29. Kapalit

177 16 3
                                    

Puno ng kamote que ang malaking mangkok nang matapos si Serena sa pagluluto, at hindi napigilang magtanong ng binata kung sino ang kakain ng lahat ng iyon. Mabilis naman ang naging tugon ng dalaga sa kanya na maaari naman iyong ibahagi sa kanilang mga panauhin, , sapagka't mahilig raw ang mga ito sa matatamis na pagkain, dagdag pa nito. Nagtaka naman ang binata kung paano iyon nalaman ng dalaga nguni't hindi na siya nagtanong pa rito.

"Hindi pa rin ba siya nagigising?" pabulong na tanong ng dalaga, pansin niya ang pag-aalala sa mga mata nito nang sulyap na tumitig sa kanya. Nasa silid sila ng nakatatandang kapatid ng mga sandaling iyon, at hawak-hawak ng dalaga ang isang kamay ng kanyang ate.

Nagkibit-balikat siya rito. "She slept like a princess waiting for a prince charming to wake her up, like some fairy tale. So, hindi. How I wish she'd wake up already."

Napalingon sa kanya si Serena. Marahil ay napansin rin nito ang pangungulila sa nakatatandang kapatid. "Natingnan na ba siya ng manggagamot?"

"Manggagamot? You mean, the doctor?" Minsan, weird talaga magbitaw ng mga termino ang dalaga. Pakiramdam niya ay nagmula ito sa makalumang panahon.

Tumango ang dalaga.

"He hasn't come back since his last visit."

"Bakit hindi kayo magpatingin sa ibang manggagamot?" Binitawan ng dalaga ang kamay ng kanyang ate at hinaplos ang pisngi nito. Waring napaso pa ito nang dumampi ang likod ng palad sa pisngi.

"What do you mean?" Inilapag niya sa bed side table ang platitong hawak, na may lamang kalahating kamote que. Parang nawalan na tuloy siya ng ganang ubusin ito.

"Ibig kong sabihin, may iba pa namang uri ng mga manggagamot na hindi umaasa sa agham, hindi ba?" hinawi ng dalaga ang naligaw na buhok sa mukha ng kanyang ate.

"You mean quack doctors?" lumapit na rin siya sa bandang uluhan ng kama. "Naniniwala ka ba sa kanila? Can they even cure her?" Nguso niya sa dako ng kanyang ate.

"Papaano mo malalaman kung hindi mo susubukan?" tugon ng dalaga.

Totoo naman, noong nasa lungsod pa siya, nakaririnig na siya ng mga kuwentong napagaling ng mga "quack doctor" mula sa kanyang mga schoolmates. Madalas mga kakaibang sakit ang napapagaling ng mga ito, na hindi kayang pagalingin ng mga doktor na nag-aral ng siyensya. Gayunpaman, hindi niya alam kung paniniwalaan niya ang mga ito.

Marahil ay babanggitin niya ito kay Mamang mamaya sa kanilang pagbalik. May punto si Serena, kung tumagal pa ng ilang araw ang sitwasyon, marahil ay kailangan na rin nilang magpatingin sa ibang doktor. Subali't hindi naman siya ang makakapagpasya niyon.

--------

Kanina pa siya pinagtitinginan ng batang babae sa hindi kalayuan. Hindi niya alam kung dahil ba iyon sa ice cream na kinakain niya, na mabilis na natutunaw dahil sa init ng panahon o dahil sa katotohanang nakikita siya nito sa tunay niyang katauhan.

Sa tinagal-tagal ng kanyang pananatili sa mundo ng mga mortal, natutuhan niyang ang mga paslit na mortal ay may likas na kapangyarihang makakita sa kabila ng kanilang bighani at pagbabalat-kayo. Nguni't kalaunan ay nawawala rin ito sa maraming kadahilan. Nangunguna na rito ang takot, takot na sila ay nakakakita ng mga bagay na hindi nakikita ng mga karaniwang mortal at taguriang isang baliw kampon ng masasamang elemento.

Tinitigan niya ang sarili sa salaming dingding ng katapat na tindahan, kung saan labas-masok ang ilang mamimili. Sa unang tingin, tanging dalagitang may kulay-mais na buhok at makinis na kutis ang matatanaw roon. Mukha siyang karaniwang batang nagliliwaliw lamang sa abalang bayan at hindi aakalaing naiiba.

Nilingon niya ang batang babae sa kinaroroonan nito. Hindi pa rin ito natitinag sa pagtitig sa kanya. Walang duda. Nakikita siya nito. Dumating ang ina nitong maraming bitbit na mga pinamili. Halatang naiinis ito dahil na rin sa pagkulot ng noo nito. Hinila nito ang kamay ng batang bababe subali't pabigat itong nagpatangay sa ina.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon