Part 9: Hi! I'm Mac!

42 4 0
                                    

Hindi pa sumisikat ang araw nang magising ako. Mag-aala-singko pa lang siguro ngayon ng umaga.

Nang nilingon ko si Prime, himbing na himbing pa itong natutulog. Wala na namang saplot ang pang-itaas niyang katawan at tanging boxer shorts lang ang suot niya na pang-iba-iba. Lutang na lutang talaga ang kaniyang kakisigan sa tagpong iyon, at eksakto ring naiilawan ang kanyang mukha ng kaunting ilaw sa labas. Sobrang amo ng kanyang postura kaya hindi ko maiwasang titigan siya sa sandaling iyon.

Pinagmasdan ko ang bawat detalye ng kaniyang mukha na para bang inuukit ito sa aking isipan. May dalang kilig ang pagtitig kong iyon, ngunit di ko maiwasan malungkot. Paano ba naman, narito na sa tabi ko, abot-kamay ko na ang taong hinahangaan ko, ang taong iniibig ko, pero wala eh, sadyang malabo na maging kami. Napahinga na lang ako nang malalim, at tinggap ang katotohanan.

Matapos iyon ay di na'ko muling dalawin ng antok, kaya naisipan kong maglakad-lakad muna sa labas para makapagmuni-muni. Napakatahimik rin ng paligid at walang taong makakaistorbo.

Kumakagat pa ang lamig sa mga oras na iyon, dahil doon ay isinuot ko ang jacket kong panlamig at tumuloy ako sa paglakad.

Nilibot ko ang buong campus. Simula sa campsite hanggang sa gate palabas ng campus. Lahat ay pinuntahan ko. Umabot ako ng mga labing-limang minuto sa ganoong gawain. Labing minuto na walang tigil, kaya noong pabalik ay nakaramdam ako ng pagod. Dahil doon ay umupo muna ako sa isang bench malapit sa student center. Doon ay nakinig na lang muna ako ng mga kanta. Tamang-tama ang oras na iyon para mag-music jam, napakatahimik kasi at napakaganda ng ambience. Napagdesisyunan ko namang wag muna bumalik, mamaya na lang siguro kapag pasikat na ang araw.

Samantala, nasa ganoon akong eksena nang makita ko ang isang lalaki sa di kalayuan. Hindi ko mawari kung bakit siya naroon sa gaanong oras. Nakakatakot lang dahil kakaiba ang mga ikinikilos niya.

Ilang saglit lang, nagulat ako dahil papunta na siya sa kinauupuan ko. Papalapit siya nang papalapit kaya bigla akong nataranta sa tagpong iyon. Parang sasabog ang dibdib ko sa kaba, at doble iyon dahil sa trauma ko noon. Sa tagpong iyon ay wala nang tumakbo sa isip ko kundi ang bumalik na sa site. Akmang tatakbo naman na sana ako nang...

"Uhmmm... Excuse me?" malumanay na wika ng lalaki.

Dahil doon ay natigilan ako at sunod ko namang inalis ang earphone ko mula sa pagkakasuot nito.

"Ba..bakit po?" tanong ko na medyo taglay pa rin ang kaba.

"Alam niyo po ba kung saan pwedeng makapag-cr dito? Hindi ko kasi saulo itong campus n'yo eh, sinama lang ako dito ng kaibigan ko."

"Ah opo," wika ko at itinuro ko sa kaniya ang pinakamalapit na cr sa kinaroroonan namin. Nagpasalamat siya dahil dito at sinundan niya ang itinuro ko.

Napahinga ako ng malalim matapos iyon. Akala ko talaga ay kung ano na ang mangyayari sa'kin.

Samantala, makalipas ang ilang minuto, nakita kong lumabas siya sa palikuran at muling tinumbok ang kinaroroonan ko. Ibinaling ko agad ang tingin sa iba at nagkunwaring di siya nakita.

"Uhmm... salamat uli kanina ha? Buti na lang at nandito ka. Siguro ay kung saan-saang lugar na ako nakapagbawas. Hindi ko na kasi matandaan ang mga palikuran na napuntahan ko kahapon dito sa campus niyo eh. Masyado kasing malawak at maraming pasikot-sikot. At... di rin kasi ako dito nag-aaral."

"Wala po 'yun. Maliit na bagay," matipid kong sagot.

"Uhmm, Mac pala. Mac Garcia," wika niya at inabot niya ang kanyang kamay sa akin.

"Kid Adlawan po," wika ko at tinanggap ko ang pakikipagkamay niya.

Sa tagpong iyon ay napagdesisyunan kong maupo uli sa pwesto ko kanina at ipagpatuloy ang naudlot na pakikinig. Nagulat naman ako dahil maya-maya, imbis na umalis na ang lalaki ay...

Sunflower Patch (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon