Part 2: Welcome College Layf!

99 9 0
                                    

Sa pagbaba ko ng bus ay tumpok ng mga tao ang agad na sumalubong sa'kin. Dahil nga nag-iisang unibersidad lang ito sa probinsya namin, normal na ganitong estudyante ang aasahan mong makita. Halos lahat kasi ng mga estudyanteng nasa kolehiyo sa probinsya namin ay dito nag-aaral.

Samantala, dahil sa dami ng mga tao, biglang nabuo sa isip ko na di na tumuloy. Nariyan pa rin kasi ang takot ko. Nakakalungkot na patuloy pa ring umiiral ang trauma sa isip ko. Nilakasan ko na lamang ang aking loob, kaya kinalauna'y nanaig rin ang kagustuhan kong ituloy na ang pagpapaenroll. Gusto ko rin patunayan kay mama na kaya ko na. Ang ginawa ko ay pinili kong maging lowkey. Tipid at maingat ang mga kilos ko, sapat para di ako pagtinginan ng mga tao at pagtuunan ng kanilang pansin.

Narating ko ang registrar office. Kumuha ako ng enrolment forms at mabilis ko naman itong na-fill-up-an. Engineering ang kinuha kong course. Pinili ko 'yon dahil paborito ko naman ang math, nilalaban pa nga dati ako sa mga math competitions noong elementary at highschool pa 'ko. At isa pa, isa rin 'to sa sinuggest ng guidance councilor na kinonsulta namin ni mama para di ako mahirapan sa pagkuha ng course na iti-take ko dahil sa kondisyon ko. Pangarap ko rin makapagpagawa ng bago naming bahay kaya ito na talaga ang tamang kurso para sa akin.

Siya nga pala, matapos iyon ay naging pabalik-balik ako sa school para sa ilang exam at pag-aasikaso ng ilang dokumento. Sa kabutihang palad, naipasa ko naman ang mga pagsusulit, tulad ng entrance exam at qualifying exam. Sa mga araw na iyon, medyo nakapag-adjust na ako. Nabawasan na ang kaba ko sa tuwing makakakita at makakasalamuha ng ibang tao.

Huling araw na ngayon ng pagpapaenroll ko. Kasalukuyan kong inaayos ang mga dokumento ko para maipasa ko na sa office ng engineering department. Maya-maya'y napansin kong kailangan ko palang magpaphotocopy ng ilan pang dokumento. Buti na lang at merong school supplies shop sa loob ng campus, kaya wala akong sinayang na oras at agad na pumunta roon.

Sa dami ng aking dala-dala na sala-salabat na sa gulo ay halos di na ako mapakali sa pagbitbit nito. Umabot nga sa punto na halos mabitawan ko na ito, kaya itinuon ko ang pansin para maiayos iyon, ngunit isang di inaasahang pangyayari ang naganap. Maya-maya'y biglang may sumulpot na isang lalaki at nabangga ako. Dahil doon ay tuluyan nang naglaglagan ang mga dala ko. Medyo na out of balance pa nga ako dahil di hamak na mas malaki sa akin ang lalaki. Habang pinupulot ko ang mga gamit ko ay biglang nagsalubong ang aming mga mata. Classic.

Nagkatitigan kami at bigla namang bumilis ang kabog ng aking dibdib.  "Anong nangyayari sa'kin?" sabi ko sa isip ko. Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganoon, pero marahil ay dahil sa hiya at kaba.

Aabot na siguro ng isang minuto ang aming pagtititigan, na sa sobrang tagal ay halos masaulo ko na nga ang itsura niya. Sa totoo lang ay may itsura yung lalaki. Matangkad, medyo may pagka-dark ang balat, at yung gupit niya ay parang semi-kalbo pero maangas tingnan. Napansin ko naman ang dala-dala niyang camera. Siguro'y isa siyang campus photographer, kaya may dala-dala s'yang ganoon. Yung nagdodocument kumbaga ng mga activity sa school na kailangan sa mga school newspaper. O kaya nama'y member ng photography club. Ewan, basta.

Samantala, matapos iyon ay binali ko na agad ang pagkakapako ng aking paningin sa kanya.

"Sh*tttt, nakakahiya. Baka kung ano pang isipin n'ya," sabi ko sa isip ko.

"Pasensya na pre, di kita nakita," wika naman ng lalaki habang tinutulungan n'ya akong pulutin ang mga dala ko. Hindi ko siya pinansin. Sa kabila ng ginawa niyang pagtulong ay kinuha ko agad ang mga gamit ko at tumuloy na ako sa aking pupuntahan.

Labag sa loob ko ang ginawa kong di pagpansin sa kanya dahil baka kung anong isipin nya tungkol sa'kin. Na masungit ako o masama ang ugali ko, pero di ko rin naman masisisi ang aksyong ginawa ko dahil sa nangyari noon. Napakahirap talaga ng kalagayan ko. Gusto ko mang makisalamuha sa iba at magkaroon ng maraming kaibigan, pero di ko magawa. Nariyan pa rin kasi ang takot at kaba. Pasakit pa 'tong kondisyon ko sa mata, hayys. Iba na talaga ngayon.

Sunflower Patch (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon