Madilim na ang paligid. Tulog na ang mga tao ngunit pauwi pa lang si Zack. Pumasok siya sa bahay na may mataas na tarangkahan. Disenyo pa lamang ng hardin, swimming pool at grandiyosong mansyon ay naghuhumiyaw na ang yaman ng nagmamay-ari nito. Gamit ang sariling susi, binuksan niya ang pinto sa likod at tahimik na pumasok sa loob.
"Bakit ngayon ka lang? Saan ka nanggaling?" Umalingawngaw ang baritonong tinig sa buong kusina. Hindi na kailangan pang lumingon ni Zack. Alam niyang ang Daddy niya ang nagsalita.
"Diyan lang."
Aakyat na sana sa hagdan si Zack nang biglang sugurin siya ng suntok ng sariling ama. Kaagad siyang nabuwal at napasandig sa pader. Sakto naman na lumabas ang Mommy niya, kaagad nitong inawat ang kanyang Daddy.
"Humarap ka sa akin kapag kinakausap kita! Napakabastos mo! Wala kang galang! Bakit? May ipinagmamalaki ka na ba sa akin?" Nanggagalaiti ang mga ugat sa sentido ng Daddy ni Zack habang siya ay dinuduro. "Kung ayaw mong pagsabihan ka, kung ayaw mong pinapangaralan ka, lumayas ka rito!"
"Baron, ano ka ba... 'Wag mo namang gawin ito sa anak natin," pakiusap ni Agatha sa asawa pero tila wala itong narinig. Nagtuloy-tuloy ang lalaki paakyat sa hagdan.
Nagpupuyos naman sa galit si Zack pero katulad ng dati, hindi siya nagsalita. Nanatili siyang tahimik. Muli niyang isinukbit ang kanyang bag at sumunod sa utos ng ama. Pilit siyang pinigilan ng kanyang Mommy pero nanaig ang tigas ng kanyang ulo. Lalayas na siya.
"Letse! Ako na lang lagi ang mali!"
Sinipa ni Zack ang lata ng softdrinks na nakakalat sa daan at kumuha ng sigarilyo. Hinithit niya nang hinithit ito na para bang ito na ang huling piraso na matitikman niya. Naglakad na lang siya sa daan na binagtas niya kanina. Babalik siya sa abandonadong bahay na tinatambayan nilang magkakaibigan. Liliko na sana ang binata sa kanto nang mapansin ang isang babae na hinarang ng tatlong lalaki. Sa kilos ng mga ito, mukhang binabastos nila ang dalaga.
"Shit! Zack, 'wag kang mangialam," bulong niya sa sarili ngunit huli na. Kusang gumalaw ang kanyang mga binti papalapit sa mga lalaki. Humarang siya at pilit na itinago ang babae sa kanyang likuran.
"Sandali lang mga pare, 'wag naman sana kayong mambastos ng babae."
"Sino ka ba? Bakit ka nangingialam? Boyfriend ka ba ng babaeng iyan?" asik ng lalaking amoy suka ang hininga.
"Hindi naman sa ganoon. Hindi lang talaga tamang --" Hindi na naituloy ni Zack ang sasabihin dahil sinikmuraan siya ng lalaki. Kaagad na napangiwi ang binata dahil sa sakit. "Miss, tumakbo ka na!" sigaw niya.
Nang makaalis ang babae, umayos na si Zack at tumayo nang tuwid. Dahil sanay sa basag ulo, nagawa niyang ilagan ang mga suntok nga mga lalaking lasing at nakakaganti siya ng sipa sa mga ito.
"Iyon lang ba ang kaya niyo?" pagmamalaki niya.
Ngumisi ang isa sa mga lalaki. Iyon pala ay naglabas ng patalim ang kasama nito. Bago pa man makahalata si Zack, inundayan siya ng saksak sa tagiliran ng isa sa mga ito. Kaagad na bumulwak ang dugo. Ang puti niyang uniporme ay nagsimula nang maging pula. Nawawalan na ng ulirat si Zack nang marinig ang tunog ng sirena ng mga pulis. At doon, natumba siya at napahiga sa malamig na kalsada.
* * * *
Puting kuwarto na may mga aparato. Doon bumagsak si Zack. Dahil sa mga gamot na ibinigay ng doktor, nananatili siyang tulog. Malalim ang sugat sa tiyan niya kaya kinailangan tahiin.
"Kahit kailan, problema talaga ang anak mo!" sigaw ni Baron habang nasa loob ng silid ni Zack sa ospital.
"Huwag ka namang maingay. Baka magising ang anak mo, mahina pa siya," sumamo ni Agatha sa asawa.
"Ano naman ang pakialam ko? Dapat lang sa kanya iyan. Siguro, nasaksak siya dahil sa mga katarantaduhang ginagawa niya!"
Sasagot pa sana si Agatha nang biglang may kumatok. Tumigil sa pagsigaw si Baron at hinayaang buksan ng asawa ang pinto. Bumungad sa kanila ang isang babae na mukhang ka-edad ng kanilang anak. May hawak itong mga bulaklak at kimi kung ngumiti.
"Sino ka?" tanong ni Baron.
"A-ako po si Fatima. Kaklase po ako ng anak niyo saka... Ako po ang dahilan kung bakit siya nagkaganyan."
"Ano ang ibig mong sabihin?" bakas ang pag-aalala kay Agatha.
"Kagabi po, ginabi ako ng uwi dahil gumawa kami ng group project sa bahay ng isa naming kaklase. Wala akong kasama sa paglalakad hanggang sa may nakasalubong ako na tatlong lalaki. Inaaya nila akong pumunta sa madilim na lugar..." Kinagat ni Fatima ang pang-ibabang labi. Muli siyang nakaramdam ng takot dahil sa naranasan kagabi. "Bigla pong dumating ang anak niyo. Hinarap niya ang mga lalaki. Sinabi niyang tumakbo na ako kaya naman nakaligtas ako. Hindi ko alam na siya pala ang mapagbabalingan ng mga iyon..." Nagtinginan ang mag-asawa. Kapwa walang masabi. "Masuwerte po kayo kay Zack. Nag-aaral siya nang mabuti at cartoonist siya sa aming school newspaper," dagdag ni Fatima.
"Hindi ka ba nababahala sa mga tattoo niya sa katawan at --"
"Hindi po, Mr.Dandridge. Naniniwala po akong hindi sukatan ng pagkatao ang panlabas na anyo o ang pagkakaroon ng bisyo. Hindi dahil umiinom siya o naninigarilyo, patapon na siya. Hindi rin dahil may tattoo siya sa katawan, adik na siya." Naumid ang dila ni Baron at hindi nakaimik kaya nagpatuloy ang dalaga. "Alam kong mabuting tao ang anak niyo. Nakita ko iyon. Hindi ako naniniwala sa mga sabi-sabi. Hindi naman kasi gawain ng matatalinong tao ang humusga ng iba base sa naririnig nilang tsismis." Namutla ang padre de pamilya sa sampal ng katotohanan na ipinaabot ng dalagang wala pa sa kalahati ng kanyang edad.
"Bakit wala siyang sinasabi sa amin?" bulong ni Baron.
"Dahil mas masakit at nakakatakot ang katotohanan na kahit ipagtanggol ko ang sarili ko, hindi kayo maniniwala." Pumiyok si Zack nang magsalita. Naglandas ang mga luha sa kanyang pisngi.
Lumapit si Baron sa anak at yumakap. Walang palitan ng mga salita. Hinayaang umagos ang mga luha at pinatawad ang isa't isa.
BINABASA MO ANG
One shot stories compilation
De TodoStories available here: -Hoping for a happy ending -A virgin's oath -My virgin girlfriend -Ingatan mo ang pamilya ko, Panginoon -Ang forever ng lolo at lola ko -Torpe problems -Pakipot problems -Ang Dalaga na naging Ina -Ayoko na maging bitter! all...