CHAPTER 237 : THE END Part 1
MAX'S POV
MARAHAN KONG iminulat ang mga mata ko nang magising ako kinabukasan. Ngunit ang nakita ko ay ang huling eksena na napanood ko kung saan sina Kim at Sensui ang bida. Kakaiba ang lungkot na bumabalot sa 'kin. Kagabi ay mabigat na 'yon sa dibdib, umasa akong mawawala 'yon sa pagtulog ko. Hindi ko akalaing dodoble pa pala ang bigat ngayong paggising.
Wala na akong nagawa nang magyaya nang umuwi sina Tob at Naih. Lasing na si Lee, at hindi na maganda ang topak ni Tob, halos maihi sa kinauupuan ang mga bakla katatawa. Ako naman ay ngingiti-ngiti lang sa kanila pero ang isip ko ay kung saan-saan naglalayag.
Napapikit ako at sa isang iglap ay nanumbalik sa 'kin ang lahat nang magagandang salitang binitiwan ni Sensui ilang taon na ang nakalipas. Kunot-noo kong ninamnam ang bawat magagandang linyang ipinangako niya. Halos maluha ako nang tila maramdaman kong muli ang pakiramdam habang pinakikinggan siya.
Nagawa kong alalahanin ang lahat, kahit anong tagal na niyon. Mula nang sandaling magkaharap kami hanggang sa may mapansin akong kakaiba sa mga kilos niya. Nang sandaling kutuban ako kung may nararamdaman ba siya sa 'kin. Gusto ko pang matawa dahil ako mismo ay inaasar ang sarili ko. 'Kako ay imposibleng may magkagusto sa 'kin na ganoon kagwapo. Kahit pa may nagkagusto sa 'king gwapo bago siya, kakaiba ang hitsura niya. Siya 'yong may mukha na maya't maya mo hihilinging makita. At kapag nandiyan na ay bigla ka na lang maiilang. Sa dami nang natagalan kong titigan, sa kaniya lang ako nailang.
Sensui...
"Where are you going?" hinarang ako ni Yaz nang magpaalam akong aalis.
"May bibilhin lang ako sa mall." Kinawayan ko lang siya at nagpatuloy na ako papalabas.
Nasulyapan ko si rabbit na maporma ang pagkakagarahe. Hindi ako magdadala ng sasakyan ngayong araw. Palibhasa ay lutang ako dahil sa malalim at maya't mayang pag-iisip, natatakot akong maaksidente dahil sa pagiging tulala. Wala rin sa plano kong mamili ng ireregalo kay Tob sa mall na pag-aari nila mismo. Nag-aalala akong baka sa tagal nang nakatayo niyon ay nasaulo niya na ang lahat ng paninda. Gusto ko nang kakaiba.
At gano'n nga ang nangyari. Tulala ako buong byahe. Tuloy ay kinailangan pa akong kalabitin ng konduktor ng bus nang maningil ito ng pamasahe. At sa kabila nang napakaraming tao sa Maynila ay 'ayun ako at tila mag-isang naglalakad. Nakapamulsa at tutok lang sa daan ang paningin.
Nang makapasok naman sa kilalang mall ay para lang akong hangin na dumaraan sa bawat botique at stall. Wala akong hinihintuan upang tingnan, maghanap ng posibleng iregalo kay Tob. Hindi ko malaman kung alin ba ang mahirap. Iyong mag-isip ng posibleng iregalo sa kaibigang lalaki, o mag-focus sa pamimili. Dahil nalibot ko na ang buong mall, wala pa rin akong naiisip o nakikita.
Napabuntong-hininga ako at nakapamulsang huminto sa gitna nang napakalawak na palapag. Iginala ko pa nang minsan ang paningin ko, umaasang may mapupusuan akong pasukin. Pero panay kainan ang nadadapuan ng paningin ko.
BINABASA MO ANG
HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |
RomanceThis work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as sexual, self-harm, physical violence, emotionally triggering materials, death and suicide. Please engage in self-care as you read this wor...