Hindi ko maintindihan. Gwapo ako, may abs at kaya kong ilibre sa Chowking ang magiging girlfriend ko pero bakit single ako ngayong Pasko? 'Yong mga panget kong kabarkada, may kasama. Ako nama'y nganga. Nasaan ang hustisya kapag kailangan ko siya?
Nangalumbaba na lamang ako at tumingin sa paligid. Bisperas ng Pasko, walang tao sa baywalk. Para akong ligaw na kaluluwa na nakatanghod sa wala. Malamig ang simoy ng hangin, niyakap ko ang aking sarili. Itinaas ko ang mga paa ko nang makaramdam ng ngalay. Kanina pa kasi ako nakaupo sa malamig na bench.
"Ayoko munang umuwi. Nakakainis si Mommy. Hindi ako binilhan ng bagong cellphone. Hindi na nga siya umuwi galing America, puro tsokolate lang ang ipinadala. Hindi naman ako mahilig sa ganoon."
Muli kong iginala ang mga mata ko. Bukod sa ilaw ng mga poste sa gilid ng daan, halaman na malapit nang mamatay, mga basurang nanggaling sa iba't ibang tao; wala nang ibang makikita rito. Humugot ako ng malalim na buntong hininga. Nakakabagot naman dito.
Nagkakamot ako ng kilikili ko nang may marinig akong kakaibang tunog, tila may nilalang na bumubuntong hininga. Bigla akong kinabahan, baka may kasama akong hindi ko nakikita. Tumayo ako at muling iginala ang mga mata. Walang tao.
Dahil sa kutob, unti-unti akong lumingon sa likod. Wala pa ring tao. Ibinaba ko ang aking tingin. Nakita ko ang isang basahan, maaaring damit ito. Bahagya akong sumilip. Nakahiga sa ilalim ng bench ang isang babae. May sanggol siyang akay-akay sa kanyang braso. Natutulog ang mga ito.
"Ano ang ginagawa nila rito? Wala ba silang bahay?"
Napaka-inutil na tanong. Gusgusin ang itsura at damit nila, natutulog sila sa ilalim ng bench, malamang mga pulubi sila. Napakamot na lang ako ng ulo at naglakad upang lumipat sa kabilang bench. Muli akong umupo. Tutal wala naman akong kasama sa bahay bukod sa dalawang katulong, dito na lamang ako.
Hindi pa man ako nag-iinit sa kinauupuan ko, may isang babae ang lumapit sa mag-ina na nakita ko. Puno ng grasa ang damit ng babae, may plastik sa kanyang mga paa at kamay na tila isang aksesorya, gulo-gulo ang mahaba niyang buhok; siya si Ana, ang babaeng kilala sa buong baranggay bilang isang baliw at pulubi.
"Maligayang Pasko, ale." Kinalabit ni Ana ang natutulog na babae at ibinigay ang isang baso na gawa sa plastik.
Unti-unting nagising ang ginang. Si Ana nama'y tinulungan ang babae na umupo. Bahagya pa niyang hinawakan ang pisngi ng sanggol na kasama ng babae.
"B-bumili ako ng noodles sa tindahan. Sa'yo ito ate," sabi pa ni Ana.
"Salamat, Ineng. Maligayang pasko rin sa 'yo. Ayos lang ba talaga sa 'yo na ibigay sa 'min ang pagkain mo?"
"A-ayos lang po. Kumita ako ng kinse pesos kanina sa pamamasura. Bumili ako ng noodles. Busog na ko. Nakita ko kayo na natutulog, baka hindi pa kayo kumakain. Kawawa naman ang baby kapag wala siyang gatas." Sumilay ang isang simple ngunit mapagmahal na ngiti sa mukha ni Ana. Bahagya pa niyang inikot ang dulo ng kanyang buhok gamit ang daliri niya.
"Salamat, ha. Salamat talaga. Hindi ko ito makakalimutan."
"W-wala po iyon. Tayo-tayo lang din naman ang nakatira rito sa lansangan. Dapat na magtulungan tayo."
"Salamat. Ano ba ang pangalan mo, ineng?"
"Ana po."
