'New year, new me' ang gasgas na linya ng mga taong may gustong baguhin sa kanilang buhay ngunit wala namang ginagawa upang magbago. Kagaya na lamang ni Bella, isa siya sa mga nangako na babaguhin na niya ang kanyang ugali. Gagawin niya ang lahat upang hindi na siya ang maging sentro ng bullying sa kanilang paaralan.
Unang araw ng pasukan ngayong taon; nakapulbos siya, naglagay ng lipstick, blush on at kung ano-ano pang kolorete sa kanyang mukha. Lagi siyang tinutukso na 'panget na mangkukulam' dahil hindi siya nag-aayos. Iba na ngayon. Nag-make up pa talaga siya.
Taas-noo siyang naglakad papunta sa kanilang classroom. Ang mga tao ay napapatingin sa kanya kasunod ng mahinang bungisngis. Hindi niya inintindi ang ibang mga estudyante. Marahil ay ganoon ang epekto ng pag-aayos niya; napapangiti ang mga tao dahil sa kanyang ganda.
Nang makapasok siya sa kanilang classroom, kaagad na napunta ang atensyon ng kanyang mga kaklase sa kanya. Si Bella naman ay nagkibit-balikat lang. Hindi inalintana ang mga kakaiba nilang titig. Umupo siya sa likurang parte ng silid, doon kasi ang puwesto ng mga hindi sikat at pampadagdag lang sa dami ng mga estudyante.
"Wow! Nagbakasyon lang, nagkaganyan ka na. Ano ang inihanda niyo noong bagong taon?" tanong ni Whitney. Ang numero unong maldita sa klase.
"Ah... Eh... Ano... Pansit..." Inisa-isa naman ni Bella ang mga pagkain nilang inihanda. Napairap naman si Whitney. Hindi kasi nahalata ng kausap ang sarkasmo sa kanyang pananalita.
"Puwede ko bang makita ang make up kit mo?" muling tanong ni Whitney.
"S-sure..." Dali-daling inilabas ni Bella ang kanyang mga gamit. Ito ang unang pagkakataon na naging mabait sa kanya si Whitney kaya naman natuwa siya nang husto. Kumpleto ang inilabas ni Bella, regalo kasi iyon ng kanyang Ninang na umuwi galing sa New York. Mamahalin ang mga make up na ito.
"Gusto mo bang ayusan kita para mas lalo kang gumanda?"
"T-talaga? Aayusan mo ko?" hindi makapaniwalang tanong ni Bella kay Whitney.
"Oo naman. Pumikit ka. Ime-make over kita hangga't wala pa si Ma'am," sagot ni Whitney.
"Thank you, ha!" Sumunod si Bella sa gusto ni Whitney. Hindi man lamang siya naghinala.
Si Whitney ay sinimulang buksan ang mga lalagyan. Nilagyan niya ng napakaitim na bilog sa mga mata ni Bella, puting-puti na foundation, lagpas-lagpas na mascara at iba't ibang shade ng eyeshadow ang inilagay sa pisngi ni Bella; literal na nagmukhang coloring book ang mukha ng kaawa-awang dalagita.
"Tapos na! Dumilat ka na." Binigyan ni Whitney ng salamin si Bella.
"Salamat sa --" Laking gulat ni Bella sa hitsura niya. Daig pa niya ang payaso sa perya. Ang mga kaklase naman nila ay hindi na pinigilan ang pagtawa. Nangibabaw ang tawanan at panglilibak kay Bella sa buong silid.
"Hoy, panget!" Hinawakan ni Whitney ang mga pisngi ni Bella gamit lang ang isang kamay. "Ang panget na katulad mo, walang karapatang mag-make up. Nagsasayang ka lang ng pera. Kahit ano ang gawin mo, panget ka pa rin!"
Lalong lumakas ang tawanan ng buong klase. Mga naka-unipormeng unggoy na walang alam kundi hamakin ang kanilang kapwa. Si Bella nama 'y nagtatakbo paalis ng kuwarto kasama ang kanyang mga gamit.
Tumakbo siya nang tumakbo. Pilit na itinatago ang kanyang mukha. Pero kahit ano ang gawin niya, nakikita pa rin iyon ng ibang estudyante. Dumiretso si Bella sa likod na parte ng eskuwelahan. Doon siya tumatambay kapag binu-bully siya ni Whitney. Umupo siya sa lumang bangko na naroon. Hindi na siya pumasok pa sa klase.
Ilang oras siyang naglagi roon. Malapit nang mag-alas-dose. Gutom na si Bella pero ayaw niyang umalis sa puwesto niya. Ang make up na inilagay ni Whitney ay nabura na ng kanyang mga luha ngunit ang sakit ng pagkapahiya ay tumimo sa kanyang puso.
"Ano ang ginagawa mo rito? Inaway ka na naman ba ni Whitney?" tanong ng pamilyar na tinig. Lumingon si Bella at nakita niya si Zander, ang lihim niyang hinahangaan. Guwapo ito, simple at palakaibigan. Sikat ito sa kanilang eskuwelahan pero nakikipag-usap ito sa kanya.
"A-ayos lang ako. Gusto ko lang tumambay dito," pagsisinungaling ni Bella.
Ngumiti si Zander at tumabi kay Bella. Naglabas ng sandwich at juice ang binata, ibinigay ang iba sa dalaga at sabay na kumain ng tanghalian ang dalawa. Masaya silang nag-uusap. Wala silang kamalay-malay na may nanonood pala sa kanila.
"Babalik na ko sa classroom. Gusto mo bang sabay na tayo?" tanong ni Zander nang marinig niya ang tunog ng bell, hudyat na magsisimula na ang klase.
"Huwag na. Mauna ka na. Susunod na lang ako," pagtanggi ni Bella.
"Sigurado ka ba?"
"Oo naman. Salamat nga pala sa sandwich at juice," nahihiyang sambit ni Bella.
"Walang anuman. Sige, magkita na lang ulit tayo mamaya." Kumaway pa si Zander bago nagsimulang tumakbo papunta sa susunod niyang klase. Si Bella naman ay nanatiling nakaupo sa bangko. Walang balak na pumasok.
"Aba! Hindi ka lang pala panget, haliparot ka pa!" sigaw ni Whitney. Hindi nakatinag si Bella. Nagbabaga ang tingin ng babae sa kanyang harapan habang may hawak na cutter.
"Ano bang sinasabi mo Whitney? Wala akong ginagawang masama!"
"Sinungaling! Ang dapat sa iyo, mamatay!"
Sinugod ni Whitney si Bella. Sa sobrang takot, nagtatakbo si Bella palayo. Napunta ang dalawa sa gubat na hindi na sakop ng kanilang eskuwelahan. Lumang bakod na madaling talunin lang ang naghahati rito.
"Bumalik ka rito! Papatayin kitang panget na mangkukulam ka!" sigaw ni Whitney, tila isang aso na nababaliw na.
Malapit na si Whitney nang biglang matalisod si Bella sa nakausling ugat ng puno. Nadapa siya sa lupa at hindi makabangon. Hindi naman nag-aksaya ng oras si Whitney. Sinaksak niya sa likod si Bella at matinis na sigaw ang pumailanlang sa paligid.
"Walang hiya ka talaga!" sigaw ni Bella. Umaagos ang maraming dugo mula sa kanyang likuran ngunit binalewala lang ito. Tinadyakan niya sa tiyan si Whitney kaya nabitawan nito ang cutter. Dinampot ito ni Bella at sa isang iglap... Nagawang laslasin ni Bella ang leeg ng babae. Sumirit ang maraming dugo na kaagad na ikinamatay ni Whitney.
"Sabi ko naman sa iyo, e. New year, new me."
BINABASA MO ANG
One shot stories compilation
RandomStories available here: -Hoping for a happy ending -A virgin's oath -My virgin girlfriend -Ingatan mo ang pamilya ko, Panginoon -Ang forever ng lolo at lola ko -Torpe problems -Pakipot problems -Ang Dalaga na naging Ina -Ayoko na maging bitter! all...