Naisip mo na ba kung gaano ka kasuwerte? Buo at masaya ang pamilya, nakakapag-aral sa magandang eskuwelahan, nakakapagsuot ng maayos na mga damit, nakakakain ng masasarap na pagkain. Alam mo bang hindi lahat ng tao ay nararanasan iyan? Katulad na lamang ni Maria, bata pa lamang ngunit bakas na sa kanyang maamong mukha ang lupit ng mundong ginagalawan.
Si Maria ay isinilang na isang bulag. Ang sabi ng mga doktor, nagkaganoon daw siya dahil palaging umiinom ng alak ang kanyang ina noong ipinagbubuntis siya. Ang kanyang ama ay sumama sa ibang babae, sa babaeng mas bata at maganda sa kanyang ina ngunit may kaparehong trabaho; nagbibigay ng aliw sa mga parokyanong uhaw sa tawag ng laman.
Sa loob ng labing isang taon ni Maria sa mundong ibabaw, wala siyang kinalakhan kung 'di mura mula sa kanyang ina. Dahil sa kapansanan, hindi siya nakapag-aral; kahit sarili niyang pangalan ay hindi niya kayang isulat. Palaging ipinamumukha ng kanyang ina na siya ay malas, walang silbi at inutil; ngunit hindi siya nagtatanim ng galit, bagkus ay ngumingiti na para bang hindi inaalintana ang masasakit na mga salita. Habang kinukurot at pinapalo ng ina sa tuwing natatalo sa tong its, wala siyang isinasagot kung 'di, "Tama na po 'Nay. Huwag kayong mag-alala. Manlilimos ako bukas para magkaroon ulit tayo ng pera."
Walang maaasahan sa kanyang pamilya. Ang kanyang kuya, si Jose, sa edad na dise-sais ay kilalang isnatser sa kanilang lugar. Ang perang kinikita nito sa pandurukot ay ipinambibili lamang ng rugby. Pagkatapos makalanghap ng itinuring nitong langit sa sariling paraiso, makikita na itong tulala sa isang tabi, walang pakialam sa agos ng mundo.
Sa kabilang banda, ang nananatiling may mabuting puso para kay Maria ay ang kanyang ate, si Sarah. Ito ang tumutulong sa bunsong kapatid sa mga gawaing bahay. Ngunit, kahit dito ay hindi naging mabait ang kapalaran. Sa edad na labing apat, inilalako ito ng ina sa mga dati nitong suki. Dahil maganda ang anak, maputi, sariwa at nagkakaroon na ng hubog ang katawan; madali na itong pinagkakakitaan ng ina.
Tuwing umaga, bago mag alas-otso, inihahatid si Maria ng kanyang ate sa plaza ng kanilang baranggay. Araw-araw na namamalimos ang bata, umulan man o umaraw. Ang katuwiran ng kanilang ina ay ito na lamang ang pakinabang nila sa bunsong anak. Kahit bente cuatro na ng Disyembre, bisperas ng Pasko, inutusan pa rin ang anak na mamalimos.
"Ayos ka lang ba rito? Sigurado ka bang ayaw mong samahan kita?" tanong ni Sarah sa kapatid.
Nakaupo si Maria sa maruming kalsada. May lata sa harapan. Nakasulat ang 'Namamasko po!' sa maliit na karton na ang ate niya mismo ang nagsulat.
"Ayos lang ako rito, Ate. Umuwi ka na para magpahinga. Alam kong pagod ka sa trabaho." Gumuhit ang inosenteng ngiti sa mga labi ni Maria. Wala siyang alam sa trabahong kinasadlakan ng kanyang ate. Ang alam niya'y serbidora ito sa isang kainan na bukas tuwing gabi.
"Sige. Nandito ang tubig at biskuwit mo. Mag-ingat ka, ha."
"Opo, ate."
Niyakap pa ni Sarah ang kapatid. Ayaw niyang gawin ito ng nakababatang kapatid pero wala siyang magagawa. ''Hintayin mo ko rito mamaya, ha. Hihintayin kita.'' Tumayo na si Sarah. Iniwan ang maliit na bag kung saan naroon ang tubig at pagkain ng kapatid. Naglakad na ito papunta sa maliit na eskinitang papasok sa kanilang baranggay. Si Maria nama'y nagsimulang kumanta.
"Sa aming bahay, ang aming bati
Merry christmas na maluwalhati..."Nagsimulang tumingin ang mga tao sa kanya. Ang iba ay mga walang pakialam, ang iba nama'y naawa at binigyan siya ng barya. Ganoon ang buhay ni Maria sa araw-araw. Mula alas-otso ng umaga hanggang alas-nueve ng gabi, umuupo siya sa kalsada na puno ng alikabok at nagkalat na plastik habang umaawit. At dahil malapit na ang Pasko, tungkol dito ang kanyang mga kinakanta.
BINABASA MO ANG
One shot stories compilation
De TodoStories available here: -Hoping for a happy ending -A virgin's oath -My virgin girlfriend -Ingatan mo ang pamilya ko, Panginoon -Ang forever ng lolo at lola ko -Torpe problems -Pakipot problems -Ang Dalaga na naging Ina -Ayoko na maging bitter! all...