Tatlong taon na simula nang mag-aral ako sa kolehiyo at sa tatlong taon na iyon, pare-parehong araw-araw lang ang ganap sa buhay ko.
Simula alas cinco ng umaga ay dapat gising na ako dahil may klase na ako ng alas sais. Makaka-uwi lang ako galing school bandang alas cinco ng hapon. Tapos ay diretso na ako sa canteen at magtatrabaho ako hanggang closing.
Dahil malapit lang naman ang canteen na pinagtatrabahuhan ko sa aking bahay, hindi ko na inalintala pa masyado ang pag-uwi ng alas onse ng gabi.
Ten pm kasi nagsasarado ang canteen at dahil naghuhugas pa ako ng mga plato at naglilinis pa ng buong canteen, natatagalan pa ako ng isa o higit pang oras bago tuluyang maka-uwi.
Pag-uwi ko naman, tatapusin ko muna ang mga gawain kong pang-eskwela bago maligo at bandang ala-una ng madaling araw, tsaka pa lang ako makakatulog. Tapos ay gising ulit ng alas cinco para pumasok sa eskwelahan kinabukasan.
Sa tatlong taon na 'yon ay paulit-ulit ang nangyayari sa akin. Hindi ako pwedeng magpabaya sa sarili ko at sa pag-aaral ko dahil magiging balewala lang ang lahat ng naging paghihirap ko kung magpapabaya lang ako.
Hindi ko sasabihin na hindi ako napapagod, dahil tao lang naman ako. Pero sa tuwing iniisip ko ang magandang kinabukasan na nakalaan para sa akin, nawawala agad ang iniinda kong pagod ng katawan, pagod ng isip, at pagod sa kagustuhang mabuhay.
Hindi madali ang buhay ko dahil lahat ng bagay ay kailangan kong gawin na mag-isa. Mag birthday mag-isa, mag pasko mag-isa, mag bagong taon mag-isa, mamuhay mag-isa.
Hindi nawawala sa isip ko ang Mommy ko. Miss na miss ko na siya.
Hindi ko iniisip na nagkulang siya sa akin. Dahil kung nasaan man ako ngayon, dahil iyon sa kaniya. Isinakripisyo niya ang buhay niya para lang mamuhay ako nang mapayapa. At para sa akin ay sobra-sobra na iyon.
Kaya kahit na sobrang nakakalungkot dahil wala akong pamilya, iniisip ko na lang na mas mabuti na rin na mag-isa ako kaysa naman may kasama akong demonyo.
"Kendra! Halika, sama ka sa amin sa sayawan sa kabilang bayan!" ani isa kong kaklase.
Ngumiti lang ako at umiling. Sumimangot agad sila ng mga kasamahan niya.
"Arte mo naman. Ikaw na nga itong niyayakag. E 'di huwag! Tara na nga!" Hinila niya ang braso ng mga kaibigan niya at sabay-sabay silang nag-alisan.
Umiling na lang ako ulit at bumuntong hininga bago ipinukol ang atensyon sa binabasang libro.
Sanay na ako sa gano'n. Sa ilang taon kong nag-aaral dito ay marami nang sumubok na makipagkaibigan sa akin pero kahit isa ay wala akong pina-unlakan.
Wala naman akong pakielam kung isipin nilang masama ang ugali ko at suplada ako. Mas mabuti na rin iyon para hindi na ako malapitan ng ibang tao.
Gaya ng sinabi ko, hindi ako pumarito para maghanap ng mga kaibigan. Ayos lang sa akin na mag-isa dahil takot na akong magtiwala sa ibang tao.
Hindi ko ma-isip na magkakaroon ako ng kaibigan, tapos ay kapag nalaman nila ang nakaraan ko, huhusgahan lang nila ako at gagawing katatawanan na akala mo ay biro lang ang pinagdaanan ko.
Takot na akong masaktan ng kung sino-sino. Nakakapagod. Ayaw ko nang ma-ulit pa ang nangyari sa akin noon.
Kaya sa huling taon ko sa kolehiyo ay ganoon pa rin ang aking ginawa sa buhay ko sa eskwelahan. Mag-isa, pero masaya ako. Dahil alam ko sa sarili ko na ligtas ako sa kahit anong sakit.
Mag-isa man ako, karamay ko pa rin ang sarili ko.
Kasama ko ang sarili ko sa paglangoy sa alon ng buhay. Kasama ko ang sarili ko sa bawat hakbang na tatahakin ko patungo sa daan na gusto kong marating.
"Arce, Nina Kendra, P. Bachelor of Science in Political Science. Best in Debate Special Awardee. Summa Cum Laude."
Taas noo akong naglakad sa stage. At dahil walang pamilyang kasama, ang propesor ko ang nag abot sa akin ng aking deploma at ng mga awards ko.
Pagkatanggap ko ng mga iyon ay para akong nakatungtong sa kalangitan dahil sa sobrang saya.
Lahat ng pagod, hirap, at hinagpis na sinapit ko sa nakaraan, unti-unti nang nawawala sa isipan ko, dahil sa mga magagandang bagay na natutupad ko para sa sarili ko.
Tumingala ako sa bughaw na kalangitan at pumikit. Suminghap ako at dinama ang pag haplos ng hangin sa aking balat... parang haplos ng aking pinakamamahal na ina.
"Para sa ating dalawa ito, Mommy." bulong ko sa sarili at ngumiti.
Nagpalakpakan ang mga magulang na naroon para panoorin ang kaniya-kaniyang anak na makamit ang isa sa kanilang mga tagumpay sa buhay.
Hindi ko man nakikita ang Mommy ko sa harap ko, alam kong pinapanood niya ako mula sa itaas, kasama Niya.
At alam kong kagaya ko, proud na proud sila sa akin.
Palapit ka nang palapit sa pangarap mo, Kendra. Isang hakbang na lang, bago tuluyang makamit ang hustisya.
Nararamdaman kong unti-unti nang lumuluwag ang lubid na nakatali sa akin... at hindi na ako makapaghintay na makawala nang tuluyan sa lubid na 'yon.
BINABASA MO ANG
Untying the Rope (Mujer Fuerte Series #1)
General FictionCOMPLETED CONTENT WARNING : This story may contain explicit language, violence, self-harm, murder, and themes that can be harmful, traumatizing, and triggering to some readers. READ AT YOUR OWN RISK. Sabi nila, kapag ipinanganak kang mayaman, lahat...