A Game of Christmas

24 2 0
                                    

Taong dalawampung libo at animnapu't walo, limang dekada matapos ang ikatlong digmaang pandaigdig; nagkaroon ng matinding pagbabago sa pamumuhay ng mga tao. Dahil sa nukleyar na mga bombang ginamit noon ng Estados Unidos, Pransiya, China, Russia at Inglatera; halos maubos ang populasyon ng mga tao sa buong mundo. Ang kontinente na kilala noon bilang Africa ay nawala. Ang mga taong nakatira roon ay nagpatayan, naglaban hanggang sa maubos silang lahat. At dahil sa mayamang lupa ng kontinente at mga mina ng iba't ibang brilyante, sinakop ito ng pinakamakapangyarihang nasyon sa buong mundo, ang Britanya.


Ang malaking kontinente ng Asya ay naging kolonya ng mga alipin. Mas mahirap pa sa daga ang mga tao. Ang lahat ng yaman ay nasa gobyerno dahil sa federalismo. At kung gusto ng isang tao na makakuha ng kaunting yaman at kaginhawaan sa buhay, kailangan niyang sumali at manalo sa pinakamadugong labanan sa mundo: The Game of Christmas.


"Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mo itong gawin Kallen," himutok ng aking lolo.


Tinignan ko ang nakakaawang kalagayan ng aming bahay at pamumuhay. May malaking butas ang aming bubong, tagpi-tagping yero ang dingding at mga kasangkapan namin sa bahay ay nakalkal lang namin sa bundok ng basura.


"Huwag na kayong mag-alala lolo. Kapag nanalo ako, aalis na tayo rito. Hindi na natin kailangang maghirap. Maipapagamot ko na rin kayo."


"Pero apo --" Hindi maituloy ni Lolo Sandro ang kanyang sinasabi dahil sa matinding pag-ubo. Mahina na siya pero pinipilit pa rin niyang mabuhay. Alam kong ayaw niya kong maiwan nang mag-isa.


Tumayo ako at isinukbit sa bewang ang aking espada. Pinagkakaingatan ko ito nang lubos dahil ito na lamang ang nagsisilbing pamana ng aking ama sa akin. Kinuha ko ang makutim na kumot at ipinagamit sa aking lolo.


"Christmas... Noon, ang panahong iyon ay selebrasyon ng pagkabuhay ng Panginoon. Hindi selebrasyon ng pagtapos ng buhay ng kapwa-tao."


"Marami na ang nagbago simula noong maglunsad ng giyera ang Amerika, China at Pilipinas. Hindi na maibabalik ang nakaraan lolo."


"Tama ka... Ito na siguro ang epekto ng pagtanda. Hindi ito ang hinaharap na pinangarap noon ng mga tao. Ang akala namin noon, puno ng mga robots at kung ano-anong gadgets ang maiimbento sa panahong ito... hindi 'yong para tayong bumalik sa panahon ng mga barbaro," puno ng pangungutya at panghihinayang ang tinig ni Lolo. Hindi iyon nakakapagtaka... para sa isang dating presidente ng isang bansa.


Ipinusod ko ang aking mahabang buhok habang nakatingin sa basag na salamin. Imbes na pulbos at magagarang damit, espada at daan papunta sa karangyaan ang pinili ko. Hindi ko kailangang maging asawa o kabit ng kung sinong may kapangyarihan upang guminhawa. Kaya kong magsumikap at umunlad sa sarili kong paraan.


"Lolo, aalis na po ako."


Hindi ko na hinintay ang sagot ni Lolo. Lumabas na ko ng aming bahay. Naghihintay sa akin ang isang magarang karuwahe na maghahatid sa akin sa arena para sa aking huling laban. Kapag nanalo ako ngayon, ako na ang magiging kampiyon para sa taong ito. Matutupad ko na ang mga pangarap ko.


Huminto ang sasakyan sa isang grandiyosong arena. Malalaki ang mga poste, maraming taong manonood at puno ng mga makukulay na palamuti ang paligid. Mukha itong piyesta... piyesta kung saan maglalaban hanggang kamatayan ang mga kalahok.


Pumasok na ko sa loob. Nakatutok ang aking atensiyon sa premyo; isang milyong piso, bahay at lupa. Hindi na rin masama.


Narinig ko ang maiingay na paputok mula sa labas, hudyat na nag-uumpisa na ang programa. Pumunta ako sa maliit na silid. Umupo at hinintay na ako ay tawagin.


One shot stories compilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon