CHAPTER 212
MAX'S POV
Mabilis na lumipas ang mga araw, linggo at buwan. Hindi ko halos napansin iyon dahil itinutok ko ang buo kong atensyon sa pag-aaral. Totoong maraming kailangan na gawin, bukod sa projects, thesis at major exams ay may Proficiency Exam pa kaming pinaghahandaan. Hindi iyon ganoon kadali, halos mabaliw ako sa mga araw na dumaraan. Halos ipagpaliban ko ang pagkain dahil nanghihinayang ako sa mga segundong papatak habang kumakain ako nang walang nababasa, naaaral o nagagawa.
Hindi ko inaasahang mapaninindigan ni Sensui ang kaniyang sinabi. Hindi naman sa inaasahan kong lalapit pa rin siya, nakakapanibago lang. Lumipas ang ilang buwan nang wala akong naririnig sa kaniya. Hindi ko siya nakikita at hindi ko rin siya maramdaman. Wala rin akong balita tungkol sa kaniya. Ni isa sa mga madalas kong makasama ay hindi nababanggit ang pangalan niya. Hindi rin ako naglalakas-loob na magtanong.
Alam kong hindi lingid sa kaalaman ng mga nakapalibot sa akin na hiwalay na kami ni Sensui. Halata naman dahil ni isa rin sa mga ito ay hindi na nagtatanong. Sa t'wing may pagkakataon na mababanggit ang pangalan niya, pare-pareho silang ilag kung tumingin sa akin. At pilit nilang hindi ipinaririnig sa akin ang pangalan at pinag-uusapan nila tungkol kay Sensui.
Aaminin kong hindi siya nawawala sa isip ko, parang oras-oras sa araw-araw ay parati ko siyang naaalala. Pero wala akong magawa, kaya hinahayaan ko na lang. Maging ang natitira kong lakas ng loob para sa kaniya ay napapalitan ng hiya.
Sa nakalipas din na ilang buwan ay nararamdaman at napapansin ko ang panlalamig ni Naih sa akin. Hindi ko na lang iyon pinagtuunan pa ng pansin dahil pare-pareho kaming abala sa iba't ibang gawain. Nalalapit na ang graduation at pare-pareho na kaming walang oras na pwedeng sayangin. Hindi na nga kami magkandaugaga sa paggawa ng projects at thesis, pati ang pagre-review sa exams ay isinasabay rin namin.
Maging ang mga ipinag-uutos sa akin ay kinailangan kong kalimutan nang panandalian. Naiintindihan naman ng pamilya kong kailangan ko rin ibuhos ang buong atensyon at oras ko sa mga nalalabing panahon ko bilang high school. Hindi ko maitago ang excitement, nararamdaman ko na ang papalapit nang papalapit kong diploma. Na ilang taon kong pinangarap makuha.
Pero sa t'wing maiisip ko ang sitwasyon sa 'min ni Sensui ay nabubura ang tuwa, saya at excitement ko. Nalulungkot ako. Hindi maganda ang sitwasyon namin no'ng siya ang grumaduate, hindi ko inaasahang ganito pa rin ngayon.
Hindi pala 'yon gano'n kadali. Kahit na kasi para sa akin ay ako ang higit na nasaktan, sa huli ay ako pa rin pala ang magdudusa. Nasasaktan ako dahil sa sitwasyon namin, na walang kasiguraduhan kung maaayos pa ba.
Sinisikap kong pigilan na 'wag siyang isipin, ibinubuhos ko ang lahat sa mga ginagawa ko. Iyon na lang kasi ang tanging paraan na meron ako para mapanindigan ko ang mga sinabi ko.
"Baka ikaw ang maging valedictorian niyan?" nadinig ko ang tinig ni Lovemir.
Kasalukuyan akong nasa field, nakahiga sa ilalim ng puno at doon nagbabasa. Walang klase, wala ring practice ng sayaw kaya doon ako tumambay.
"Malapit na ang exam, eh."
"Dinalhan kita ng meryenda." Inilapag niya ang isang mamon at juice.
"Salamat."
"Ano ang kukunin mong course sa college?" tanong niya habang ngumunguya.
"Nursing? BS Bio? Alinman sa dalawang 'yan." Isinara ko ang hawak na libro 'tsaka ako naupo sa tabi niya. Nagsimula akong kumain. "Gusto ko talagang maging doktor."
BINABASA MO ANG
HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |
RomanceThis work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as sexual, self-harm, physical violence, emotionally triggering materials, death and suicide. Please engage in self-care as you read this wor...