malamlam na liwanag ng mga pailaw sa bawat cottage na nagkalat sa loob ng compound, nilalabo ng makapal na hamog ang mga liwanag nito.

Dinig rin niya ang malakas na paghampas ng malalaking mga alon mula sa dalampasigan. Maging ang mga ito ay tila nagngingitngit rin sa galit dahil sa panahon.

Humigop siya nang dalawang ulit mula sa mug na hawak upang makaramdam ng init sa katawan. Tulog na ang kanyang mga kasama sa resort at siya na lamang ang gising.

Kaninang umaga, ang lakas makahatak ng antok sa kanya, nguni't kung kailan kailangan na niya ito ay saka naman ito naglaboy. Marahil ay hindi lamang niya maiwaglit sa isipan si Arabella, ang bagong dating na guest.

Muli siyang humigop ng choco, na unti-unti nang lumalamig, pagkatapos ay sinandal niya sa ibabaw ng balustre ang mga siko, hindi alintana ang malamig na gapyo ng hanging-gabi. Napapaisip siya kung ano ang kasalukuyang ginagawa ng dalaga.

"Hindi ka rin ba makatulog?"

Napatuwid siya ng tayo nang marinig ang tinig na iyon. Para bang nahulaan ng dalaga na iniisip niya ito at sinadya siya nitong puntahan.

Tumikhim siya upang malinis ang lalamunan. "I guess. Ikaw, why are you still up?" lingon niya rito. Bahagya pa siyang nagulat nang makitang kalung-kalong nito ang kanyang alagang tila nakabusangot.

"Mukhang parehas tayo. Namamahay siguro ako kaya hindi makatulog," tugon ni Arabella. Sa kabila ng lamig ay napansin niyang manipis lamang ang night gown nitong suot, na hanggang tuhod lamang ang haba. Tumabi ito sa kanya at kaagad niyang naamoy ang pabango nito. Para itong amoy ng isang bulaklak na hindi niya alam ang tawag. "Is this your pet?"

Tumango siya. Gulat pa rin sa katotohanang nakikita at nahahawakan nito ang mahiwagang hayop.

"What his name?" tanong ng dalaga.

Hindi siya kaagad nakasagot. Sa tinagal nang mga araw na nasa pangangalaga niya ito ay hindi man lamang niya naisip na bigyan ito ng pangalan.

"Well?" untag ng dalaga.

"His name is... is... Mordecai," tugon niya nang maalala ang pambatang palabas na Regular Show. Isa sa mga bidang character roon ay ang nakatutuwang blue jay, na bestfriend ng isang racoon.

"Mordecai?" nagsalubong ang mga kilay ni Arabella. "What kind of name is that?"

"The kind which is cute?" palusot niya. "Gusto mo ng hot choco? I can make you one."

Umiling ang dalaga. "Salamat, pero 'wag na. Hinatid ko lang talaga itong si... Mordecai. Naligaw kasi s'ya sa room namin." Maingat nitong pinakawalan ang alaga sa ibabaw ng balustre.

"Are you sure?" may panghihinayang sa boses niya. Gusto pa sana niya itong makasama nang ilang sandali.

"Yes," ngiti nito sa kanya. "I'll be heading back now. See you in the morning."

Natulala siya nang bigla itong lumapit sa kanya at humalik sa kanyang pisngi.

"Have a good night," paalam nito.

Naiwan siyang tulala pa rin habang nakatanaw sa papalayong dalaga. Did she just kissed me?

--------

Hindi pa man lumalapat sa batong sahig ang kanyang mga paa ay nahinuha na kaagad ni Laom na mayroong mali sa paligid. Tumingin siya sa kaliwa at kanan, wari bang nakikita niya roon ang mali, subali't tanging kadiliman lamang ang sumalubog sa kanya sa gawing iyon.

Ang totoo'y binabalot ng kadiliman ang buong kahabaan ng pasilyo, na sa katahimikan, ang kakaunting kaluskos ay madodoble sa ingay.

Maingat ang bawat paghakbang niya sa malamig na sahig. Para bang sa kakaunting kaluskos na dulot ng kanyang mga yapak ay maipanganganyaya nito ang kanyang kinaroroonan.

Nang tumapat siya sa batong-pinto ng piitang kanyang sadya, isang patak ng tubig mula sa kisame ang tumulo sa kanyang kanang sungay. Napatingala siya, napatanong sa sarili kung saan iyon nanggaling at muling sinuyod ng tingin ang madilim na pasilyong hinahawi ng kakarampot na liwanag mula sa mga kabuteng hala-halayhay na tumutubo sa pader.

Ipinagkibit-balikat niya ang munting patak at muling humarap sa batong-pinto. Hindi man niya hinawakan ang bakal na pangkasa ay kusa itong kumalas. Tinulak niya ang batong-pinto at napatanaw sa kadilimang taglay ng munting silid.

Wala itong laman.

"Tulad nang inaasahan ko," usal niya sa sarili.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon