CHAPTER 214
SIN'S POV
"CARGOSIN! CARGOSIN!" nagising ako sa sunod-sunod na pagsigaw ni daddy habang tinatawag ang aking pangalan. Masakit pa ang ulo ko, naparami yata ang nainom kong alak. Maging si Christian ay natutulog pa sa sofa na katabi ng kinauupuan ko. "Cargosin!"
"Dad," sinikap kong tumayo nang makapasok siya sa madilim na kwartong kinaroroonan namin.
Galit siyang tumingin sa akin, magsasalita na sana siya ngunit iginala na muna ang paningin sa kabuuan ng kwarto. Lalong nangunot ang noo niya nang makita ang nagkalat na bote ng alak sa mesa na nasa aking harapan. Napabuntong-hininga ako kasabay nang pagkakamot ng ulo, napailing din ako nang madinig kong magmura siya. Nakita kong kumuyom ang mga palad niya nang makita ang nakahilata pang si Christian. Nagbaba ako ng tingin dahil alam kong magagalit siya. Pero ganoon na lang ang gulat ko nang tampalin niya ang mukha ko gamit ang likuran ng kaniyang palad. Mabilis na namanhid ang parteng 'yon ng mukha ko bago ko naramdaman ang sakit.
Agad kong nahawakan ang pisngi ko at nag-angat ng tingin sa kaniya. "C-Chairman..."
Humahangos siyang tumitig sa akin, pinalagatok pa muna ang kaniyang leeg 'tsaka nakapamaywang akong dinuro. "Wala akong sinabi na magsitulog lamang kayo! Mga inutil!" sigaw niya. Muli niya akong inambaan ng tampal ngunit agad akong umiwas.
Dali-daling lumapit si Eerah sa aming ama upang pigilan ito. "Please calm down, dad," bulong niya pa. Pero hindi nagbago ang reaksyon ng Chairman, galit na galit siya at hindi ko iyon maintindihan.
"Ilang gabi na kaming puyat, Chairman, pasensya na." Nanatili akong nakayuko. "Nagkayayaan kaming uminom ni Christian para makatulog agad. Sorry, dad."
Ayaw ko nang sabihin sa kaniya ang naging engkwentro namin ni Maxpein bago ako makatulog. Ang totoo, uminom ako para mamanhid nang panandalian ang katawan ko. Bukod do'n ay gusto kong makalimutan ang nangyari, nagagalit ako sa sarili ko sa t'wing maaalala ko kung gaano kadali para sa babaeng 'yon na patumbahin ako't panghinain. Parang wala siyang kahirap-hirap, napakadali, napakabilis at matindi siya kung kumilos. Hindi biro ang sakit na idinulot ng mga sipa, suntok at tadyak ng babaeng 'yon. Umaabot sa buto at talagang nagtatagal ang sakit.
"Sorry?" nanggigigil niyang tanong. "Mababago ba niyang sorry mo ang nangyari at nawala na? Bobo!" Nagtataka ko siyang tiningala. Dinuro niya ang pinto, napalingon muna ako ro'n bago siya muling tiningnan. "Nakatakas si Maxpein Moon!" humihiyaw na sigaw niya, na sa sobrang lakas ay napabalikwas ng bangon si Christian.
"Ano?" sabay naming tanong ni Christian.
Nanggigigil akong dinuro ng aking ama habang masamang-masama ang tingin sa akin. "Kapag hindi mo naibalik dito ang babaeng iyon, kayong dalawa nito ang papatayin ko! Mga inutil kayo!" aniya na kaming dalawa ni Christian ang tinutukoy. Sinamaan niya pa muli kami ng tingin bago kami tuluyang iniwan. Agad siyang sinundan ni Eerah pero maging siya ay pinagsarhan nito ng pinto dahilan para kaming tatlo ang maiwan sa kwarto.
"Ano ba ang ginagawa ninyo!" pabulyaw na singhal sa ni Eerah. Nadinig ko pa ang paulit-ulit at maririing pagmumura niya. "Bakit ninyo hinayaang makatakas ang babaeng iyon?"
"Hindi namin alam na nakatakas siya," natutulirong ani Christian.
Hindi na ako nagsalita pa, sa halip ay dali-dali akong lumabas ng kwarto at nagtungo sa silid kung saan ko iniwan si Maxpein. Nanginginig ang kalamnan ko sa paggising ng galit sa aking dibdib. Pakiramdam ko ay hindi ko malaman kung ano ang gagawin.
Nandoon na ang ilan sa mga tauhan namin, kani-kaniyang bulungan at usapan. Mga nakatayo, paikot-ikot at nag-uusap na animong nagsisisihan at nagtuturuan pa. Ang mga gagamba na pinaghirapan naming makuha ay nagkalat na rin sa pasilyo, na siyang bumuhay lalo sa galit ko!
BINABASA MO ANG
HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |
RomanceThis work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as sexual, self-harm, physical violence, emotionally triggering materials, death and suicide. Please engage in self-care as you read this wor...