Binasag ng kahindik-hindik na atungal ang katahimikang bumabalot sa paligid. Natahimik ang huni ng mga kulisap at iba pang maliliit na mga hayop na tanging sa gabi lamang maririnig.
Sa ilalim ng liwanag ng bilog na buwan, na sumisilip sa malalagong sanga ng mga punong-kahoy na dikit-dikit na tumutubo sa buong kagubatan, isang anyo ang makikitang saglit na napahinto at napalingon sa pinagmulan ng atungal.
"Maaabutan na nila tayo," hingal at punong-puno ng takot ang himig ng babaeng kaagad na kumubli sa anino ng isang matipunong puno. "Kailangang maitago natin ito kung saan hindi nila ito matatagpuan." Humigpit ang pagkakakuyom ng kanyang mga kamay sa hawak-hawak, na para bang dito nakasalalay ang kanyang buhay. "Sa sandaling mapasakamay nila ito, tiyak na manganganib ang lahat."
"Pero," isang munting bulong ang tumugon sa kanyang mga pangamba. Mula ito sa kanyang munting kasama na siyang tumulong sa kanya upang makatakas sa kanyang mga manunusig, "saan naman natin ito ikukubli?"
"Iisa lamang ang naiisip ko," sabi ng babae sa nanunuyot na lalamunan. Malayo siya sa kanyang elemento at dahil dito ay mabilis siyang nakararamdam ng pagod. Kailangan nilang makalayo subalit wala na siyang lakas. At wala na siyang maisip na iba pang paraan.
Mula sa telang kanyang suot ay nagpunit siya nang kapiraso at gamit ito ay binalot niya ang bagay na kanyang hawak-hawak, itinali niya ito at iniabot sa munting nilalang na mahigpit na nakakapit sa kanyang nanunuyot na buhok. "Kailangan mong magtungo roon nang mag-isa. Alam mo na kung sino ang iyong hahanapin."
Lahad ang gulat at takot sa munting nilalang nang tanggapin nito ang inalok ng babae. "Papaano ka?"
"Magiging maayos rin ako."
Isang kamay ang biglang dumakot sa kanya, nabahing pa siya nang paliguan siya nito ng pinung-pinong pulbos, bago siya matayog na inihagis patungong langit.
"Alis! Umalis ka na!" taboy ng babae sa kanya.
Lapag man sa kalooban ay pilit niyang pinag-igihan ang pagpagaspas ng mumunting mga pakpak. Hindi niya ibig mang-iwan, alam niya ang pakiramdam na maiwan, ngunit kinakailangan niya iyong gawin. Habang pataas nang pataas ang kanyang paglipad, nanginig siya sa huli niyang narinig.
Ang nakapapanindig-balahibong hiyaw ng isang babae.
BINABASA MO ANG
BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])
AdventureMatapos ang sampong taon ay nagbabalik si DJ sa probinsiya ng kanyang nakatatandang kapatid, hindi upang magbakasyon, kundi upang turuan siya ng aral dulot ng katigasan ng kanyang ulo. Subalit isang gabi, lihim siyang iniligtas ng isang natatanging...