Bakit hindi mo ako hinintay?

57 2 0
                                    

      "Anak, inumin mo na ang gamot mo." Iniabot ni Aling Doria ang isang tableta at isang baso ng tubig sa anak na si Eliza. May tumor sa utak ang kanyang anak. At kung hindi ito maooperahan kaagad, malaki ang posibilidad na maagang mawawala ito sa kanyang piling.



      Muling tinignan ni Aling Doria ang puting papel na binabasa niya kanina pa. Malaki na ang babayaran nila sa ospital, bukod pa roon ang isang milyon na gagastusin sa operasyon ng anak. Lumapit na siya sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na nagbibigay ng pera at tulong sa mga kagaya niyang mahirap ngunit hindi pa rin ito sapat.



      "Huwag po kayong mag-alala, 'Nay. May awa ang Diyos. Makakaahon din po tayo." Hinawakan ni Eliza ang kamay ng ina, pilit na pinapalakas ang loob nito. Pilit namang pinigilan ng ginang ang pagpatak ng mga luha.



      "Oo, anak. Alam ko... Makakaya natin ito."


      Inilagay ni Aling Doria ang kamay ng anak sa kanyang pisngi. Tahimik na nagdarasal na sana ay magkaroon ng himala. Biglang bumukas ang pintuan. Pumasok ang nakababatang kapatid ni Aling Doria na si Fe, isa itong kasambahay na nagtatrabaho sa ibang bansa.


      Kaagad na niyakap ni Aling Doria ang kapatid. Malaki ang naitulong nito sa kanilang mag-ina. Ang ipinapadala nito ang ipinambibili nila ng gamot ni Eliza at pambayad sa ospital.



      "Ate, sa tingin ko, ito na ang tamang panahon para magdesisyon ka. Para sa anak mo, kay Eliza, ito na lang ang tanging paraan."


* * * *


      Matapos ang dalawang buwan, naayos na ang mga papeles ni Aling Doria. Sasama siya sa kanyang kapatid sa Amerika. Malaki ang sahod doon. Mag-iipon siya hanggang sa makumpleto ang kinakailangang halaga para sa operasyon ng anak.



      "Anak, pasensiya ka na, ha. Wala na kong ibang maisip na ibang paraan para mailigtas ka. Nagawa ko na ang lahat." Naglandas ang mga luha ni Aling Doria. Hinawakan naman ni Eliza ang pisngi ng ina, sinisikap na punasan ang mga luha nito.


      "Inay, huwag po kayong mag-alala. Malaki na ako. Kaya ko ang sarili ko." Ngumiti si Eliza. Matapang ang batang babae. Kung hindi lamang maraming aparato ang nakakabit sa kanyang katawan, iisipin mong isa siyang malakas na dalagita.



      "Sigurado ka bang kaya mo?"



      Kinagat ni Eliza ang pang-ibaba niyang labi, sinusubukang pigilan ang kanyang mga luha ngunit nalaglag pa rin ang mga ito. Ang kanyang ina na lang ang mayroon siya. At ngayong aalis ito sa kanyang tabi, para bang mawawala pa ang nag-iisang bagay na mayroon siya.



      "Naiintindihan ko naman kung bakit niyo kailangan gawin ito, 'Nay. Kung tutuusin, kasalanan ko naman ito. Mahina kasi ang katawan ko. May malalang sakit. Siguro mas mabuti pa kung mamatay na lang ako para wala na kayong problema pa."

One shot stories compilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon