Part 24: Unanswered

23 3 0
                                    

               (Prime's Point of View)

Kinabukasan ay nagkaroon kami ng pagkakataong mag-usap ni mama. At napakasakit na isipin at tanggapin na totoo ngang kapatid ko si Kid. Sa tagpong iyon ay hindi ko maiwasang muling magalit ngunit mas nananaig ang kalungkutan sa isip ko na hindi na magiging kami ni Kid. Biglang gumuho ang mundo ko nang ganun-ganon na lang. Sa hinaba-haba ng panahon at sa dami ng nangyari sa'min ay mauuwi lang iyon sa wala. At isa pa, buong buhay ko ay hindi ko ginusto na maging kabit at maging dahilan ng pagkasira ng relasyon ninuman. Alam ko kung ano ang pakiramdam nang masaktan nang dahil doon, tapos ngayon, malalaman ko na totoong kabit si mama, at ako ang dahilan ng pagkasira ng pamilya nila Kid. Alam ni mama na may asawa na si papa noong panahong nagkakilala at nagkagaan sila ng loob, kaya't lubos akong nagalit dahil doon. Ako ang bunga ng kasalanang iyon.  Nakakapanlumo. Hindi ko kayang ipasok sa utak ko ang lahat ng mga nalaman ko.

Samantala, hindi nalaman ni mama ang tungkol sa'min ni Kid. Nang tinanong niya kung bakit ko siya kilala ay sinabi ko na lang na nagkilala kami minsan sa campus. Nagsinungaling ako. Nagulat pa rin si mama nang marinig iyon at namangha sa katotohanang nagkita na raw pala kami ng kapatid ko. Nang tinanong naman niya ang dahilan ng pagtangka kong pagtalon sa tulay, ang sinabi ko na lang ay dahil sa galit ko kay papa at ang pag-iwan niya sa'min. Totoo iyon, pero bukod doon ay talagang hindi ko matanggap ang kinahantungan naming dalawa ni Kid.

Matapos iyon ay tila nagbago na ang takbo ng buhay ko. Ang dati na tila'y isang masayang panaginip ay naging isang bangungot. Hindi ako lumabas ng kwarto ko na parang isang preso, at sa tuwing masasagi sa isip ko ang mga nangyari ay bigla na lang tutulo ang luha ko na hindi ko namamalayan. Manhid na ang katawan ko pero andun pa rin ang sakit. Ramdam na ramdam ko pa rin. Ang hirap ng sitwasyon na wala kang magawa. Na kahit ano ang gawin mo ay dead end na.

Lunes, araw sana iyon ng pagpasok at isang pagkakataon para muli kaming magkita ni Kid, pero hindi ako tumuloy. Hindi ako bumangon. Nanatili lang akong nakatihaya sa kama ko at tulala. Maya-maya'y narinig ko ang pagkatok ni mama sa kwarto ko.

"Prime! Prime! Tanghali na! Papasok ka ba?"

Hindi ako sumagot.

"Kung papasok ka, bilisan mo na. Tanghali na."

Hindi pa rin ako bumangon. Hanggang makaalis si mama papunta sa kanyang pinagtatrabauhan ay hindi pa rin ako natinag. Maya-maya, nasa ganoon akong eksena nang biglang tumunog ang cellphone ko. Nang sinilip ko ito'y nakita kong tumatawag si Kid.

Nanlaki ang mga mata ko sa aking nakita. Sa totoo lang ay gustong-gusto kong makausap si Kid sa pagkakataong iyon. Nasasabik na ako sa kaniya. Gusto ko nang marinig ang boses niya. Gusto ko na siyang makakwentuhan, pero dahil sa mga nangyari ay hindi ko ito magawa. Para akong pinapatay habang naiisip ang tungkol doon. Nakailang tawag na rin si Kid sa mga oras na iyon. Sunod-sunod at walang tigil, ngunit di ko pa rin ito sinagot. Matapos iyon ay sandamakmak naman na text ang natanggap ko sa kanya. Muli ay hindi ko ito pinansin. Hindi ko na rin ito binasa pa. Sobrang nakakakonsensya ang hindi ko pagpansin sa mga text at tawag ni Kid, pero sa sitwasyon ko, iyon lang ang naiisip kong gawin.

Kinabukasan ay ganun pa rin. Muli niya akong tinadtad ng mga tawag at text ngunit hindi ko siya magawang sagutin. Hindi pa ako handa. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Alam kong hindi pa alam ni Kid ang mga pangyayaring naganap, marahil ay itinago rin 'to ng pamilya niya. Kaya mas naging mahirap ito sa posisyon ko. Sa totoo lang, kung ako rin naman. Kung ako rin ang maging isang magulang, nakakasuklam na magkaroon ng isang manlolokong asawa. Kung pinili niya kaming iwan para sa ibang tao, mas magandang patayin ko na lang siya sa isip ng mga anak ko.

Time check. 4:45 PM. Oras na sana iyon ng uwian. Magkasama na dapat kami ni Kid sa mga oras na ito, habang magkawak ang kamay at pupunta sa malapit na kainan o turo-turo, pero wala na. Wala na ang pangarap ko. Ang buhay ko. Maya-maya, isang tunog ng narinig ko na nagmula sa phone ko. Hindi ko na sana ito papansinin dahil sa akalang si Kid itong muli, ngunit hindi pala. Tumatawag si Pat. Hindi ko alam kung ano ang sadya niya pero pinili ko na lang itong sagutin.

Sunflower Patch (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon