Part 1: Itim at Puti

241 10 3
                                    

"Kid? Kid! Kid!!! Gising na anak!!! Male-late ka na sa lakad mo!"

Iyan ang ingay na bumungad sa'kin ngayong umaga. Kumakatok na pala si mama sa aking kwarto dahil pasikat na ang araw, ngunit heto't di pa'ko nagigising.

"Opo, opo, babangon na po," tugon ko naman.

"Oh s'ya, maligo ka na ha? Handa na ang agahan."

"Opo."

Sa tagpong iyon ay wala na akong nagawa kundi ang tuluyang imulat ang aking mga mata. Sa mga oras na iyon, ramdam ko pa ang lamig na hamog na dumadampi sa aking balat na nanggagaling sa nakabukas na bintana mula sa aking silid. Maririnig rin ang ingay ng mga tilaok ng mga tandang, pati na rin ang kuliglig na araw-araw ay nagdaraan papunta sa bukid na malapit sa amin.

"Oo, panibagong araw na naman ang lumipas sa buhay ko, pero tulad ng dati ay ganoon pa rin. Ganoon pa rin ang larawang nasisilayan ko, walang pinagbago" - Iyan ang mga salitang nasabi ko sa isip ko habang nakahiga sa kama at nakatitig sa kisame. Madalas kong gawin iyon sa tuwing ako'y magigising. Tulala at walang imik.

Maya-maya'y nabaling ang paningin ko sa orasan. Nabigla na lang ako dahil mag-aala-syete na pala ng umaga. Dahil doon ay dali-dali akong bumangon. Para akong hinahabol sa sobrang pagmamadali. Mabuti na lang pala't ginising na ako ni mama, kung hindi ay male-late na'ko sa pagpapa-enroll.

Unang araw ngayon ng enrollment at ayokong mahuli. Medyo may kalayuan kasi ang lugar namin kaya't kailangan kong magmadali. Ang unibersidad kung saan ako mag-eenroll ngayon ang nag-iisang unibersidad sa probinsya namin. Marami ang mga estudyanteng nag-aaral doon, pero dahil nga probinsya at malayo sa kabihasnan, marami ang mga kakulangan nito sa facilities, pati na rin sa ilang kagamitan. Pero kahit ganoon, ang kagandahan doon ay marami pa rin ang inooffer na course at marami sa mga estudyante doon ang mga pumapasa at nagta-top sa board exam. Sa madaling salita, "quality education."

Ako nga pala si Kid Adlawan, 18, bunso sa dalawang magkapatid. Si Ate Gema, ang panganay namin ay nakapagtapos na. Nagtatrabaho na siya at ngayon ay pinagtutulungan na nila ni mama na pag-aralin ako. Nelly naman ang pangalan ng nanay ko. Isa siyang cook sa isang kainan sa bayan namin. Medyo may edad na si mama pero masipag pa rin siya sa pagtatrabaho. Kailangan niyang kumayod dahil mahirap lang kami, kaya't dapat lang daw na gumalaw-galaw para kumita. Maswerte pa nga kami dahil maayos naman ang tinutuluyan namin. Two-storey, may kwarto ang bawat isa, pero may kalumaan na. Pinamana pa ito ng kinanununuan ng mga magulang ni mama. Mas ok naman na ito kesa naman magpalaboy-laboy kami sa daan. Kaya, nagpapasalamat pa rin ako.

Ang tatay ko naman, si Robert ay pumanaw na. Isang taon pa lang ako noon nong namatay siya, kaya kelan man ay di ko naranasang makatanggap ng pagmamahal ng isang ama. Buong buhay ko ay parang laging may kulang. Pero lagi namang pinupunan iyon ni mama at ate, pero iba pa rin naman siguro 'pag may ama ka diba?

Siya nga pala, matapos kong maiayos ang pinaghigaan ay ganun pa rin, dating gawi. Nagpapatugtog ako ng mga kanta ng paborito kong banda na "TheBenjamins". Gustong-gusto ko talaga ang bandang iyon. Ang gaganda kasi ng mga kanta nila. Ang tunog, ang liriko, lahat.

Matapos iyon ay dumiretso na ako para maligo. At sa oras na iyon, gamit ang phone ko ay ang kanta nila na "Talaarawan" ang pinatugtog ko.

Para sa akin, iba talaga ang epekto kapag nakikinig ako ng mga kanta. Napakahalaga ng nagagawa ng musika sa akin, lalo na sa tulad ko na may diperensya sa paningin. Tanging ito na lang ang nakakapagpasaya at nagiging libangan ko. Oo, may sakit ako sa mata, ang tawag nila sa kaso ko ay CVD o Color Vision Defiency, mas kilala sa tawag na Color Blindness.

Kung di ka pa familiar doon, rare na maituturing ang kondisyon kong ito. Ang mga taong tulad ko ay di normal ang paningin dahil may mga kulay sa kapaligiran na di namin nakikita nang malinaw. Mapusyaw kung baga, o kaya'y di talaga nakikita. Dulot ito ng mga retinal cones sa mga mata na responsable sa pag-identify ng kulay sa kapaligiran, pero di ito gumagana o kaya'y may total abscence nito. May kaso na may ilan o piling kulay lamang ang hindi nakikita, pero sa kaso ko ay wala talaga akong kulay na nakikita o yung tinatawag na "total colorblindness". As in "black and white," lang talaga ang nakikita ko, para akong nanonood ng lumang pelikula.

Sunflower Patch (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon