Kabanata 12

1 0 0
                                    

"Sinusugod na tayo ng mga masasamang salamangkero..."

Awtomatikong napatakbo kaming apat matapos sabihin iyon ni Siru. Hindi ko batid pero nakahawak pala ito sa aking pulsuhan at sabay na tumatakbo kami patungo sa direksyong itinuro niya. Nasa likod namin sina Nasus at Timmy na nag-uusap ngunit sila lamang ang nakakarinig.

Nakailang liko pa kami bago makita ang iba naming mga kasamahan na lumalaban sa mga ito. Halata sa mga itsura nito na hindi pa gaanong mga bihasa sa paggamit ng salamangka kung kaya't agad silang nanghihina o di kaya'y nawawalan ng malay. Nakita ko sina Zandee, Reyn, at Nezka na nakikipaglaban sa isang babaeng nakaitim na balabal at prenteng nakalutang sa hangin na animo'y isang kaluluwa.

Agad akong lumapit rito.

"Anong nangyari?" tanong ko sa mga ito. Si Reyn ang sumulyap sa akin at sumagot.

"Nariyan na pala kayo, kanina pa namin kayo hinahanap dahil nahihirapan kaming lumaban sa mga ito...masyado silang mga bihasa sa paggamit ng kanilang mga salamangka." paliwanag nito subalit hindi pa rin nasasagot ang tanong ko.

Makalipas ang ilang sandali ay si Zandee naman ang humarap sa akin at umismid kay Reyn dahil sa ang layo ng kaniyang sagot sa akin. Halata agad sa mukha nito ang pagkairita.

'Ano kayang magiging itsura niya kapag nagkatuluyan sila ni Nasus?'

"Eirah nakikinig ka ba?"

"Huh?"

"Tsk! Naglalaban na lahat-lahat at lutang ka pa rin?!" sarkastiko nitong tugon. "Gaya ng sabi ko kanina, naroon kami sa isang botika ng biglang may sumabog sa—"





"Alere Ruozzan."




Agad pumulupot ang mga ugat sa halimaw na inilabas ng isang babaeng nakabalabal ng itim. Humigpit ito ng humigpit hanggang sa mawalan ng hininga ang nilalang na kaniyang inilabas at tuluyan ng naglaho sa hangin.

"Tsk! Hindi muna ako pinatapos sa pagsasalita umatake agad! Mangmang." ani ni Zandee at tumingin sa akin. "Gaya ng sinabi ko, naroon kami sa isang botika ng biglang may sumabog na isang bilihan ng mga palamuti..." huminto ito saglit. "Ayun, maraming salamangkero tuloy ang nataranta kaya naman nakiusyuso kami at napag-alaman naming mga masasamang salamangkero pala ang may kagagawan."

Napatango naman ako sa kaniya.

Iniwan niya ako sa aking kinapupwestuhan at bumalik sa pakikipaglaban sa isang taong nakabalabal na itim na kanina pa nilalabanan ni Nezka at Reyn.

Inilibot ko ang aking paningin. Mula sa kanang direksyon ay tanaw ko si Rim at Nasus na nakikipaglaban sa isang lalaking may mga marka sa katawan at may hawak na baston. Nagpapalipatan ito ng mga salamangka at nagtatagisan ng tingin na animo'y galit na galit.

Sa kaliwang banda naman ay patuloy na nakikipagsagupaan sina Timmy at Siru sa tatlong tao. Hindi ko mawari ang kanilang mga kasarian 'pagkat natatakpan ng balabal ang kanilang mga mukha. Hindi ko batid kung ilang masasamang salamangkerong ang sumugod rito ngunit ang alam ko lamang ay higit sampu ang mga nakikita ko.

Bakas sa mukha nina Timmy at Siru na mukhang nahihirapan ang mga ito sa pakikipaglaban sa tatlo. Dali-dali akong tumakbo sa kinaroroonan nila upang tulungan silang magapi ito.

THE CONJURERS (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon