CHAPTER 204

3.1M 60.8K 182K
                                    

DEIB'S POV

NAG-ANGAT AKO ng tingin nang bumukas ang pinto. Laking pasalamat kong gising pa ako dahil si mommy agad ang pumasok do'n kasunod si daddy. Katatapos lang kasi akong tingnan ng mga doktor kaya bahagyang nakaupo ang kama ko. Bukod do'n ay mukhang hindi rin ako makakatulog dahil sa nangyari kani-kanina lang.

Hindi ko alam kung kailan nila kami titigilan. Nakakabaliw ang katotohanang wala silang pakialam sa takot na idinudulot ng mga ginagawa nila sa amin. Hindi biro ang pakiramdam na para bang anumang oras ay pwede kang mamatay. Katulad na lang nang naramdaman ko nang gabing 'yon. Gusto kong pagsisihan nang matindi ni Eerah ang ginawa niya sa 'kin, dahil hindi lang sa peligro nalagay ang buhay ko.

Pakiramdam ko nga ay ikalawang buhay ko na ito o baka ikatlo pa. 'Yong pakiramdam na hindi ako panawan ng kaba sa dibdib ay para akong unti-unting pinapatay sa takot, at sa sakit na totoong nararamdaman ko.

Kung kanina ay bagot na bagot ako sa paghihintay. Hindi na ako makapaniwala ngayon na nandito na sila sa harap ko. Mayamaya pa ay pumasok na ang mga Moon, sina Chairman Moon, More, Maxwell at Maxpein, kasama rin sina Parrot at Yaz. Kakaiba talaga ang kilabot na idinudulot ng presensya ng mga Moon. Kung saan iyon nagmumula, at kung ano ang dahilan, ay hindi ko alam. Parati iyon. Sa t'wing kaharap ko ang mga Moon, parating may kakaiba. At hindi ko na malaman kung paanong patatahimikin ang puso ko, dahil nagsisimula nang magwala ito. Alam ko kasing anumang oras ay papasok na rin si Taguro.

Hindi ko akalaing sa kabila nang lahat ng nangyari ay tatalon pa rin nang gano'n katindi ang puso ko nang tumabi sina Maxwell at Yaz, at tumambad sa 'kin si Taguro. Pakiramdam ko ay gano'n ko siya katagal na hindi nakita at nakasama. At syempre, hindi nawawala ang grand entrance niya. Paborito niya yata iyong eksena.

Bahagya siyang nakatagilid sa akin, parang ayaw agad makita ang sitwasyon ko. Bahagya rin siyang nakayuko at nakapamulsa sa suot na leather jacket. May tinititigan sa kung saan na hindi ko magawang tingnan.

At saka siya dahan-dahang nag-angat ng tingin sa 'kin nang maramdamang nakatingin na sa kaniya ang lahat. Nasaksihan ko kung paanong marahan na nangunot ang noo niya habang pinag-aaralan ang kabuuan ng mukha ko.

Matagal niya akong tinitigan, na para bang ang bawat butas ng balat ko ay matamang pinag-aaralan at binibilang. Matagal niya akong pinagmasdan, na para bang bumubuo na agad siya ng plano sa isip kung paano akong igaganti sa mga gumawa nito sa 'kin.

Matapos no'n ay 'tsaka niya sinalubong ang mga tingin ko, hindi man lang nagbabago ang galit niyang hitsura. Hindi ko malaman kung matatakot ba ako o matutuwa dahil nasisiguro kong hindi niya nagustuhan ang nangyari sa 'kin. Kahit naman sino ay hindi magugustuhang mangyari ito sa 'kin. Pero iba ang isang Taguro, may patakaran siyang mabuwag man nang kahit na sino ay hindi niya hahayaang hindi makatikim ng ganti ito.

"Babe..." Iginalaw ko pa ang kamay ko nang tawagin siya.

Doon siya nagsimulang lumapit sa 'kin. Pinagkrus niya ang mga kamay namin, agad na guminhawa ang pakiramdam ko. Gusto ko na agad maiyak dahil pakiramdam ko ay maaayos na ang lahat. Siya lang ang nakagagawa nito sa 'kin. Kakaiba 'yon sa kaginhawahang naramdaman ko no'ng mga nakaraan.

"Babe..." Tinawag ko siya uli. "Sorry, babe..."

"Sshh," inilapat niya ang hintuturo sa labi ko. At saka muling pinagmasdan ang kabuuan ng mukha nang malapitan. Gano'n na naman, sobrang tagal. Na para bang sinasaulo nang husto ang bawat sugat, maga at pasa sa mukha ko. Na para bang ang bawat nakita niya sa 'kin ay ilalagay niya rin sa gumawa nito.

"Babe, sorry, hindi ko sinasadya 'yong n-nangyari." Nahihirapan pa rin akong magsalita pero kailangan ko siyang makausap. Kailangan kong masabi sa kaniya maski ang ilan lang sa tunay kong nararamdaman.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon