"Hindi pa ba siya gigising? Sino siya? Lalaking bersyon ni Sleeping beauty?" reklamo ng isang matinis na boses.
Sino iyon? Dahil ayoko nang ma-suspense, iminulat ko ang aking mga mata. Puting pader, kung ano-anong makina na umiilaw; iyon ang bumungad sa akin.
"Mabuti naman at gising ka na," muling may nagsalita.
Tumingin ako sa pinanggalingan ng tinig. Isang babae na nasa limang talampakan, nakasuot ng puting coat kagaya nang isinusuot ng mga doktor at naka-krus ang mga kamay sa tapat ng kanyang dibdib. Noon ko napansin na para sa isang bata, malaki ang kanyang...
"Bastos!" Sinampal niya ko nang malakas. Halos mabingi ako. Daig ko pa ang sinipa ng kabayo.
"Bakit mo ko sinampal? Masama bang tumingin?"
"Oo. Masama! Mukha kang rapist!"
"Grabe siya, o... Sobrang judgemental."
Umirap lang ang babae at tinalikuran ako. Ako nama'y pinagmasdan lang siya. "Ineng, puwede ko bang malaman kung nasaan ako?"
Humarap siya sa akin at binato ako ng puting tela sa mukha. "Magbihis ka nga muna!"
Magbihis? Bakit -- Halos yapusin ko ang aking sarili nang mapansin na wala akong kahit na anong saplot sa katawan. Kaya pala medyo malamig, wala akong suot.
"Sino ka ba talaga? Bakit ako nandito? Bakit ako nakahubad?" Nanlaki ang mga mata ko dahil sa aking napagtanto. "Umamin ka, balak mo kong gahasain 'no?"
"Sira ulo!" Lumipad ang isang liyabe papunta sa akin at tumama sa ulo ko.
"Aray ko naman!"
Humarap siya sa akin. Naisuot ko na ang tela. Mukha akong pasyente sa mental hospital. Ano bang mayro'n?
"Ako si Doctor Sofia Blake. Ako ang nakakita sa iyo mula sa freezer."
"Freezer? Mukha ba kong isda? Ano ang ginagawa ko roon? Saka doktor ka? Sa liit mong iyan?" tanong ko.
"Sira ulo!" Sinapok ako ni Sofia. "Sa panahon ngayon, limang talampakan na lang ang pinakamatatangkad na tao. Normal lang ang taas ko!"
"Ows? Ano bang taon ngayon? 2017?"
"February 3, 2116 na!" sigaw niya.
"Weh? 'Di nga?"
Sasapukin niya sana ako ulit pero nagtatakbo ako. Kusang bumukas ang pinto at nagulat ako sa aking nakita. Ang mga tao ay hindi na naglalakad, gumagamit sila ng sapatos na may pakpak upang lumipad. 'Yong iba, may asawang alien; hindi kamukha ni Matteo Do ang mga ito. Ano ang itsura nila? 'Wag niyo nang alamin! May mga robot na mukhang tao, nakasuot ang mga ito ng maid uniform at tinatawag na 'Onii-chan o Nee-chan' ang kanyang mga pinagsisilbihan. Ang mga aso at pusa, may voice translator, nakikipag-usap sila sa mga tao.
"Ay, lintik! Ano na bang nangyayari sa mundo?" palatak ko.
Maglalakad sana ako paabante nang biglang may humila sa akin pabalik sa kuwarto. Si Sofia, kinakaladkad ako. Huminto siya sa gitna ng kuwarto.
"Kailan pa tayo sinakop ng aliens?" tanong ko.
"Hindi nila tayo sinakop. Nakikipag-trade sila sa atin," sagot niya. "Tumahimik ka nga muna. Ipapaliwanag ko sa iyo ang lahat." Pinitik niya ang kanyang kamay. Biglang may bumaba na isang malaking flat screen mula sa kisame. Akalain niyo iyon? "Noong February 3, 2016, nasira nang tuluyan ang ozone layer. Ang mundo ay huminto sa pag-ikot. Ang kaliwang panig ay naging literal na impyerno at ice age naman sa kanan." Lumalabas ang video ng sinasabi niya sa screen.
"T-teka... Nag-end of the world nang hindi ko alam? Bakit ganoon? Kung alam ko iyon, sana ay nahalikan ko muna sa lips si Angel Locsin," sambit ko na puno nang panghihinayang.
"Asa ka naman na mangyayari iyon. Tahimik! Isang siyentipiko ang naka-imbento ng temporary ozone layer kaya naman may mga taong nakaligtas."
Kinamot ko ang aking batok. "Sige nga, kung isandaang taon na ang nakalipas, sino na ang presidente ngayon?"
"Si Alfonse Louise Viceral."
"Kaano-ano ni Vice Ganda iyon?"
"Apo niya sa tuhod."
"Kalokohan! Bakla iyon. Paano siya magkakaroon ng anak?"
"Syempre, test tube baby. Marami siyang pera para roon. Ano pang itatanong mo?" mukhang nauubusan na ng pasensiya si Sofia.
"Saan kayo kumukuha ng enerhiya para sa kuryente?"
"Methane energy. Sa sobrang dami ng basura sa mundo, puwede nating pahiramin ang Mars."
"Sige na, kayo na ang high-tech. Hindi ba uso ang pagkain dito? Gutom na ko," reklamo ko.
Lumabas ang isang buong inihaw na manok sa screen. Kumuha ng malaking cotton buds si Sofia at ipinasok iyon sa flat screen. What the heck! Episode ba ito ng Doraemon? Mula sa screen, lumabas ang pagkain. Marami pa siyang kinuha. Seafood pasta, tiramizu, buko salad, crispy pata at marami pang iba. Ayos!
"Parang napanood ko ito sa Doraemon.."
"Ang creator ng Doraemon ang itinanghal na henyo sa inyong panahon. Inimbento si Doraemon sa aming panahon. Lahat ng gadgets na mayro'n si Doraemon, mayro'n na kami ngayon."
"E, 'di wow. Kayo na." Nilantakan ko ang mga pagkain na nakahain. Sarap!
Biglang bumukas ang pinto at pumasok ang isang magandang dalaga na may kasamang mga lalaking mukhang goons. Mahaba ang kanyang buhok, nakasuot ng kulay rosas na bestida at may tiara sa ulo. Hindi ako maaaring magkamali... Siya si Akari, ang high school crush ko.
"Doc --" Mabilis akong lumapit kay Akari at hinawakan ang kanyang mga kamay.
"Akari, ako ito, si Junjun, ang lalaking ka-forever mo."
"Hoy! Hampaslupang nilalang! Huwag mo ngang hawakan si Princess Shasha." Umepal ang isa sa mga goons. Isang bigwas lang nito, tumilapon na ko.
"Alam kong hindi mo na ko maalala o maaaring hindi mo ko kilala pero mahal kita. Hindi ko lang masabi dahil torpe ako. Pero ngayon, kakapalan ko na ang mukha ko..."
Nagtatakbo ako papalapit sa prinsesa. Hinawakan ko ang magkabila niyang mga balikat. Ramdam ko ang kanyang kaba, kitang-kita ang pamumula ng kanyang mga pisngi. Wala akong sinayang na sandali. Itinulis ko ang aking nguso at akmang hahalikan ang prinsesa nang biglang may pumalo sa ulo ko. Unti-unti akong nawalan ng malay...
"Akari!" sigaw ko nang bumalik ang aking ulirat.
Isang malakas na hampas sa ulo ang tinanggap ko. "Hoy! Junjun Bartolome, sinong may sabi sa iyo na matulog sa klase ko? Kinakain mo pa ang papel ng notebook mo. Wala ka na bang makain? May pasigaw-sigaw ka pang nalalaman!" Si Miss Tapia, ang math teacher namin. Hinawakan niya ang tenga ko at piningot na parang wala nang bukas.
"Sorry po, Ma'am!"
![](https://img.wattpad.com/cover/22356023-288-k779042.jpg)
BINABASA MO ANG
One shot stories compilation
RandomStories available here: -Hoping for a happy ending -A virgin's oath -My virgin girlfriend -Ingatan mo ang pamilya ko, Panginoon -Ang forever ng lolo at lola ko -Torpe problems -Pakipot problems -Ang Dalaga na naging Ina -Ayoko na maging bitter! all...