"Babe, mahal mo ba talaga ako?" tanong sa 'kin ni Jerick.
"Oo naman, mahal kita babe. Hindi naman kita sasagutin kung hindi kita mahal, 'di ba?" sagot ko.
"Kung talagang mahal mo ako, bakit hindi mo maibigay ang gusto ko? Wala ka bang tiwala sa akin?"
"Ang hirap naman kasi ng hinihingi mo, babe," pilit ko pa rin siyang nilalambing.
"Anong mahirap doon, babe? Magiging asawa mo rin naman ako sa huli," pamimilit niya.
"Pero babe, sixteen pa lang tayo. Ano na lang ang mangyayari kapag nabuntis ako?"
"Sus! Kung gusto, may paraan, kung ayaw, maraming dahilan. Kung ayaw mo, e, 'di 'wag! Hindi na kita pipilitin! Nakakahiya naman sa 'yo!" Padabog siyang umalis sa tabi ko.
"Uy, Jerick? Babe?" Hindi man lang siya lumingon. Lumabas siya ng gate at parang walang naririnig.
Nabanggit ko kasi sa boyfriend ko, si Jerick, na wala akong kasama sa bahay ngayon. Pumunta siya at nagdala ng cookies. Pagkatapos naming magmiryenda, tinanong niya ako kung pwede kaming pumunta sa kuwarto ko. May gusto lang daw siyang makita kaya pinagbigyan ko. Pagpasok sa kwarto, pinaulanan niya ng halik ang mukha ko. Niyakap niya ako at inihiga sa kama. Dumagundong ang matinding kaba sa dibdib ko. Nanginginig ako at wala sa loob na itinulak siya. Matinding inis at pagkadismaya ang nakita ko sa kanyang mukha.
Ako si Claire Scarlet Soliven, 16yrs. old, senior sa high school. Simple lang naman ang pangarap ko, ang maging virgin bride. Maraming nakokornihan sa 'kin pero wala akong pakialam.
Kinuha ko ang cellphone ko, tinawagan ko si Jerick. Lagi niyang nire-reject ang mga tawag ko. Pagkatapos ng limang tawag, out of reach na ang cellphone niya.
Sumuko na lang ako. Wala naman na akong magagawa. Hindi ko na nga napansin na tumutulo na pala ang mga luha ko. Si Jerick ang first boyfriend ko, crush ko siya simula first year ako. Napansin niya lang ako nang sumali ako sa Ms.intramurals noong second year ako. Higit isang taon niya kong niligawan, wala siyang reklamo. Araw-araw niya akong hinahatid kapag uwian. Lagi siyang dumadalaw kapag weekends. Lagi siyang nagbibigay ng sorpresa at pasalubong. He's the perfect boyfriend!
Malapit na ang first anniversary namin at gusto niyang makuha ang pagkababae ko bilang regalo. Aaminin ko, ilang beses na kong muntik bumigay sa kanya. Pilit kong iniintindi ang gusto niya pero hindi ko kaya. Gusto kong ikasal na birhen. Hindi naman siguro masamang hilingin iyon sa lalaking nagmamahal sa akin, hindi ba?
Unti-unting bumibigat ang talukap ng mga mata ko. Nakatulog na ko habang iniisip pa rin ang sitwasyon namin ni Jerick.
* * * *
Uwian na. Nakita ko si Jerick na nakaupo sa bench sa school, may kasama siyang ibang babae. May pinong kirot ang pumisil sa puso ko. Unti-unti akong lumapit sa kanila, mukhang hindi nila napapansin ang presensya ko.
"Anong gagawin natin Jerick? Panagutan mo ito!" sabi ng babae.
"Teka nga! Sa 'kin ba talaga 'yan?" tanong ni Jerick sa babae. Kitang-kita ko ang masaganang luha na pumatak sa mga mata ng estranghera.
"You know how much I love you Jerick. Pati nga sarili ko binigay ko sa 'yo. Hindi pa ba sapat na pruweba iyon?" umiyak nang umiyak ang babae.
Para akong nabibingi sa mga narinig ko. Hindi ako makapagsalita, hindi ako makagalaw. Gusto kong pumalahaw ng iyak, gusto kong sapakin si Jerick pero ayaw gumalaw ng katawan ko. Para akong kandila na itinulos sa kinatatayuan ko.
Lumingon sa gawi ko si Jerick, para siyang nakakita ng multo. "C-claire? Anong ginagawa mo rito?"
Napatingin din sa 'kin ang umiiyak na babae. "Hon, sino siya?"
Napuno ng matinding galit ang puso ko para kay Jerick. Isang malakas na sampal ang binitiwan ko, tumama sa kanan niyang pisngi at namula iyon kaagad.
"How dare you! Ang sabi mo, mahal mo ko! Sino ang babaeng iyan? Tell me Jerick, nabuntis mo ba siya?"
Hindi makatingin si Jerick sa mga mata ko. Tahimik lang siya habang nakatungo. Ang katahimikan niya ay sapat nang ebidensiya na totoo ang lahat ng narinig at nalaman ko. Tumakbo ako palayo, umuwi ako sa bahay namin. Walang tao sa bahay. Pagpasok ko sa pinto, pumatak na ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Nanghihina ang mga tuhod ko kaya sumandal ako sa pintuan. Mayamaya, sunod-sunod na mga katok ang narinig ko.
"Claire, please, kausapin mo ko. Let me explain!" sigaw niya mula sa kabilang panig ng pinto. Hindi ako sumagot, hinayaan ko lang siya. "It's just an accident, nalasing lang ako ng gabing iyon. Hindi ko alam ang nangyari. Please, listen to me? Kung gusto mo, lalayuan ko siya. Kung gusto mo, magtanan na tayo. Handa akong iwanan siya. Ikaw lang talaga ang mahal ko."
Nagpunas ako ng mga luha at binuksan ang pinto. Ngumiti siya sa akin pero malakas na sampal ang sagot ko sa kanya. "Puwede ba, hindi ako tanga Jerick! Kahit gaano ka kalasing, alam mo pa rin ang nangyayari! Ang problema lang, hinayaan mong may magyari! Ikaw ang lalaki Jerick! Walang mangyayari kung hindi ka nagpadala sa tukso! Huwag mong sabihin sa akin na ginahasa ka niya?" sunod-sunod kong banat sa kanya. Hindi siya umimik. "Umalis ka na! Ayoko nang makita ang pagmumukha mo! Leave me alone!" Padabog kong isinara at ini-lock ang pinto. Tumakbo ako papunta sa kuwarto ko. Humiga ako sa kama at niyakap ang unan ko. At doon, inilabas ko ang lahat ng sama ng loob ko.
Bakit?...
Bakit mo nagawa iyon sa akin Jerick?...
Bakit mo ko niloko?...
Paulit-ulit kong tinatanong ang sarili ko pero hindi ko pa rin masagot.
* * * *
Mabilis na lumipas ang mga araw, linggo at buwan. Kapag nakakasalubong ko sa eskuwelahan si Jerick, kusa na akong umiiwas. 'Yong sakit, nandito pa din. Ayaw niyang mawala.
Dumating ang graduation, ang pinakamasaya at pinakamalungkot na parte ng buhay ko. Hindi ko na makakasama sa college ang iba sa mga kaibigan ko. Malungkot kasi hindi ko na makikita si Jerick. Ang balita ko, pupunta na siya sa probinsya nila dahil malapit nang manganak ang girlfriend/asawa niya.
Mukhang masaya at kuntento na siya, samantalang ako, marami pa ring tanong sa utak ko.
Nagkamali ba ko?
Selfish ba ko?
Suntok sa buwan ba ang gusto ko na maging virgin bride?
(A/N: may sequel ang story na ito. Just wait kung kailan iyon ipopost ^____^ )
-snow_empress21
BINABASA MO ANG
One shot stories compilation
RandomStories available here: -Hoping for a happy ending -A virgin's oath -My virgin girlfriend -Ingatan mo ang pamilya ko, Panginoon -Ang forever ng lolo at lola ko -Torpe problems -Pakipot problems -Ang Dalaga na naging Ina -Ayoko na maging bitter! all...