Isang nilalang na naglalakad sa kawalan, hindi alam kung saan ang patutunguhan... Iyon ang kaagad na mapapansin mo kay Lux. Gulo-gulo ang buhok at latang-lata kung kumilos.
"Kanino kayang anak iyan?" Bulong ng isang babae sa kanyang kasama. Nakasakay ang mga ito sa magarang kotse habang binabagtas ang daan papalabas sa Arcadia Academy; ang eskuwelahan para sa mga dugong bughaw.
"Siya si Lux, ang anak sa labas ng dating Hari na si Maximus Arcadia IV," sagot ni Naria, ang bagong prinsesa ng kaharian ng Arcadia.
Bumakas ang pagkairita at paninibugho sa bagong reyna. Simula nang mamatay ang dating hari, pumalit na sa trono ang kanyang asawa, si Haring Wilfred, ang nakababatang kapatid nang pumanaw. Maraming naging asawa ang dating hari kaya naman maraming dugong bughaw ang halos magpatayan para sa trono. Ngunit sa huli, ang Haring Wilfred ang nagtagumpay.
"Ganoon ba. Hindi ko na siya nakilala dahil sobrang dugyot niya," panlilibak ng reyna.
"Ano pa bang aasahan? Isa na siyang ulila. Wala rin namang umaasang makukuha niya ang susunod na trono dahil ang kanyang ina ay isa lamang anak ng magsasaka na namatay noon dahil sa sakit." Tumawa nang malakas ang mag-ina para sa kasawian ng isang kapamilya.
* * *
Si Lux naman ay walang kibo habang naglalakad pauwi. Magulo ang ayos ng kanyang buhok at damit, nanlalata siya dahil binugbog siya ng mga kaklase niya. Ang sabi ng iba, titulo lang ang kanyang pagiging prinsipe, wala siyang kapangyarihan o karapatang humalili sa trono.
Napakagat-labi si Lux at nagsimulang tumakbo. Tatakas siya sa reyalidad. Pupunta siya sa lugar kung saan puwede siyang maging malaya.
Umakyat siya sa isang lumang kampanilya. Sa ibabaw nito ay makikita ang mga bundok, ang naglalakihang mga gusali sa kapitolyo ng Arcadia, ang langit na kulay kahel at pula dahil sa papalubog na araw. Ito ang paborito niyang lugar sa buong kaharian. Natatanaw niya ang lahat ng bagay.
Napawi ang kanyang ngiti nang mahagip ng kanyang tingin ang puti at malaking palasyo sa pinakatuktok ng bundok. Doon siya nakatira noon. Ngayon nama'y namamalagi siya sa isang simpleng bahay. May iilang katulong ang naghahanda ng pagkain para sa kanya. Ngunit kung ihahambing ang karangyaan ng buhay sa palasyo, walang-wala ito.
"Bakit ako nag-iisa?" tanong ni Lux sa kanyang sarili.
Muli niyang inalala ang nakaraan. Noong mga panahon na palagi silang naglalaro ng kanyang ina. Noo 'y wala sa kanyang isipan ang hirap at sakit. Hindi katulad ngayon. Basura. Patapon. Walang silbi. Iyan ang tingin niya sa kanyang sarili.
Tumayo si Lux at tinignan ang ilalim ng kampanilya. Sa tantya niya ay dalawampung metro ang taas nito. Siya ay ngumiti. Pumikit. Umusal ng tahimik na dasal bago humakbang paabante.
Wala nang nararamdaman si Lux. Matatapos na ang lahat ng kanyang pag-iisa. Matapos ang ilang segundo ay mawawala na siya. Buong puso niyang niyakap ang kanyang katapusan nang bigla siyang huminto at napasabit sa isang sanga ng puno. Limang metro na lang, babagsak na sana siya sa lupa na nauuna ang ulo, hindi pa natuloy.
BINABASA MO ANG
One shot stories compilation
RandomStories available here: -Hoping for a happy ending -A virgin's oath -My virgin girlfriend -Ingatan mo ang pamilya ko, Panginoon -Ang forever ng lolo at lola ko -Torpe problems -Pakipot problems -Ang Dalaga na naging Ina -Ayoko na maging bitter! all...