CHAPTER 171

6.8M 101K 224K
                                    

CHAPTER 171

DEIB'S POV

MAHIGIT isang buwan na ang lumipas mula nang makauwi kami galing sa Palawan. Nakabalik kami sa Laguna nang ligtas ngunit puno kaming lahat ng kaba, tanong at agam-agam. Masiyado kaming alisto, alerto sa pag-iingat kahit sa anong bagay.

Sakay ng private jet ay naunang umuwi ang mga Moon, maliban kina Taguro at Heurt. Gaya nang sinabi ni Heurt ay hindi nila kami iniwanan at pinabayaan. Nanatili sila ni Taguro sa tabi namin upang pare-pareho kaming bantayan. Sumabay sa mga Moon si Chairman Enrile, at sa pagitan ng ilang oras ay bumalik ang private jet upang sunduin naman kaming mga naiwan. Hindi na nagawang maligo ng karamihan nang oras na iyon. Lahat ay napuno na ng takot at hindi na malaman kung ano ang gagawin. Pare-pareho ring tulala.

Lahat kami ay dumeretso sa mansyon ng mga Moon pagkabalik ng Laguna. Doon ay nagpaumanhin si More sa hindi inaasahang sitwasyon. Body guards din nila ang naghatid sa 'min sa kani-kaniyang bahay.

Walang makapagpaliwanag kung ano ang dahilan nang mga nangyari. Hindi namin nabuo ang isang linggong pananatili ro'n gaya ng usapan. Hindi kasi gano'n ang inaasahan namin.

Takot na takot si Noona nang oras na iyon. Matapos kasi niyang umiyak nang dahil sa saya no'ng ikasal siya, ay umiyak siya nang dahil sa takot na naramdaman dahil sa kaguluhan. Hindi niya binitiwan ang anak at panay rin ang hagulgol nang araw na iyon.

Nang mga sumunod na araw naman, sa pananatili namin sa sariling bahay ay pare-pareho kaming praning. May mga pagkakataon kasing may dumaraang helicopter sa ibabaw ng bahay namin. Parang nanunumbalik sa 'ming pare-pareho 'yong pakiramdam nang sandaling 'yon sa Palawan. May sandali ring kaunting kalabog lang ay nagtatakbuhan na sina Manang, Mommy at Noona pababa, umaasa sa magagawa namin nina daddy at Randall.

Hanggang ngayon ay sariwa pa sa isip ko ang mga naganap. Hindi na nga yata maalis 'yon sa alaala ko kahit kailan. Ang mga tanong ay hindi pa rin nasasagot hanggang ngayon. Ang agam-agam ay nanunumbalik sa t'wing maaalala namin ang nakaka-trauma na pangyayari. At ang pangamba ko sa kakaibang pakiramdam sa aking dibdib ay dagdag na alalahanin para sa 'kin.

Napakaaga kong nagising nang dumating ang araw ng Lunes. Matapos kong maligo ay bumaba agad ako, ang lahat ay nadatnan ko sa kusina. Dito rin sa bahay naglalagi si Randall. Dahil parang boss na inutusan ito ni Taguro na bantayan ang buong pamilya namin.

Sinilip ko ang cell phone ko bago ako maupo sa harap ng mesa. At gaya ng inaasahan ko ay wala man lang text si Taguro. Naglapat ang mga labi ko at kung ano-ano na namang isinumbat ko sa kaniya sa aking isip.

Tsk. Mahal niya pa ba ako? Nagngitngit ang kalooban ko. Nakasimangot tuloy akong naupo sa harap ng pamilya ko. "Good morning, everyone," pilit ang ngiting bati ko. "What's for breakfast?" tiningnan ko isa-isa ang nakahain.

"Bacon for my baby," pilit na pinasasaya ni mommy ang sarili.

Siguro ay ayaw niyang makita naming malungkot siya o may iniisip. Nag-aalala kasi kami kapag gano'n. Kapansin-pansin kasing naging matamlay siya nitong mga nakaraan. At nasisiguro kong ang nangyari pa rin sa Palawan ang dahilan niyon.

Hindi na rin nila magawang pumunta sa mga medical missions. Bukod kasi sa hindi sila pinapayagan ng Chairman ay natatakot pa rin silang pumunta sa malalayong lugar.

"Kumusta si Maxi, baby?" mayamaya ay tanong niya.

Napanguso naman agad ako. "Apat na linggo ko na siyang hindi nakikita, mommy. No'ng Biyernes lang kami uli nagka-text. Simula kahapon ng alas-nuebe ay hindi na uli siya nag-text," masama ang loob na tugon ko 'tsaka napabuntong-hininga.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon