CARGOSIN REWIS' POV
"NANDITO NA ang Chairman," ani Christian na ang tinutukoy ay ang aking ama. Inaasahan ko na ang pagdating nito.
Nang mag-angat ako ng tingin ay papasok na sa opisina ko ang aking ama. "Ano nang balita kay Taylor, Cargosin?"
Hindi ko napaghandaan ang tanong niya. Napabuntong-hininga ako. "Hindi pa namin siya natatagpuan, Chairman."
Nangunot ang kaniyang noo. "Anong klaseng pagtratrabaho iyan?" Pareho kaming nag-iwas ng tingin ni Christian. "Bueno, ano ang bago bukod sa mabahong balitang iyan?"
"Nagsimula na ang klase sa BIS at SIS, Chairman," panimula ko. "Nakatakdang dumalaw si Chairman Enrile sa BIS ngayong linggo upang batiin ang mga bagong estudyante. Sa SIS ako nag-enroll. Pumasok na rin ako kanina."
"Ano ang maganda sa balitang iyan, Sin? Hindi ko maintindihan."
"Dad, please, calm down." Nanlumo ako. "Mahahalata ako masyado kung sa BIS ako mag-aaral. At isa pa, nasa SIS ang pakay ko. Ang mga Echavez."
Maikli ang pasensya ng aking ama. "Then?"
"Nasa ikaapat na taon siya sa kursong medisina, magkaklase kami. Ang nakababatang kapatid niya ay nasa primary level."
"Mabuti at nakapasok ka nang walang hirap?"
Tumango ako. "Nagawan ng paraan ni Taylor ang lahat bago tayo dumayo rito."
"Magaling." Nakontento sa nalaman ang Chairman. "Alamin ninyo ni Christian kung anong araw dadalaw ang Chairman Enrile na iyan sa BIS. At paunlakan siya nang maingay at maligayang pagdating."
"Dad," nagugulat kong sambit. "Maraming estudyante sa BIS, at hindi sila kasali sa usapan."
"Walang may pakialam, Sin."
Lalo akong nagulat. "Dad?"
Bumuntong-hininga siya ngunit nanatiling masama ang tingin. "Bueno, sa harap na lamang ng BIS habang papauwi ang Chairman. Gusto kong mabalitaan ang napakagandang eskandalo sa mismong teritoryo ng mga Enrile. Siguraduhin ninyong kahindik-hindik sa Chairman Enrile ang bagay na iyan."
Matagal bago ako nakasagot. "Masusunod."
"Ikalawang babala pa lamang iyan, Cargosin. Pag-iisipan ko kung gusto ko na siyang patamaan sa susunod," madilim ang mga matang aniya. Bahagya akong natigilan ngunit nakabawi rin. "Inaasahan kong makikita ko na si Taylor sa susunod na pagkikita natin. Ang walang-buhay na katawan ni Taylor ang makapagpapahinahon sa 'kin." Nanlaki ang mga mata namin ni Christian. "At huwag mong pababayaan ang pamilya niya, lalo na ang mga anak niya."
Napalunok ako. "Yes, Dad."
"Mukhang alanganin ang tugon mo, Sin?"
"No, Dad."
"Alam kong importante sa inyo si Taylor. Dahil isa siyang mabuti, magaling at malapit na kaibigan. Ngunit hindi magandang ideya ang kinalalagyan niya ngayon. Maaaring may mga naibahagi na siyang hindi dapat malaman ng kabilang partido. Hindi ko gusto ang isiping iyon. Kinausap ko na ang maybahay niya. Ipinagtataka niya ang hindi pag-uwi ni Taylor. Pinadalhan ko siya ng ilang mga mamahaling muebles dahil batid kong iyon ang hilig niya." Panunuhol ang ginawa niya.
"Ihahatid ko na kayo sa labas," presinta ni Christian. "Sin," nagtanguan kami bago sila umalis.
Napapabuntong-hininga akong bumaling sa balkonahe. Kunot-noo kong tiningala ang kulay kahel na langit. Ngunit sa halip na kumalma ay pinagbabaga niyon ang galit sa dibdib ko.
BINABASA MO ANG
HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |
RomanceThis work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as sexual, self-harm, physical violence, emotionally triggering materials, death and suicide. Please engage in self-care as you read this wor...