Ingatan mo ang pamilya ko, Panginoon

542 16 0
                                    

      "Ingatan mo ang pamilya ko, Panginoon. Paglilingkuran kita nang buong katapatan," ito ang dasal ko sa Diyos habang nakaluhod sa altar ng aming bahay.


      Nagmula ako sa isang relihiyosong pamilya at matindi ang kagustuhan ng aking ina na magkaroon siya ng isang anak na pari. Bilang panganay at nag-iisang lalaki sa aming tatlong magkakapatid, pumayag na ako sa kagustuhan ng aking mahal na ina.


      "Kuya, bukas na ba talaga ang pagpunta mo sa semenaryo?" tanong ni Helga, ang mas nakababata kong kapatid.


      "Paano na ang pangarap mong maging inhinyero Kuya? Kakalimutan mo na lang ba?" Si Jessa, ang bunso.


      Inakbayan ko silang dalawa. "Huwag kayong mag-alala, ayos lang ako. Ang mahalaga, maging masaya si nanay. Saka uuwi naman ako rito kung may pagkakataon." Sabay akong niyakap ng mga kapatid ko, gumanti ako at pilit na inalis ang kanilang alalahanin.


      "Nasa ibang bansa na nga si Tatay, pati ikaw Kuya aalis na rito. Paano na kami nila Ate at Nanay? Sino ang mag-aalaga sa 'min?" tanong ni bunso.


      "Ito na ang nakatadhana sa atin, Jessa. Matuto na lang tayong tanggapin ito."


      "Mami-miss ka namin Kuya Michael," halos sabay na sabi ng dalawa. Kapwa ko sila hinalikan sa noo at muling niyakap. Ngayon pa lang, sobrang nangungulila na ako sa kanila pero hindi ako magpapatalo sa lungkot. Nagkasundo na kami ng Diyos. Alagaan niya lang ang pamilya ko, paglilingkuran ko siya nang buong katapatan.


      Pinatulog ko na sila at agad naman silang sumunod. Matutulog na rin sana ako nang biglang pumasok si Nanay sa kuwarto ko.


      "Anak, maraming salamat.." Niyakap ako nang mahigpit ni Nanay.


      "Wala po akong hindi gagawin para sa inyo 'Nay." Gumanti ako ng yakap at naramdaman ko ang mainit na luha ng aking Ina na dumaloy na rin sa aking pisngi.


      "Maraming salamat anak. Ipinagmamalaki kita."



* * * *



      Ang mga salitang iyon ang ibinaon ko sa pagpasok sa semenaryo. Iba-iba ang layunin ng mga pumasok. May mga gusto talagang maging pari, may iba na gustong tumulong, at may mga katulad ko na napilitan lamang na pasukin ang ganitong bokasyon.


      Araw-araw ay isang simple at ordinaryong araw para sa akin. Mag-aral, magdasal, kumain, magbasa ng libro at matulog. Paulit-ulit lang. Ilang buwan na kaming nasa loob ng semenaryo at unti-unti rin akong nasanay sa buhay dito sa loob.


      Noong minsan, isinama kami ng aming rector sa isang bahay ampunan. Napakaraming bata, babae man o lalaki. May mga mangilan-ngilan akong nakikita na nag-aasikaso sa kanila.


      Isang luma ngunit malaking bahay ang ampunan, malawak rin ang paligid nito. Naglalaro ang mga bata ng patintero, luksong baka at chinese garter. Hindi ko mapigilang ngumiti. Naalala ko ang aking kabataan.


      Ipinagpatuloy ko ang aking pamamasyal nang makita ko ang isang batang babae na umiiyak. Umupo ako sa tabi niya at kinausap siya.


      "Bakit ka umiiyak?" tanong ko.


      "Kasi po, nasira ang manyika ko.." Kinuha ko ang aking panyo at pinunasan ang mukha ng bata.


One shot stories compilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon