Part 31: Nasaan Ka Na Ba?

38 2 0
                                    

(Prime's Point of View)

"Hindi... hindi... hindi 'to totoo. Kalokohan lang 'to!"

Iyan ang mga salitang lumabas sa aking bibig nang makita ang mga pangalang nakaukit sa batong iyon. Dahil doon ay tila tumigil ang mundo ko at bigla na lang gumuho ng di ko inaasahan. Una kong nakita ang pangalan ni Tita Nelly, at kitang-kita ng dalawang mata ko iyon. Naka-ukit doon sa batong iyon ang kumpleto niyang pangalan kasama ng iba pang mga nasawi. Sunod ko namang nakita ang pangalan ni Ate Gema. Sa sandaling iyon, parang hihimatayin ako sa magkahalong lungkot at pagkabigla na nararamdaman ko. Tila nawalan ako ng lakas at halos hindi ko na nga makaya pang tapusing hanapin ang pangalan ni Kid, dahil sa malamang, ay naroon din iyon.

Kasunod ay ipinagpatuloy ko ang paghahanap sa pangalan ni Kid. Lumapit ako ng mabuti sa batong iyon at inilapit kong mabuti ang paningin, sapat upang mabasa ko nang mabuti ang mga nakasulat. Hinanda ko ang aking sarili at huminga ako ng malalim. Mangiyak-ngiyak ako habang kinakalma ang sarili.

Napansin ko ang ilang tao na sa sandaling iyon ay halos nasa akin na ang kanilang atensyon, pero pinili kong hindi sila pansinin. Nakita ko rin si Kidilyn at nakapinta sa kanyang mukha ang ibayong pagkalito.

"Pa, what is happening? Bakit ka umiiyak?" pag-aalala niyang tanong.

Sa tagpong iyon ay halos hindi pa ako makapagsalita kaya't sinenyasan ko na lang siya na wag mag-alala at maghintay.

Pinagpatuloy ko ang paghahanap sa pangalan ni Kid at matapos ang ilang sandali, pagdating ko sa pinakahuling pangalan, ay wala akong nabasang Kid Adlawan. Dahil doon ay muli ko itong binasa. Tiningnan ko iyon muli pero sa ikalawang pagkakataon ay wala talagang pangalan na Kid Adlawan na nakalagay.

Sa sandaling iyon, hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Napahawak na nga lang ako sa ulo ko na gulong-gulong sa pangyayari at hindi alam ang gagawin.

"Bakit wala doon ang pangalan ni Kid?"

"Ibig sabihin ba non ay buhay pa siya?"

"Pero, kung buhay pa siya... nasaan siya?"

Iyan ang mga tanong na pumasok sa isip ko na nais kong mabigyan ng kasagutan. Pero, papaano? Anong gagawin ko?

Sa sandaling iyon ay nilisan na namin ni Kidilyn ang parke. Iniwan ko na doon ang dala-dala kong bulaklak kasama ng iba pang bulaklak na inalay doon. Nakakalungkot na ang pagbili pala namin ng bulaklak ay mauuwi lang bilang alay kila Tita Nelly at Ate Gema.

Sa totoo lang ay hindi pa lubusang pumapasok sa utak ko ang katotohanang wala na sila. Ayaw kong maniwala. Naisip ko nga, sana, isa na lang itong panaginip o isang bangungot at kailangan kong magising sa pagkakatulog.

Samantala, matapos iyon ay dumiretso kami sa bagong tinuluyan namin ni Kidilyn sa isla. Dali-dali kong nilabas ang dala kong laptop at nag-research agad ako tungkol sa paglubog ng nasabing barko.

Agad kong tinype ang "MV Gran Mar Ferry Incident" sa search engine at lumabas nga ang ilang artikulo at balita patungkol doon. Doon ay nakita ko ang litrato ng ferry na sinasabing lumubog. Lumabas rin ang mga pangalan ng mga nasawi sa insidente na pawang pareho sa nakita doon sa parke. Nakakalungkot na totoo talaga ang mga nangyari, hindi ito isang biro na pwedeng balewalain pagkatapos lamang ng ilang sandali. Wala na talaga sila, pero... "nasaan na si Kid?" tanong ko sa isip ko.

Sa parehong artikulo, nakita ko na sa kabuuang bilang ng mga sakay ng ferry, iilan lang ang nakaligtas, karamihan ay nasawi at hindi naman bababa sa labing-lima ang nawawala. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil wala ang pangalan ni Kid sa mga nasawi sa trahedyang iyon, pero kung tutuusin, sa malamang ay ganun rin ang sinapit niya. Na nasawi rin siya tulad nila Tita Nelly at Ate Gema.

Sunflower Patch (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon