Part 21: Mahiwaga

40 3 2
                                    


(Prime's Point of View)

Biyernes. Napakaganda ng panahon. Sadyang itinadhana siguro ang araw na ito upang maging espesyal. Ngayon na rin kasi ang araw na pinakahihintay ni Kid. Ito na ang araw kung kailan magpe-perform ang paborito niyang banda na "TheBenjamins" sa campus. Alam kong matagal-tagal na niya itong hinihintay. Saksi ako kung gaano niya kagustong makita sila sa personal, kaya't masayang-masaya ako para sa kanya. Sa totoo lang, tulad ni Kid ay matagal ko na ring hinantay ang araw na ito. Hindi dahil malaki ang paghanga ko sa bandang iyon, kundi dahil ito na hinihintay kong tamang panahon. Ang tamang panahon para gawin ang bagay na matagal ko na dapat na ginawa. I hope that this is indeed the perfect time.

Maaaring sa puntong ito ay nagtataka kayo kung ano ang tinutukoy ko na matagal ko nang dapat ginawa. Maaari ring ang iba sa inyo ay alam na ang tungkol dito. Ang masasabi ko lang, ang liham na ginawa ko para kay Kid ang siyang mabibigyang linaw ng lahat. Sa liham na iyon nakasaad ang kabuuan ng kwento, at ito ang nilalaman ng liham na iyon.

Dear Kid,

Hi! Sungit! For sure, nagtataka ka kung para saan ang liham na'to. Sa totoo lang, ngayon ko lang din ito nagawa. Hindi naman talaga ako iyong tao na mahilig sumulat ng liham, pero dahil kailangan, para sa'yo, gagawin ko.
Una sa lahat, sana'y magka-ayos na kayo ni Mac. Oo, humingi siya ng pabor sa'kin na makausap ka. Ginawa ko iyon dahil gusto ko na kayong magka-ayos. Sana'y napatawad mo na siya para maging maayos na ang lahat.
Pangalawa, nagpapasalamat ako sa pagkakaibigan nating dalawa. Corny man ako pakinggan, pero wala itong halong biro. Ako na yata ang pinakaswerteng nilalang nang nakilala kita. Napakasuwerte ko na pinagtagpo tayo ng Diyos. Nagpapasalamat ako dahil binigyan Niya ako ng pagkakataong makilala ka. Marami-rami na akong nalaman tungkol sa'yo. Alam kong hindi madali ang mga pinagdaanan mo sa mga nagdaang araw. Alam kong mahirap iyon para sa'yo, kaya masaya ako dahil naging part ako ng paghilom mo. Masaya ako dahil maaaring isa ako sa dahilan ng pag-ngiti mo ngayon. Kung totoo man iyon, hinding-hindi ako magsasawang pangitiin ka pa. Andito lang ko lagi, tandaan mo 'yan, Kid.
S'ya nga pala, mapatawad mo rin sana ako. Patawarin mo ako kasi may mga bagay na nilihim ako sa'yo. Alam kong ayaw mo sa taong naglilihim. Ayaw mo sa taong nagtatago. Ganun rin naman ako. Pero sana'y mapatawad mo ako, dahil nagsinungaling ako. Sinabi ko sa'yo dati na kapag may gusto ka sa isang tao dapat na maging matapang ka. Hindi pwede ang duwag, at dapat ay proud ka. Ang lakas ng loob ko na sabihin iyon pero hindi ko naman iyon magawa sa sarili ko. Ngayon, nakahanap na ako ng tamang pagkakataon. Meron na rin akong lakas na loob na sabihin sa'yo ang lahat, kaya Kid, gusto kong malaman mo na GUSTO KITA! Oo, tama ang pagkakaunawa mo. Gusto kita, mahal kita. Iyong sinabi ko dati na naka-love at first sight ko, ikaw ang tinutukoy ko Kid. Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko sa tagpong iyon, pero noong una tayong nagkita at unang nagtagpo ang ating mga mata, nagustuhan na kita kaagad. Maaaring isipin mo na kalokohan ito, pero iyon ang totoo. Noong nagkasama at nagkatabi tayo sa bus, hindi iyon nagkataon lang. Sa totoo lang ay dala-dala ko ang motorsiklo ko noon, pero iniwan ko muna iyon sa campus. Pinabantayan ko muna iyon sa guard at sinabi kong babalikan ko na lang kinabukasan. Ginawa ko iyon para makasabay kita. Iyon namang nagkita tayo sa isang shop sa bayan habang naghahanap ka ng calculator, hindi rin aksidente iyon. Talagang sinundan kita para magtagpo uli ang landas natin. Ang saya-saya ko sa tagpong iyon kasi naisakay kita sa motor ko. Hiniling ko nga sa tagpong iyon na sana'y marami pang pagkakataon na maiangkas kita. Hindi naman ako binigo ng Panginoon, dahil maraming beses na iyon na nangyari. Siya nga pala, doon naman sa mga ibinigay na bulaklak ni Mac sa'yo, ako ang may pakana na bigyan ka niya ng sunflower. Alam kong mahilig ka doon kaya noong minsang kinausap niya ako para malaman ang mga bagay na gusto mo, sinabi kong gusto mo nga ng ganun. Iyon ang dahilan kung bakit hindi na ako nagulat noong sinabi mo na si Mac nga ang taong palihim na may gusto sa'yo. Sa una pa lang ay alam ko na talaga. Sa totoo lang, inggit na inggit ako kay Mac dahil nasasabi niya na may gusto siya sa'yo. Naiinggit ako na nagagawa ka niyang bigyan ng bulaklak, pagkain, at mga regalo nang malaya, at heto ako, takot. Takot na iparamdam ang tunay na nararamdaman ko. Mahal kita Kid, maniwala ka. Dapat nga'y matagal ko na 'tong sinabi pero wala eh. Natakot ako. Maling-mali ako sa part na 'yon. Maikli lang ang buhay Kid, kaya ngayon ay sinasabi ko na sa'yo ito. Mahal kita at ayaw kong lumilipas ang panahon na hindi ko naipaparamdam iyon sa'yo. Mahal kita at hinding-hindi ako magsasawang sabihin sa'yo iyon.
Gusto kong pag-isipan mo ito. Kid, gusto kitang maging boyfriend, o girlfriend, ikaw ang bahala. Wala akong pakialam kung ano ang sasabihin ng iba. Wala akong pakialam kung pag-usapan man nila tayo. Sana'y ganoon ka rin Kid. Huwag ka nang matakot sa sasabihin ng iba. Huwag kang matakot na gawin ang gusto mo. Huwag kang matakot na mahalin ako Kid. Magdesisyon ka. Hindi ko alam kung may gusto ka rin sa akin, pero nagbabakasakali na ako. Hindi na kita papakawalan Kid. Kung gusto mo rin ako, please pumunta ka sa campus tour bukas. Alam kong isusuot mo ang paborito mong jacket, kaya sana ay makita kong nakatahi doon ang sunflower patch na ibinigay ko sa'yo. Wala man akong maibigay na singsing, gusto ko na maging tanda iyon na tinatanggap mo ako na maging boyfriend mo. Pag-isipan mong mabuti Kid. Bukas ay hihintayin kita.
Ngayon, kung hindi mo man ako matanggap, masakit pero maluwag ko itong tatanggapin, kasi mahal kita. Kung saan ka masaya, doon rin ako masaya. Mahal na mahal kita Kid. Sana lang ay di magbago ang pagtingin mo sa oras na hindi mo tanggapin ang alok ko. Hindi ko kayang makita na umiiwas ka sa akin. Ayoko ko na masira ang pagkakaibigan natin. Kaya Kid, please sana'y pag-isipin mong mabuti.
Hanggang dito na lang ang liham ko. Sundin mo ang isinisigaw ng puso mo Kid, at susuportahan kita kahit ano pa iyon. I love you, and I'll choose you, everyday.
- Prime

Sunflower Patch (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon