CHAPTER 222 : THE VENGEANCE 4
Who's back with a vengeance?CARGOSIN'S POV
"CARGOSIN?" dinig na dinig ko ang tinig ni Eerah Anitha, hindi pa man ako nagmumulat ng mga mata. "Cargosin?" muling pagtawag niya.
Napakunot-noo naman ako nang agad na manalaytay ang matinding sakit sa iba't ibang parte ng katawan ko. Gusto ko na agad magalit dahil hindi na mawawala sa isip kong si Maxpein Moon ang dahilan ng mga ito. Ang bawat sakit na nararamdaman ko ay parang mga patalim na paulit-ulit na ibinabaon sa bawat parteng masakit. Pakiramdam ko ay may humihiwang kutsilyo sa pisngi ko. Maging ang pamamaga ng mukha ko ay nararamdaman ko. Para bang napakakapal ng balat ko.
"Cargosin..." Naramdaman ko nang haplusin ni Eerah Anitha ang noo ko matapos kong magmulat ng mga mata.
Tumama ang paningin ko sa halos mapundi nang bumbilya. Agad ko ring napakiramdaman ang napakatigas kong kinahihigaan. Ilang sandali pa bago ko siya magawang lingunin. At imbes na mabuhayan ay nagtangis agad ang mga panga ko matapos kong makita kung gaano kalaki at kung gaano karami ang pasa, sugat at galos niya sa mukha. At gaya ng sa akin, lahat nang iyon na naroon sa kaniyang mukha ngayon ay dahil kay Maxpein Moon. Dahil sa makamandag na abilidad ni Maxpein Zin del Valle-Moon.
Pero hindi ko nagawang makapagsalita. Nahagip ng paningin ko ang gawing likuran ni Eerah Anitha. At gano'n na lang ulit ang gulat ko matapos makita ang aking ama na halatang pinagkasya sa makipot na sofa. Nang muli kong igala ng aking paningin ay 'ayun sina Christian at Taylor na nakahiga rin sa pinagdikit-dikit na silya. Sinadya kong tingnan ang kinahihigaan ako, isa iyong mesa.
Napapikit akong muli, at agad na napangiwi matapos kong makagat ang gilid na parte ng labi ko. Mayroong sugat doon.
"Cargosin, kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ni Eerah Anitha.
Hindi ko nagawang kumilos para lingunin siya. Hindi ko rin nagawang tumugon. Hindi ko magawang makapag-isip nang tama. Hindi ko alam kung nasaan kami. At mas lalong hindi ko alam kung ano na ang pwedeng gawin at kung ano pa ang mangyayari.
Gusto kong maghiganti. At sa susunod na maghiganti ako ay hindi na ako magdadalawang-isip na pumatay ng tao.
"Cargosin," muling pagtawag ni Eerah. Sa sandalin iyon ay nilingon ko na siya dahil sa garalgal niyang tinig. Umiiyak siya. "Hindi ko na kaya. Ayaw ko na, Cargosin. Hindi ko na kaya, Lucargo. Tigilan na natin 'to, please."
Napatitig ako sa kaniya. Kung sapat lang ang lakas ko ay baka hinaplos ko na agad ang mukha niya, para pawiin ang butil ng luhang sunod-sunod na tumutulo mula sa kaniyang mga mata. Gusto kong magsalita para pagaanin ang loob niya at sabihing magiging maayos din ang lahat. Ngunit hindi ko magawa. Bukod sa kasalukuyan kong kahinaan ay hindi sumasang-ayon sa sinabi niya ang puso ko. Malayo sa mga sa pagsuko ang nararamdaman ko.
"Tumakas na lang tayo, Cargosin. Lumayo na lang tayo dito. At gaya ng dati ay gumawa tayo ng sariling buhay na malayo sa mga tao. Iyong buhay na masaya at kontento tayo ng ating pamilya. Hindi ko na kaya. Wala na akong lakas para lumaban dahil alam kong paulit-ulit lang tayong matatalo, Cargosin. Umatras na tayo. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang umabot sa ganito," halos humagulgol sa pag-iyak si Eerah.
"Ngunit...hindi ako handang sumuko, Eerah," humahangos at hirap na hirap kong sabi, sa napakahinang tinig. "Wala akong lakas para tumakbo papalayo sa mga taong ito, Eerah. Pero ang lakas para lumaban at makapaghiganti ay kaya kong pag-ipunan."
Natigilan siya at sinamaan ako ng tingin. "Ano pa ba ang ipaglalaban mo, Cargosin?" halos magtaas siya ng tinig. "Kinuha na natin ang buhay ng inosenteng Chairman, ano pa ang dahilan mo para maghiganti?"
BINABASA MO ANG
HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |
RomanceThis work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as sexual, self-harm, physical violence, emotionally triggering materials, death and suicide. Please engage in self-care as you read this wor...