Matamis ang ngiti ni Timmy, hindi mo iisiping isa siyang binatilyo na may sakit sa pag-iisip. Sa edad na dise-sais, dapat na nag-aaral siya sa eskuwelahan, nakikipaglaro sa mga kaibigan at sinisimulan nang manligaw sa mga babaeng kaedad niya. Pero hindi, siya ngayon ay mag-isang naglalaro sa kanyang kuwarto, hawak-hawak ang isang maliit na kotse na kunwari'y pinapaandar niya habang ginagaya ang tunog ng isang ambulansiya.
"Timmy, anak, kakain na tayo ng hapunan," anunsiyo ni Victoria, ang mommy ni Timmy. Mahaba at may bahagyang kulot sa dulo ang kanyang buhok, maputla ang balat, halata ang pagod sa kanyang magandang mukha. Mag-isa niyang binubuhay at pinapalaki ang kanyang anak.
Tumayo si Timmy at kaagad na yumakap sa ina. "Opo Mommy. Mahal kita." Mapagmahal, maalaga, hindi nagsisinungaling at matanong ang bata; mga sintomas ng sakit niya. Hindi normal sa isang tao ang basta na lang yumakap at makipagkaibigan sa kahit sino, lalo na sa mga estranghero.
Niyakap ni Victoria ang anak saka ito marahang hinila papunta sa maliit na hapag-kainan. Nakatira ang mag-ina sa maliit at lumang bahay na pinaghirapang ipatayo ng mag-asawang Victoria at Wilson. Ngunit dahil sa tumor na namuo sa utak ni Wilson, naging maaga ang pagkawala nito sa piling ng mag-ina.
"Kamusta na ang araw mo? Naging mabait ka ba kay Manang Agatha?"
"Opo Mommy. Ipinagluto niya ako ng lugaw kanina. Sarap po!" masiglang kuwento ni Timmy.
Si Agatha ay ang matandang babae nilang kapitbahay na nag-aalaga kay Timmy. Malayo ang tirahan ng anak at mga apo nito kaya naman ang mag-inang Victoria at Timmy ang itinuring na kapamilya nito. Nagtatrabaho si Victoria bilang sastre. Wala itong oras na bantayan ang anak sa umaga at wala silang sapat na pera upang kumuha ng katulong.
"Mabuti naman kung ganoon," masuyong hinaplos ni Victoria ang pisngi ng anak, gumanti ng matamis na ngiti si Timmy.
"Mommy hindi na po ako makapaghintay. Pupunta kami ni Bubbles mamaya sa Ilog ng tsokolate. Gagawa raw po siya ng bangka na gawa sa mga kendi. Gusto niyo po bang sumama?"
"Talaga? Naku, sayang. Gusto ko sanang sumama sa inyo pero pagod na si Mommy, sa susunod na lang."
Ngumiti at maganang inubos ni Timmy ang pagkain sa kanyang harapan. Masaya na ito sa simpleng pagsakay ng ina sa kanyang mga sinasabi. Marami kasi siyang kuwento tungkol kay Bubbles, ang kaibigan niyang diwata at ang kanilang mga paglalakbay sa mundo ng mga kendi.
"Maglaro ka muna sa salas Timmy. Huhugasan ko ang mga plato bago kita samahan na maghanda sa pagtulog."
"Opo Mommy!" Itinaas ni Timmy ang kanyang mga kamay at umaktong bayani na lumilipad sa himpapawid.
* * * *
"Matulog ka na anak. Mahal na mahal kita." Hinalikan ni Victoria ang noo ni Timmy.
"Opo Mommy. Mahal namahal din po kita..." Pumikit na si Timmy. Napagod siya sa maghapong paglalaro. Ngumiti si Victoria at dahan-dahang isinara ang pintuan ng kuwarto ng anak.
Makalipas ang kalahating oras, biglang may kumislap sa tabi ng kama ni Timmy. Isang maliit na babae, kulay ginto ang mahabang buhok at may mga pakpak na naglalabas ng maliliit na asul na ilaw sa bawat pagaspas nito.
"Timmy... Timmy..." bulong ng diwata.
Bahagyang iminulat ni Timmy ang kanyang mga mata. Nakita niya ang kanyang maliit na kaibigan. "Bubbles! Kanina ka pa ba riyan?"
BINABASA MO ANG
One shot stories compilation
SonstigesStories available here: -Hoping for a happy ending -A virgin's oath -My virgin girlfriend -Ingatan mo ang pamilya ko, Panginoon -Ang forever ng lolo at lola ko -Torpe problems -Pakipot problems -Ang Dalaga na naging Ina -Ayoko na maging bitter! all...