"Ako naman si Lisa. Siya naman ang anak ko, si Emily. Halika, umupo ka muna. Magkuwentuhan muna tayo."
Magiliw na sumunod si Ana sa sinabi ng ginang. Umupo sila sa madumi at malamig na sahig. Nagkuwentuhan na parang matagal nang magkakilala. Ang saya-saya nila, tila balewala ang kahirapan na kinasasadlakan nila.
Naramdaman ko na may kumagat sa aking pisngi. Mabilis kong sinampal ang pisngi ko. Nakita ko ang lamok at bahagyang bahid ng dugo sa aking palad. Masakit iyon. Masakit ang sampal ng katotohanan sa mukha ko. Kahit maraming materyal na bagay ang wala sa kanila, masaya sila ngayon. Hindi katulad ko. Malungkot, nag-iisa, walang kasama habang nilalamok dito sa bangko.
Pinagmasdan ko ang dalawang nag-uusap. Nakuntento ako sa pakikikinig sa mga kuwento ng buhay nila. Si Ana pala ay nanggaling sa probinsya. Napadpad lamang siya sa Maynila dahil may nakilala siyang recruiter. Ang sabi sa kanya, gagawin daw siyang waitress dito sa Maynila. Pero iyon pala, gagawin lang siyang kalapating mababa ang lipad. Tiniis niya raw iyon. Araw-araw siyang pinagpaparausan ng kung sino-sinong mga lalaki. Mga taong hindi niya kilala, hindi niya na rin maalala ang mukha ng mga ito dahil sa sobrang dami.
"Bakit hindi ka umalis sa pinagtatrabahuhan mo?" tanong ni Lisa.
"Ginawa ko ho iyon. No'ng una, takot na takot ako. Wala naman kasi akong kilala rito sa Maynila. Nagpagala-gala po ako hanggang sa maging ganito ako. Tinawag nila akong baliw. Pero ayos lang, wala na akong pakialam sa sasabihin ng iba. Naranasan ko na ang lahat. Matatag na ko." Hinawakan ni Lisa ang braso ni Ana at marahang pinisil, pilit na ipinapakita ang simpatya sa kausap. "Kayo po ba, ano ang kuwento ng buhay niyo?"
Mapait na ngumiti si Lisa. "Kagaya mo, nanggaling din kami ng anak ko sa probinsiya. Kasama kami sa mga nakaligtas sa malakas na bagyo noon. Namatay ang asawa at dalawa kong mga anak. Kami na lamang ni Emily ang nakaligtas." Nagsimulang dumaloy ang masaganang luha sa pisngi ng ginang. "Pumunta kami rito sa Maynila dahil may ipinangako sa aking trabaho ang isang malayong kamag-anak. Naging serbedora ako sa isang maliit na karinderya. Halos ihi at kain lang ang pahinga ko sa trabaho. Hindi nila ako pinapasuweldo, wala ring araw ng pahinga. Minsan, isa o dalawang beses lang akong pinapakain sa isang araw. Kapag mainit ang ulo ng tiyahin ko, binubugbog niya ko."
Hindi na napigilan ni Lisa ang pag-atungal ng malakas. Yumakap naman si Ana sa kanya. Pilit siyang pinapakalma nito. Nagyakapan ang dalawang biktima ng malupit na mundo, ramdam ang sakit na dulot ng nakaraan.
Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi. Kinusot ko ang aking mga mata na hindi tumitigil sa pagluha, pinahiran ko iyon gamit ang aking damit. Noon ko napansin na nakatingin sa'kin si Ana kaya naman nagmadali akong tumayo at naglakad papalayo.
"Sira ulo ka talaga Erik. Nagrereklamo ka dahil sa pagiging single at walang bagong cellphone. Hindi mo man lang naisip na maraming tao ang mas mabigat ang problema kaysa sa'yo," bulong ko habang naglalakad pauwi sa bahay.
BINABASA MO ANG
One shot stories compilation
RandomStories available here: -Hoping for a happy ending -A virgin's oath -My virgin girlfriend -Ingatan mo ang pamilya ko, Panginoon -Ang forever ng lolo at lola ko -Torpe problems -Pakipot problems -Ang Dalaga na naging Ina -Ayoko na maging bitter! all...