(A/N: Ito yung entry ko sa psydem publishing. Sana magustuhan niyo rin ^____^ )
"Hello, Lola! Happy golden wedding anniversary sa inyo ni Lolo," bati ko kay Lola Tessa. Abala siya sa pagluluto ng kakanin dito sa kusina.
"Ikaw pala, Rozanne. Salamat naman at napadalaw ka."
"Syempre naman po Lola, hindi ko palalagpasin ang araw na ito." Nagpalinga-linga ako. "Nasaan po si Lolo?"
"Hindi ko alam apo. Kanina pang umaga umalis 'yong si Romeo, hindi pa rin bumabalik."
Umupo ako sa silya at inilapag ang dala kong mga prutas. "Lola, ano po bang love story niyo ni Lolo Romeo?"
Tila lumiwanag ang mukha ni Lola sa tanong ko. Umupo pa siya sa silya na katapat ko sa harap ng lamesa.
"Noong kabataan namin ng Lolo Romeo mo, lagi niya kong binibigyan ng gumamela na pinipitas niya sa kapitbahay. Madalas din siyang bumisita sa bahay namin noon. Palagi siyang nagdadala ng sariwang gatas ng kalabaw o kaya naman ay mga prutas. Tumutulong din siya kay Papang sa pagsisibak ng kahoy at pag-aararo sa bukid. Tuwing gabi at maliwanag ang buwan, magpapasama siya sa mga kaibigan niya upang pumunta sa bahay at kumanta ng harana. Napakabait niya at mapag-alaga. Botong-boto ang mga magulang ko sa kanya," tuwang-tuwa si Lola sa pagkukwento. Bakas ang tuwa at pag ibig niya kay Lolo na hindi kumupas sa pagdaan ng panahon.
"Paano niyo po nalaman na si Lolo na ang lalaking nakalaan para sa inyo?"
Kinikilig pa si Lola at nahihiyang ngumiti. "Bago ko siya sagutin noon, inaya niya ko mag-piknik sa kubo na malapit sa ilog. Siya ang nagluto ng lahat ng pagkain na binaon namin. Noong namasyal kami sa tabi ng ilog, inalalayan niya ko para hindi ako madulas. Nang malapit na kami sa talon at tanaw ang magandang mga tanawin, hinawakan niya ang aking mga kamay at ipinangako ang wagas niyang pag-ibig. Sa awa ng Diyos, tinupad naman niya ang pangako niya sa akin at sa harap ng panginoon noong kinasal kami."
"Wow! Ang sweet naman ni Lolo," bigla tuloy akong napaisip. Sana, may ganoon pa ring klase ng lalaki sa panahon ngayon.
"Parang napaka-perpekto naman po ng talambuhay niyo Lola."
"Mali ka riyan apo. Mahirap din ang pinagdaanan namin ng lolo mo. May babae kasing matindi ang pagkagusto kay Romeo noon. Kababata niya ang dalaga, si Amelia. Siya ang laging pinagtatalunan namin noon ni Romeo. Hindi kasi mawala sa isip at puso ko ang matinding pagseselos."
"Ano pong nangyari? Mabuti naman po at hindi kayo naghiwalay ni Lolo Romeo."
Bahagyang tumawa si Lola bago nagsalita, "Noong minsan kasi sa sayawan, inaya ako ng Lolo mo na magsayaw sa gitna. Hindi na ako nagpakipot, kaysa naman si Amelia ang ayain niya, hindi ba?" Tumango lang ako. "Habang nagsasayaw kami sa gitna, biglag lumuhod ang lolo mo at binigyan ako ng singsing."
"Nag-propose po si Lolo sa inyo?"
"Oo, apo. Hanggang ngayon, hindi ko alam kung matatawa o mahihiya ba ako dahil sa pangyayaring iyon."
"Kunwari pa si Lola, ayaw umamin na kinikilig." Napabungisngis ako sa reaksiyon niya. Tumayo si Lola at naglagay ng biko sa platito. Sabay kaming kumain habang nagpatuloy ang kwentuhan. "Kamusta naman po ang buhay may asawa, Lola?" humugot ng buntong-hininga si Lola.
"Sa palagay ko, kaparehas lang namin ang ibang mag-asawa. Naranasan namin mag-away pati sa pinakamaliliit na bagay. Nagkatampuhan, konting selosan. Pero alam mo ba ang pinakamasaya sa pagsasama namin ng Lolo mo?"
"Ano po iyon Lola?"
"Masaya ako na nagkaroon ako ng masayahin at malulusog na mga anak at apo. Isang mabait, maasikaso, at mapagmahal na asawa na handang dumamay sa lahat ng problema. Hindi ko lang naging kasangga sa buhay ang Lolo Romeo mo, siya rin ang pinakamatalik kong kaibigan."
"Ang sweet naman... Sana maranasan ko rin kapag malaki na ako."
Kinurot ni lola ang pisngi ko. "Huwag kang magmamadali sa larangan ng pag-ibig apo. Masuwerte ako dahil si Romeo ang una at totoong pag-ibig ko. Pero ikaw, kailangan mong mag-ingat pagdating diyan. Ang lalaki ng totoong magmamahal sa 'yo ay ang lalaking magmamahal at rerespeto sa pagkatao at pagkababae mo. Naiintindihan mo ba ako, Rozanne?"
"Opo, Lola."
Nakita ko si Lolo na pumasok sa bahay, sumenyas siya na tumahimik lang ako at huwag maingay. Dahan-dahan na lumapit si Lolo Romeo kay Lola Tessa at biglang hinalikan ni Lolo sa pisngi si Lola. Gulat na gulat si Lola at hinampas sa braso si Lolo.
"O! Romeo, ginulat mo ako. Saan ka ba galing?" Inilabas ni Lolo Romeo ang hawak niya, isang pumpon ng gumamela. Ibinigay niya iyon kay Lola Tessa na hindi maitago ang kilig. "Romeo, para naman saan ito? Ang tatanda na natin para magligawan pa."
"Wala iyan sa edad, mahal ko. Gusto ko lang ipakita sa'yo ang pagmamahal ko." Binuksan ni Lolo Romeo ang radyo at nagsimulang tumugtog ang malamyos na himig sa paligid. Lumapit siya kay lola at medyo yumukod. "Maaari ba kitang maisayaw magandang binibini?" Umingos si lola pero biglang tumawa. Tumayo siya sa upuan at nagsayaw sila ni Lolo habang nagpapaikot-ikot.
Nangalumbaba ako habang nakangiti at nanunuod sa kanila. Wala kayo sa lolo at lola ko. Nahanap nila sa isa't-isa ang FOREVER na hinahanap niyo.
BINABASA MO ANG
One shot stories compilation
RandomStories available here: -Hoping for a happy ending -A virgin's oath -My virgin girlfriend -Ingatan mo ang pamilya ko, Panginoon -Ang forever ng lolo at lola ko -Torpe problems -Pakipot problems -Ang Dalaga na naging Ina -Ayoko na maging bitter! all...