Napaangat ng ulo si DJ nang maamoy ang mabangong aroma ng inihaw na isda na tinangay nang marahang gapyo ng hanging-dagat sa kanyang dako. Nakaupo siya sa buhanginan ng dalampasigang sakop ng resort. Sumidhi tuloy ang pagkalam ng kanyang sikmura na kanina pa niya tinitiis.
Ang planong magluluto ng ulam para sa guests ay nauwi sa ihaw-ihaw. Bago pa man sila nakauwi ay hiniling na pala ng mga ito sa kanyang Ate Eda na gusto nilang makatikim ng sariwang inihaw na isda. Suwerte naman at habang nasa boating sila ay nadaanan naman sila ng kaibigang mangingisda ni Papang na siyang nagbigay rito ng isdang inuwi nila kanina.
Nilingon niya si Mamang, na nang mga sandaling iyon ay abala sa pagbaliktad ng mga hiniwang laman ng isda sa portable grill na ipinuwesto nila sa ilalim ng mababang niyog. Nasa tabi niya si Marietta na siya namang nagpapahid ng home-made sauce sa mga ito. Hindi nila alintana ang makapal na usok na palikaw-likaw na gumuguhit ng daan patungong langit.
Sa katabing kubo ay makikita sila Papang, Mang Lito at ang mag-asawang guests na magiliw na naghahalakhakan sa birong binitawan ng driver. Sa kawayang hapag na nasa pagitan nila, nagkalat ang paper plate na wala nang laman liban sa mga buto ng isdang pinulutan nila habang tinatagay ang gallon ng tuba na nangangalahati na ang laman.
Napaayos siya ng upo nang matanaw na papalapit sa kanyang kinaroroonan ang kanyang Ate Eda. Wala sa sariling napatingala siya sa madilim na kalangitan.
“Ang ganda nila di ba? Alam mo ba kung bakit mas pinili kong manatili rito kaysa manirahan sa lungsod kasama sina Mama at Papa?” inabutan siya nito ng paper plate na naglalaman ng dalawang hiwa ng inihaw na isda at isang dakot ng kanin bago naupo sa kanyang tabi. “Dahil walang kasing tingkad ang ningning ng mga bituin rito sa amin.”
Kumurot siya ng laman sa ulam na inihaw, biglang nakaramdam ng panlilit dahil para siyang dayo sa lugar ng kanyang nakatatandang kapatid.
“Noong maliit pa ako, sa tuwing magkakaroon ako ng pagkakataong makatakas sa bahay, madalas akong nakatambay rito sa dalampasigan at nakatanaw lamang sa mga bituin sa langit,” pagpapatuloy nito. “Manghang-mangha kasi ako sa taglay nilang liwanag. Kung iyong iisipin, napakalayo nila subali’t nakararating rito ang kabigha-bighani nilang ningning.” Nangingimi itong tumawa nang mahina. “Ini-imagine ko pa noon na sana may dumaang bulalakaw upang makahiling ako.”
Napatigil si DJ sa pagnguya. Bakit bigla-bigla na lang nagkukuwento ang kanyang ate nang ganito? “You actually believe in shooting stars?” napatanong na rin siya.
Lumingon sa kanya ang nakatatandang kapatid. Sa kadiliman, naaaninag niya ang mumunting repleksiyon ng mga tala sa mga mata nito.
“Wala naman sigurong masama kung maniwala, ‘di ba? Alam mo kung ano ang hinihiling ko?”
Napailing siya sa tanong nito. Dahil lumaki siya sa lungsod, ang paniniwalang maaari kang humiling sa mga bulalakaw ay hindi kapani-paniwala para sa kanya. Mas tumatak sa kanya ang tagpong maaari kang humiling bago hipan ang apoy ng kandilang nakatarak sa isang birthday cake.
“Maniniwala ka bang hiniling ko na sana ay magkaroon rin ako ng kapatid na makalalaro?” turan nito sa kanya. Tumingala ito sa langit, may ngiting sumilay sa mga labi nito. “And it did came true. In the most magical way.”
Naumid ang kanyang dila. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman sa mga sinabi nito. Naalala niya, isang beses na sumapit ang kanyang kaarawan, ay hiniling rin niyang sana ay magkaroon rin siya ng kapatid. Nguni’t kalaunan ay nasanay na rin siya sa isiping unico hijo siya ng mga magulang, kaya nang malaman niyang mayroon nga siyang nakatatandang kapatid, nahirapan siyang tanggapin ito.
“Good for you,” mahina niyang sambit, na sana ay hindi na lang niya sinabi dahil naging tunog bastos ito, kahit na sa kanya. “And for everyone,” bawi niya.
BINABASA MO ANG
BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])
AdventureMatapos ang sampong taon ay nagbabalik si DJ sa probinsiya ng kanyang nakatatandang kapatid, hindi upang magbakasyon, kundi upang turuan siya ng aral dulot ng katigasan ng kanyang ulo. Subalit isang gabi, lihim siyang iniligtas ng isang natatanging...