15. Maglako ng Gulay

762 45 10
                                    

May kung anong gumapang sa tungki ng kanyang ilong na waring nangingiliti. Tinatamad na napakamot siya rito at napabaling sa kabilang bahagi ng kama. Nguni’t wala pang ilang segundo ay naroon na naman ito, marahang kumikiskis sa tungki ng kanyang ilong.

Tinampal niya ang sariling mukha sa pag-aakalang may kung anong insektong gumagapang sa kanya, subali’t nang magmulat siya ng mga mata, hindi  insekto ang tumambad sa kanya.

Mga mata iyon ni Serena na nangingislap sa kapilyahan at sobrang lapit sa kanya.

“What the heck!” hiyaw niya, na mabilis na hinablot ang kumot upang takpan ang katawang tanging boxer shorts lamang ang saplot. “Anong ginagawa mo rito?”

Nangunot ang noo ng dalaga sa kanyang reaksiyon. “Magandang umaga,” ngiti nitong may bahid pa rin nang kapilyahan. Sinuyod siya nito nang tingin mula paa hanggang ulo, malapad ang ngising tila hindi mabura-bura. “Ang pangit mo palang matulog, ano?” pang-aasar nito.

“Put-!” pinigil niya ang sariling magmura. Bakit narito ang babaeng ito? Umagang-umaga, nang-iisturbo. “Labas!” singhal niya.

Tinitigan siya nang masama ni Serena. “Aba, aba!” nakapamaywang nitong sabi, “Hoy pangit, huwag mo akong…"

“Labas sabi!” pasigaw niyang putol rito, sabay hagis rito nang nadampot na unan.

Mabilis na inilagan ng dalaga ang unan at tumakbo sa nakabukas na pinto. “Bumangon ka na riyan, pangit!” pang-aasar pa nito. “May pupuntahan tayo.”

--------

Sinadya niyang huwag bumaba nang mga trenta minuto. Bente minuto niyon ay iginugol niya sa pagtalukbong ng kumot at pagninilay-nilay kung isa bang masamang panaginip ang nangyari, limang minuto ang nasayang sa pagtitig niya sa kisame, hindi makapaniwala, at ang huling limang minuto ay sa pag-iisip kung papaano siya makagaganti sa dalaga.

Hindi na siya nag-ayos pa ng sarili nang sa wakas ay naisipan niyang bumaba.

Sa hagdan pa lamang ay naamoy na kaagad niya ang mabangong niluluto sa kusina. Iba iyon sa karaniwan niyang maaamoy tuwing umaga.

Nang pumasok siya, nadatnan niya si Mamang na nakangiting humihigop ng kape habang nakatitig kay Serena, na abalang-abala sa pagluluto.

“Hindi ko alam na magaling ka rin pa lang magluto,” sabi nito sa dalaga, nang maibaba ang umuusok na tasa.

“Marunong lang po. Mula’t sapol po kasi tinuruan na kami ni Nana sa mga gawaing-bahay,” tugon ni Serena, sanay na sanay ito sa paghawak ng sandok.

“Siya nga? Maayos na maayos pala ang pagpapalaki sa inyo.”

“Ay opo,” buong pagmamalaking tugon ng dalaga.

“O, narito na pala si Jacobo,” anang matanda nang mapansin siyang nakatayo sa may pintuan. Tumayo ito mula sa pagkakaupo at kumuha ng pinggan at maliit na sandok. Buhat sa isang kaldero ay nagsalin ito ng katamtamang dami ng kanin. “Kanina ka pa hinihintay nitong si Serena. Bakit ang tagal mong bumangon?”

Andito pa rin pala ang kumag na ‘to, hiyaw ng kanyang utak. Naupo siya sa bakanteng upuang naroroon. “Napasarap po ang tulog ko,” sagot niya sa matanda.

Mapanuri ang tingin ni Mamang sa kanya. Waring alam nitong pawang kasinungalingan ang kanyang mga sinabi. “Heto, mag-almusal ka na at tatanghaliin kayo.”

“Tatanghaliin?” napataas ang isang kilay niya nang marinig iyon. “Anong bang ginagawa niya rito?” nguso niya sa direksiyon ng dalaga, na nang mga sandaling iyon ay isinasalin na ang niluluto sa isang malaking mangkok.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon