Si General Ricardo M. Gomez ay isang matapang, mahusay, tapat at maaasahang sundalo. Ilang parangal na ang kanyang natanggap dahil sa kanyang kagitingan na ipinakita sa maraming giyera. Bawat pilat sa kanyang mga braso at binti ay may kanya-kanyang kuwento. Isa siyang tunay na magandang ehemplo para sa lahat. Lubos siyang iginagalang at lahat ay natatakot sa kanya; kamay na bakal at matinding disiplina ang kanyang pinaiiral, sa trabaho man o sa pamilya.
"Oscar! Bumalik ka nga rito! Saan ka pupunta?" sigaw ni Ricardo sa anak. Muli na naman kasi itong aalis nang walang pasabi.
"Sa impyerno! Sa lugar na malayo sa inyo!" Ganting sigaw nito at padabog na isinara ang pinto ng kanilang bahay.
Halos magpanting ang mga tainga ni Ricardo, tila isang bulkang nagngangalit at malapit nang sumabog. Kaagad naman na lumapit si Leonora sa asawa. Hinawakan ang braso ni Ricardo at pilit na pinakalma. Ang ibang mga anak nila ay tahimik lamang habang gumagawa ng kani-kanilang mga takdang aralin; si Lenny, pangalawa sa panganay ay nasa unang taon sa kolehiyo at kumukuha ng kursong education samantalang ang bunsong anak na si Jane ay nasa ikatlong taon sa sekondarya. Ang panganay naman na si Oscar ay nasa ikatlong taon na sa kolehiyo; kumukuha ito ng criminology dahil sa kagustuhang sumunod sa yapak ng ama.
"Ano ba ang nangyayari sa anak mo? Akala ko ba 'y gusto niyang sundan ang aking mga yapak? Bakit puro sakit ng ulo ang ibinibigay niya sa atin?" si Leonora ang binalingan ni Ricardo. Magkadikit pa rin ang kanyang mga kilay.
"S-sige. Kakausapin ko siya mamaya. Hayaan mo na. Ako na ang bahala sa anak natin. Magpahinga ka na. Alam kong pagod ka sa trabaho," bakas sa tinig ng babae ang takot at pagkataranta.
Hindi na muling sumagot si Ricardo. Dumiretso siya sa kuwarto nilang mag-asawa. Si Leonora naman ay kumuha ng telepono at sinubukang tawagan ang panganay na anak ngunit nakapatay ang telepono nito.
* * * *
Maraming kailangang gawin, puntahan at kausapin; ganiyan ang araw-araw na ginagawa ni Ricardo sa kanyang opisina. Tumawag ang presidente kanina at siya ang inatasan nitong humuli sa mga dumukot sa grupo ng ilang banyaga. Bilang isang heneral na may magandang reputasyon, ginagawa niya nang maayos ang kanyang trabaho.
"Permission to speak, Sir." Biglang pumasok sa opisina ni Ricardo ang isang sundalo. Namumutla ito at tila wala sa sarili.
"Perez, hindi ba itinuro sa inyo ang tamang paraan sa pakikipag-usap sa nakatataas sa inyo? Ano bang kailangan mo? Kung hindi iyan importante, huwag mo nang sabihin!" bulyaw ni Ricardo sa tinyente. Mainit ang kanyang ulo dahil hindi umuwi si Oscar kagabi. Nagiging suwail na ang anak na ipinagmamalaki niya noon.
"S-sir... M-may nakalap po kaming b-balita..." Nauutal na sabi ni Perez. Tinitigan lamang ni Ricardo ang kausap. "M-may nakita pong katawan na lumulutang sa Ilog Pasig kaninang umaga."
"Ano naman ang pakialam ko? Marami namang halang ang kaluluwa dito sa mundo. Ano naman ang --"
"Si Oscar po ang nakitang bangkay, Sir," pinutol ni Perez ang pagsasalita ng kanyang superyor.
Napahinto sa pagsasalita si Ricardo. Matiim na tinitigan ang lalaking nasa harap. "Ano bang klaseng biro iyan Perez? Tingin mo ba 'y nakakatuwa iyan?" muling bulyaw ni Ricardo.
Napakagat labi na lamang si Perez at ipinakita sa heneral ang ilang mga litrato. Si Oscar ay itinuring ni Perez na nakababatang kapatid. Malayo kasing magkamag-anak sina Ricardo at angkan nila Perez. Ang matandang heneral ay unti-unting kinuha ang mga litrato na nakakalat sa kanyang lamesa. Ang lalaki sa larawan ay nakatali ang mga kamay at paa, nangingitim ang mga hita at braso, maraming sugat sa katawan, halos hindi na makilala ang namamagang mukha nito; ngunit bilang ama, ramdam ni Ricardo na may bahid ng katotohanan ang sinabi ni Perez; ang lalaki sa larawan ay ang kanyang pinakamamahal na anak.
Walang sinayang na sandali si Ricardo. Sa harap ng tambak na trabaho at mga misyon, umalis siya sa kanyang opisina. Sumakay sa kanyang kotse at pinuntahan ang punerarya na nakalagay sa papel na kasama sa mga litrato. Sa unang pagkakataon, inuna niya ang kanyang pamilya kaysa sa responsibilidad niya sa bayan.
Pagdating sa punerarya, sumalubong ang asawa niyang si Leonora na histerikal habang umiiyak. Ang kanyang mga anak na babae ay magkayakap, tila humuhugot ng lakas sa bawat isa. Si Ricardo naman ay dumiretso sa morge. At doon, sumalubong ang isang katawan na tinatakpan ng puting kumot. Sa isang kisapmata, sumikip ang kanyang puso at hindi makahinga.
Sa unang pagkakataon, nakaramdam ng takot si Ricardo, takot na malamang totoo pala ang bangungot na hinaharap niya ngayon. Lumapit siya sa katawan. Kahit nanginginig ang mga kamay, unti-unti niyang inalis ang kumot na tumatakip sa katawan.
Tumambad ang mukha ni Oscar; namumuo ang dugo sa mga mata, ilong at gilid ng mga labi nito. Halatang matinding pagdurusa ang tiniis nito bago bawian ng hininga. Ang matatag at tuwid na postura ni Ricardo ay nabali. Siya 'y yumuko, hinawakan ang pisngi ng anak at hinayaang kumawala ang butil ng mga luha. Ang matapang na heneral ay may kahinaan, ang pagmamahal sa kanyang mga anak. Walang tao o ama ang hindi malulugmok sa sakit kapag nadatnan na wala nang buhay ang anak na minahal, pinalaki at inalagaan.
* * * *
Nailibing na ang anak ni Ricardo, si Oscar, matapos ang isang linggo. Ang bawat myembro ng pamilya ay tahimik. Walang gustong magsalita at magkuwento. Pilit na sinasarili ang sakit na dinadala. Isang gabi, hindi makatulog si Ricardo, inaalala ang anak habang paulit-ulit na sinisisi ang kanyang sarili. Pumasok siya sa kuwarto ng anak. Tumitingin-tingin siya sa paligid hanggang sa mapansin niya ang lukot-lukot na papel na nakasingit sa mga libro. Kinuha niya ito at tahimik na binasa.
Dear Daddy,
Kapag nabasa niyo ito, malamang, wala na ako. Gusto kong isulat ang lahat nang sama ng loob ko pero hindi iyon ang tumatakbo sa isip ko ngayon. Nagbago ako. Alam ko po iyon pero wala akong magagawa. Ngayon, gusto kong ipakilala ang aking sarili dahil hindi niyo ako nagawang kilalanin simula nang maging abala kayo.
Idol ko po kayo. Ipinagmamalaki kong kayo ang ama ko. Lahat ay handa kong isakripisyo para maging katulad niyo pero malabo nang mangyari pa iyon. Sumali ako sa isang fraternity. Bakit? Dahil po kay Lenny. Ang isa sa mga opisyal ng fraternity ay gustong makuha ang kapatid ko. Bilang panganay, ayokong mangyari iyon. Sinabi niyang pag-iinitan ng mga myembro nila si Lenny kapag hindi ako sumali. Noong una, hindi ko sila pinansin. Pero nang may magtangkang ihulog si Lenny mula sa roof top ng building nila na may limang palapag, natakot na ako at kaagad na sumunod. Hindi niyo alam? Pinakiusapan kami ni Mommy na huwag na kayong kausapin tungkol roon dahil natatakot siya sa maaari niyong gawin.
Isinulat ko ito ngayon dahil ramdam kong ito na ang magiging katapusan ko. Alam kong pahihirapan nila ako. Pero kung ang kapalit ay kalayaan ni Lenny, maluwag ko pong tinatanggap. Gusto ko lang sabihin na mahal na mahal ko kayo, kayo nila Mommy, Lenny at Jane. Sana'y magawa niyo pa ring ngumiti kahit wala na ako. Nandito ako sa tabi niyo, babantayan ko kayo.
Nagmamahal,
OscarHilam sa luha si Ricardo habang binabasa ang sulat ng anak. Lalo siyang naawa rito. Marami pala itong dinadalang problema ngunit hindi man lamang siya nagtanong. Wala siyang ginawa kung 'di pagalitan ito at pagbintangan ng kung ano-ano. Kung sana 'y nagbigay siya ng malambot na kamay upang akayin ito, baka naging iba ang kinahantungan ng kanyang anak.
* * * *
'Ang lahat ng opisyal ng isang malaki at kilalang fraternity sa isang malaking unibersidad ay hinuli at kinulong dahil sa hazing na nagresulta sa kamatayan ng isang estudyante.' Iyon ang naging laman ng bawat dyaryo at istasyon sa telebisyon pagkatapos ng dalawang buwan. Bawat isa sa mga nahuli ay nagmula sa mga kilala at mayayamang pamilya. Bakas sa mukha ng mga ito ang tiwala na sila'y mapapawalang-sala, sa tulong ng kanilang mga magulang. Ngunit... Marupok man ang bantas ng tao, wala pa ring nakakaligtas sa batas ng kalangitan. Sa fraternity, tinatawag nilang 'kapatid' ang isa't isa. Ngunit kung tutuusin, ang mga magkakapatid ay nagtutulungan upang mapabuti ang bawat isa; hindi nagpapatayan upang masabing 'cool' sila.

BINABASA MO ANG
One shot stories compilation
RandomStories available here: -Hoping for a happy ending -A virgin's oath -My virgin girlfriend -Ingatan mo ang pamilya ko, Panginoon -Ang forever ng lolo at lola ko -Torpe problems -Pakipot problems -Ang Dalaga na naging Ina -Ayoko na maging bitter! all...