Part 5: Masyado Pang Maaga

61 6 0
                                    

Kinabukasan, parang isang normal na araw na naman. Ang ipinagkaiba lang ay di na ako kinulit muli ni Prime.

May pagkakataon na nakikita ko siya sa campus kasama ang ibang estudyante, ngunit hindi na niya ako pinapansin. May tagpong magkakasalubongan kami ng tingin pero ibabaling niya agad iyon sa iba na parang di ako nakita. Minsan pa nga, habang naglalakad ako at nakita kong naglalakad din siya sa direksyon ko, bigla na lang siyang lilihis at sa iba na lang dadaan.

Lumipas ang mga araw na ganoon ang naging eksena namin kapag makikita ko siya, kaya naisip ko na talagang dinamdam niya ang mga nasabi ko. Masaya ako na tinigil na niya ang pangungulit sa'kin, pero may guilt pa rin akong nararamdaman. "Bakit kasi umabot pa sa ganito?" sabi ko na lang sa isip ko.

Samantala, last subject ko na ngayong araw nang biglang nag-cancel ang instructor namin ng klase dahil magkakaroon daw ng general meeting ang faculty ng department namin. Dahil doon ay agad na nagsiuwian ang mga kaklase ko kaya't naisip ko na ring umuwi.

Kasalukuyan akong naglalakad palabas ng campus nang naisipan kong hanapin si Prime. Gusto ko humingi ng tawad sa mga nasabi ko. Oo, tinigil na nga niya ang pangungulit sa akin pero di pa rin matigil-tigil ang pangongonsensiya ng utak ko dahil sa mga nasabi ko sa kaniya. Masyado yata akong naging "harsh" sa kanya. Dahil doon ay naisip kong libutin ang buong campus sa tsansang makita siya. Hihingi ako ng tawad para sa ikatatahimik ng isip ko.

Lahat ng building ay sinuyod ko. Sa bandang harap, gilid at likod, pero negative, hindi ko siya makita. Susuko na sana ako sa paghahanap nang makita ko ang motor niya. Naka-park ito sa tapat ng building ng College of Fine Arts and Communication. Kilala ko ang motor niya, at naroon din ang helmet na pinasuot niya noon sa akin.

Nilibot ko ang paningin ko ngunit wala siya sa paligid. Dahil doon ay umupo na lang muna ako sa isang bench malapit sa motor niya, at doon ay matiyaga ko siyang hinintay.

Time check, 6:15 na ng hapon. Nagsimula nang dumilim ang paligid pero wala pa rin si Prime. Gusto ko na sanang umuwi at ipagpabukas na lang ang plano. Nahihirapan na rin kasi ako makakita sa dilim.

Maya-maya, may mga estudyante na pababa sa building. Hinanap ko si Prime at naroon nga siya. Pumunta na siya sa motor niya kaya lumapit ako at doo'y kinausap ko siya. Hindi ko alam ang gagawin ko sa sandaling iyon. Hindi ko alam kung paano ko ito sisimulan. Nakakahiya.

"Prime?" pag-aalangan kong tawag sa kaniya.

Nilingon niya ako at sa sandaling nakita niya ako ay doon din nagsimulang magsalubong ang kilay niya, tanda na may galit pa rin siya sa akin.

"Anong kailangan mo? Ba't ka nandito?" tanong niya. "Diba't sabi mo wag na kitang kulitin? Gusto mong layuan na kita diba?"

"Uhmmm... gusto ko lang sana mag-sorry sa mga nasabi ko. Hindi ko naman talaga sinasadyang sabihin ang mga iyon," pangangatuwiran ko.

Sa tagpong iyon ay bigla siyang lumapit sa akin. Sa sobrang lapit ay halos magdikit na ang aming dibdib at kitang-kita ko ang mukha niya na may bahid ng inis.

"Ano bang meron sa'yo ha? Ba't ganun na lang ang galit mo noong lagi akong lumalapit sa 'yo?" bigla niyang tanong.

Nagulat ako sa sinabi niyang iyon. Hindi ko naman siya masagot. Hindi pa kasi ako handa na ilahad ang pangyayaring nagpagbago sa buhay ko. At isa pa, hindi ko pa siya lubos na kilala. Hindi naman pwedeng sabihin ko agad iyon sa kung sinu-sino na lang. Oo, hindi na bago sa akin si Prime, pero masyado pang maaga. Kung may tamang pagkakataon man para malaman niya iyon, hindi pa ngayon iyon. At para saan pa? Hindi naman na ito kailangan pag-usapan, dahil ito na rin naman na ang huli naming pag-uusap. Pagkatapos kong mag-sorry, "the end" na, Ok na. Kaya, ang naging tugon ko ay...

Sunflower Patch (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon